Nasapo ni Stephany ang kaniyang ulo habang binabasa ang sulat na ipinadala sa kaniya ng prinsipal sa eskuwelahang pinapasukan ng kaniyang anak. Paano ay gusto raw siyang makausap nito dahil sa isang napakaimportanteng dahilan.
Walang sinabi kung bakit gusto siyang kausapin nito dahil ayon sa sulat ay mas mabuti raw kung sa personal na lamang siyang pupunta sa eskuwelahan ng mga ito upang malaman kung bakit. Tuloy ay kailangan niyang mag-rest day bukas para lang asikasuhin ito. Sa totoo ay masama ang kutob ni Stephany sa sulat na ito. Pakiramdam niya ay may ginawang kalokohan ang kaniyang anak sa eskuwela kaya ngayon ay ipinatatawag siya doon.
“Umamin ka na, Miko! Huwag mo nang hintaying sa ibang tao ko pa malaman ang ginawa mo! Bakit ako ipinatatawag ng principal n’yo?!” hiyaw ni Stephany sa kaniyang anak na highschool student.
“Hindi ko po talaga alam kung bakit, ma! Wala po akong ginagawang masama!” kunot-noo at pa-iyak na nitong sagot naman sa kaniya.
Pinaalis niya na lamang ang anak sa kaniyang harapan dahil baka mamaya ay mapagbuhatan niya pa ito ng kamay sa sobrang galit. Pagod na nga siya sa pagtatrabaho nang walang pahinga, pagkatapos ay ganito pa ang aabutan niya sa kaniyang pag-uwi!
Simula nang pumanaw ang kaniyang mister dahil sa sakit nito sa atay, siya na ang tumayong ama at ina sa kaniyang mga anak. Ibinuhos niya ang kaniyang sarili sa trabaho upang hindi siya kainin ng pangungulila sa kaniyang asawa at hindi niya napapansing dahil doon ay nawalan na rin siya ng panahon para sa kaniyang mga anak.
Lingid sa kaalaman ni Stephany, pakiramdam ng kaniyang mga anak ay sabay na nawala ang kanilang mga magulang sa kanila. Ang ama, dahil pumanaw na, habang siyang kanilang ina dahil wala na siyang oras sa kanila. Katuwiran ni Stephany ay para naman iyon sa kinabukasan ng mga ito kaya naman pinilit nalamang ng kaniyang mga anak na intindihin ang kaniyang sitwasyon.
Kinabukasan, nang makarating si Stephany sa eskuwelahan ng kaniyang mga anak ay kasama na niya si Miko, dahil ito ang siyang dahilan kung bakit siya ipinatawag sa eskuwela.
“Ma’am, ano ho ba talaga ang dahilan kung bakit n’yo ho ako pinatatawag? Malaki ho ba ang kasalanang nagawa ng anak ko? May kailangan ho bang bayaran?” tanong agad ni Stephany sa principal ng eskuwelahan.
“Naku, mommy, hindi po!” ngunit agad nitong pagtanggi kaya napakunot ang noo niya.
“E, bakit po? Akala ko po ba importante ang dahilan ng pagpapatawag n’yo sa akin?” tanong pa niya na may halong inis sa kaniyang tinig.
“Importante nga po ang sasabihin ko, pero hindi ko ho sinabing bad news ang nais kong ibalita… didiretsahin ko na ho kayo. Ang anak n’yo ho kasing si Miko ay nais naming isali sa darating na patimpalak tungkol sa pakikipagpatalinuhan. Iba’t ibang schools ho ang maglalaban-laban, iyon nga lang ay kailangan niyang magpapunta ng guardian. Napakatalino ho ng anak n’yo, misis, kaya lang ay ayaw niyang mag-participate sa mga ganitong oportunidad dahil sabi niya, wala naman daw ho kayong balak na siya ay suportahan,” ang mahabang paliwanag ng punong guro na agad namang ikina-bigla ni Stephany.
Bigla niyang naalala ang mga panahong hinihiling sa kaniya nina Miko na um-absent muna siya sa trabaho dahil kailangan daw ng magulang sa mga school programs na gusto nilang daluhan, ngunit minsan man ay hindi niya pinagbigyan ang mga ito. Bigla siyang nakadama ng hiya sa kaniyang sarili. Nang dahil sa kagustuhan niyang huwag mangulila sa kaniyang asawa ay napabayaan niya na ang kaniyang mga anak. Ang totoo ay hindi naman sila maghihirap kung sakaling titigil siya sa trabaho dahil sa laki ng ipon ng kaniyang mister sa bangko noon pa man. Bukod pa sa life insurance na noon ay pinaglaanan din nito ng pera na para sa kanilang mga anak. Naging makasarili lamang talaga si Stephany at hindi niya inisip na kailangan din siya ng kaniyang mga anak.
Bigla siyang natauhan. Sinabi niya sa punong-guro na isali na ang kaniyang anak dahil dadalo na siya palagi sa mga programang sasalihan nito. Humingi rin siya ng tawad sa kaniyang mga anak dahil sa kaniyang naging pagkukulang at mabilis naman siyang pinatawad ng mga ito.
Nagpasyang mag-resign sa kaniyang trabaho si Stephany para sa kaniyang mga anak. Nagtayo na lamang siya ng isang maliit na negosyo upang kahit papaano ay may mapagkaabalahan siya habang inaalagaan ang kaniyang mga mahal na supling.