“Barbie baka naman gusto mo nang kumilos dyan? Hindi ka ba papasok sa trabaho ngayon? Anong oras na!” bulyaw ni Roniela, matalik na kaibigan ni Barbie, dahilan para mapabalikwas ang dalaga.
“Ano ka ba Roniela inggitera? Alam ko ang oras ko, okay? Tatapusin ko lang itong pinapanood ko. Ang gwapo gwapo kasi ni Hyun Ku!” sigaw ng dalaga habang kinikilig pa.
“Naku, Korean Drama ka nanaman! Wala kang mapapala dyan! Kaya wala kang nobyo e. Nangangarap kang maging basurera tapos makakatagpo ng gwapong lalaking sa daan. Ano ba naman yan Barbie!” inis na ani Roniela.
Dalawamput siyam na taon na si Barbie, isang call center agent at isang NBSB—No Boyfriend Since Birth. Ito ay dahil sa pagkahilig niya sa Korean Drama—mga pelikula sa Korea, kadalasan nagpapakita ito kung paano nabubuo ang pag-ibig ng dalawang tao. Kaya naman umaasa siya na balang araw may isang gwapong lalaki rin ang bibingwit sa pihikan niyang puso.
“Hi Miss, alam mo ba kung saan ang sakayan papuntang Alabang? Kanina pa kasi ako naliligaw eh.” anang isang lalaki sa nagte-text na si Barbie, nagulat naman ang dalaga sa kakisigang mayroon ito.
“H-Ha?” anang wala sa katauhang dalaga, inulit naman ng lalaki ang sinabi. Tinuro niya ang sakayan ngunit nagulat siya sa kasunod na sinabi nito.
“Alam mo ang ganda mo. Ako nga pala si Uno, ito ang number ko. Baka lang naman gusto mo akong makilala nang lubos.” ika ng lalaki saka umalis, naiwan naman tulala ang dalaga.
Itinext niya nga ito at napadalas ang kanilang pag-uusap. Hanggang sa nagkapalagayan sila ng loob. Makalipas ang isang buwang walang palyang pagtatawagan, napagdesisyunan ng dalawa na magkita muli sa lugar kung saan unang pinagkrus ang kanilang tadhana.
“Wala talagang kupas ang ganda mo.” ani Uno sabay abot ng mga bulaklak, napangiwi naman ang dalaga sa kilig.
Namasyal sila sa Intramuros ng magkahawak ang mga kamay at kumain ng tusok-tusok sa gilid ng daan.
“Ito na yun Lord! Marami pong salamat sa mukhang angel na lalaking ito.” ani Barbie habang pinagmamasdan kung paano mapaso sa kwek-kwek ang lalaki.
Ang saya-saya niya noong araw na yon. Halos ayaw na niyang mahiwalay sa lalaking ito. Ngunit katulad ng kanyang mga napapanuod sa Korean Drama, kailangan nilang panandaliang maghiwalay.
“Mamaya kana umuwi, please. Mami-miss kita e.” paglalambing ni Barbie habang pinipigilang umalis ang lalaki.
“Matagal-tagal pa kasi ang biyahe ko, hayaan mo dadalaw ulit ako sayo.” pangungumbinsi naman ni Uno.
Tila tumigil ang mundo ng dalaga noong niyakap siya ni Uno. Amoy na amoy niya ang pabango nito, ramdam na ramdam niya ang mga bisig nitong nakapulupot sa kanyang bewang. Maya-maya, bumitaw ito sa pagkakayap at unti-unting nilapit ang mukha sa kanyang mukha, pumikit naman ang dalaga habang sinasambit sa sarili, “Ito na to! Magkaka-first kiss na ko! Magiging proud na ang kaibigan ko sa akin!”
Pero bago pa dumampi ang labi ng lalaki sa kanyang labi, nakaramdam siya ng isang matigas na bagay sa kanyang ulo.
“Oras ng trabaho tutulog-tulog ka dyan? Kapag ikaw nahuli nanaman ni Boss yari ka nanaman!” pagbulyaw ni Roniela dahilan para maalimpungatan ang kanyang kaibigan.
“Uno? Nasaan si Uno?” ani Barbie, tila hinahanap ang lalaking nasa panaginip.
“Sinong Uno naman yan? Kahapon si Harold ang hinahanap mo, ngayon naman si Uno? Siguro dapat ka na talagang magnobyo. Kung sinu-sinong lalaki ang nagpapakita sayo sa panaginip mo!” inis na anamg kaibigan sa nanghihinayang na si Barbie.
“Anak ka talaga ng tinapa e. Ikaw kamo yung kontrabida palagi sa panaginip ko. Andon na e. Hahalikan na ako noong gwapong lalaki! Tapos bigla kang manghahampas ng kung ano dyan! Nakakainis!” inis na inis na ani Barbie habang minu-muwestra ang nangyayari sa panaginip.
Hindi naman na siya pinansin ng kaibigan at bumalik na sa trabaho.
Nakakaloka, panaginip lang pala!
Hindi nagtagal ay napagpasyahan ng dalaga na bawas- bawasan na ang kapapanood niya ng Koreanovela. Nauubos kasi noon ang kanyang oras, bukod doon, nagkakaroon siya ng mga hindi makatotohanang expectation pagdating sa pag ibig.
Makalipas naman ang isang buwan ay nakilala niya si Alex, walang ka-thrill thrill ang love story nila dahil nagkabungguan lang sila sa overpass. Bagamat napakaligaya ni Barbie sa aksidenteng iyon, dahil kung hindi, wala sana siyang nobyo ngayon.