Inday TrendingInday Trending
Milagro, Nasaan Ka?

Milagro, Nasaan Ka?

Pasikat pa lang ang araw ngunit maaga nang naglalakad si Aling Gina. Halos apat na kilometro ang layo ng kanilang bahay mula sa ospital ngunit mas pinipili niyang maglakad dahil sa pamamagitan noon ay naisasabay niya ang pagdarasal ng rosaryo.

“Alam mo nakakaawa din naman iyang si Aling Gina, ano? Ilang taon na ba iyang ganyan? Bakit ba kasi hindi na lang niya isuko, tingnan mo tuloy wala na silang mga gamit sa bahay at baon pa sa utang,” wika ni Aling Liza.

“Naku, nabalitaan mo ba? Binenta na rin yung bahay nila at sa susunod na mga araw ay baka sa simbahan na lang daw sila tumira. Alam mo mare, kung ako iyan? Hindi na, hindi ko na ilalaban pa,” sagot naman ni Aling Lumen at sabay lang nilang tinitigan si Aling Gina na naglalakad habang nagdarasal.

Nakarating na ito sa ospital at agad na pumasok sa kwarto, pinalitan niya ang tubig na nasa pitsel saka inilagay ang rosaryo sa katabing mesa, inilabas din niya ang isang bugkos ng maliliit na santan.

“Anak, kita mo itong santan? Pinitas ko kanina bago ako nagpunta dito. Ang gaganda na nila anak at alam kong paborito mo sila kaya kapag gumaling ka na ay sabay nating pipitasin ang lahat ng iyon tapos tatakbo tayo kasi mahuhuli tayo ng may-ari,” maligayang wika ng ale.

“Anak, gising na,” dagdag pa ng ale saka niya idinikit ang kaniyang mukha sa pisngi ng dalaga.

Halos dalawang taon na rin ang nakakalipas nang maaksidente ang dalagang si Martha, ang nag-iisang anak ng ale.

Malakas ang buhos ng ulan noon ngunit naging mainit ang sagutan ng mag-ina.

“Mahal ko nga siya mama, bakit ba hindi mo matanggap iyon? Bakit ba hindi mo maintindihan na nagmamahalan kaming dalawa ni Romeo?” wika ni Martha sa kaniyang nanay.

“Ganyan din ako sa tatay mo dati, mahal na mahal ko pero iniwan lang ako noong wala na kaming makain. Hindi mo ba naiintidihan anak ha? Mahirap ang buhay at hindi nakakain ang pag-ibig! Anong pagsasaluhan niyo ni Romeo? Sardinas? Hanggang sa magkakaliskis ka sa balat o lumansa ang hininga mo?” baling ni Aling Gina.

“Bata ka pa at marami ka pang makikilalang ibang lalaki kaya naman sana, utang na loob! Makinig ka sa akin, makinig ka sa nanay mo,” dagdag pa nito.

Ngunit imbes na sumagot pang muli si Martha ay tumakbo ito palabas at kitang-kita ng kaniyang mga mata nang bumanga ang motor sa kaniyang anak. Para isang papel na nilipad ang katawan ni Martha sa ere saka ito tumilapon at nagpaikot-ikot sa daan. Nasawi ang buhay ng nagmamanehong motorista habang wasak-wasak naman ang motor nito.

Simula noon ay hindi na nagising pa si Martha, comatose daw ang dalaga at mababa ang tsansa na magising pa ito. Ngunit para sa isang ina, hanggat may hininga ang kaniyang anak ay hindi niya isusuko si Martha.

Matagal nang hiwalay sa asawa si Aling Gina at itinaguyod niyang mag-isa ang anak. Nagkaroon ng baboyan na negosyo dati ang ale sa tulong ng kaniyang mga magulang ngunit kasabay din ng aksidente ni Martha ay ang sunod-sunod na trahedya sa buhay ni Aling Gina.

May edad na rin ang mga magulang ni Aling Gina at nagulat na lang siyang hindi na nagising ang dalawa, masakit man ngunit sabay na namaalam ang kanyang mga magulang. Naibenta niya ang babuyan at ang mga gamit na naipundar para sa pagpapagamot ng kaniyang anak.

Tumulong na rin ang tatay ni Martha na si Mang Fabian ngunit hindi ito sumasapat para sa gamutan dahil napakamahal ng mga aparatong nakakabit sa katawan ng dalaga. Lumipas ang isa’t kalahating taon ay wala nang natira sa gamit nila Aling Gina kundi ang dalawang pares ng pinggan, kutsara at tinidor. Wala na lahat, limas.

Ngayon ay naibenta na rin niya ang bahay at lupa na minana pa niya sa kaniyang mga magulang, wala na silang uuwian ngunit aanhin niya ang mga ito kung mawawala ang kanyang anak.

“Nay, sigurado po ba kayong kaya niyo pa? Hindi naman ho sa sinasabi kong isuko niya na si Martha pero kasi wala pong nagiging improvement sa kalusugan niya at kung minsan ay mas lalo pa itong bumabagsak,” wika sa kaniya ng doktor.

“Dok, ‘di ba may deposito pa naman ho kami dito sa ospital galing doon sa bahay na binenta ko? Hindi pa rin po ba kasya iyon para mailaban ko pa po ang anak ko?” tanong ng ale habang hawak ang kamay ni Martha.

“Kasya pa naman ho ‘nay pero hanggang isang buwan na lamang. Wala na pong natira sa inyo,” malungkot na saad ng doktor sa kaniya.

Napaluha lamang si Aling Gina sa kaniyang narinig ngunit napalitan kaagad ito ng kaba ng biglang bumagsak ang pulso ni Martha. Mabilis siyang tumayo at tumabi, tinignan niya ang mga doktor habang pilit na binubuhay at binabawing muli si Martha sa bingit ng pamamaalam. Ngunit maya-maya pa ay narinig niya ang tunog na hindi inaasahan.

Ang tunog na wala nang buhay ang kaisa-isa niyang anak… Umiling na ang mga doktor at binitiwan na si Martha. Ngunit mabilis na kumilos si Aling Gina at sumampa ito sa kama ng kaniyang anak.

Tinanggal niya ang oxygen na nakalagay sa bibig at hinipan niya ito, binigyan niya ng hininga ang anak habang mahigpit na yakap ang dalaga.

“Martha, si mama ito. Anak, lalaban pa tayo, gising na anak ko. Sabayan mo si mama huminga!” wika ni Aling Gina habang nanginginig ang kaniyang matapang na boses at patuloy ito sa paghinga, lumuluha na ang mga taong nakapaligid sa kanila. Ang iba ay kinukuhanan ng video ang ale at ang iba naman ay nakapikit at umiiyak na rin.

“Anak! Martha si mama ito, makinig ka kay mama. Hihinga ka kasabay ni mama, inhale, exhale, Martha,” dagdag pa ng ale at halos tumagal ng dalawang minute ang eksena iyon.

At biglang nangyari ang milagro, bumalik ang pulso at tibok ng puso ni Martha at naramdaman ni Aling Gina na humihinga ito. Ngumiti rin ng bahagya ang dalaga na siyang ikinakilabot ng lahat. Napalakpakan ang ilan saka mabilis na kinuha ng mga doktor si Martha upang masuri.

Hindi tumagal ng isang oras at biglang nagising ang dalaga.

“Mama,” wika ni Martha at para bang nabuhayan muli si Aling Gina. Parang bumalik ang sanggol na Martha at naaalala niya ang unang beses na sinabi nito ang katagang mama, nag-uumpaw sa saya ang puso ng ale.

Marami ang tumulong sa mag-ina, ini-upload kasi ito ng isa sa mga nakasaksi ng milagro kaya naman ngayon ay umuulan ng mabubuting puso na nais mag-abot ng tulong sa kanila. Kaya naman hindi nagtagal ay nakaahon din sila sa pagkakabaon sa utang.

Nangako naman ang mag-ina na sa pangalawang pagkakataong ibinigay sa kanila ng Maykapal na magsama, hinding-hindi na nila ito sasayangin pa at mamumuhay ng magkasundo at masaya.

Advertisement