Inday TrendingInday Trending
Isang Lihim ang Itinatago Niya sa Kaniyang Bestfriend; Siya ang Anak sa Labas ng Ama Nito!

Isang Lihim ang Itinatago Niya sa Kaniyang Bestfriend; Siya ang Anak sa Labas ng Ama Nito!

Nabitiwan ni Shiela ang hawak niyang baso nang marinig ang pag-uusap ng kaniyang ina at ng isang lalaking matagal na niyang kilala… ang Tito Andres na siyang ama ng kaniyang pinakamatalik na kaibigang si Regina.

Hindi niya alam kung papaano magre-react sa kaniyang nalaman. Bigla siyang natulala, napipi at tila umurong ang kaniyang dila. Hindi niya akalaing paglalaruan sila ng tadhana nang ganito katindi!

Matagal nang hindi nakikita ng pamilya ng kaniyang bestfriend na si Regina ang ama nito dahil iniwan sila nito upang sumama sa ibang babae. Pagkatapos ay makikita niya ito sa kanilang bahay na kausap ng kaniyang ina at maririnig niya ang pagsasabi nito na ito raw ang kaniyang tunay na ama! Kapatid pala niya ang bestfriend niya!

“A-anak, Shiela, m-magpapaliwanag ako—” akma sana siyang lalapitan ng kaniyang ina ngunit bigla niya itong sinigawan.

“Hindi! Huwag n’yo akong lapitan! Narinig ko ang lahat, ma!” umiiyak na aniya sabay takbo papasok sa kaniyang kwarto upang doon magkulong at magmukmok.

Ang mga ina nila ni Regina ay pawang matalik din na magkaibigan kaya naman hirap na hirap siyang tanggapin na trinaydor ng kaniyang mama ang ina ni Regina para lang sa isang lalaki! Sila ang dahilan kung bakit nasira ang pamilya ng kaniyang bestfriend at dahil doon ay natatakot siyang maging katapusan din iyon ng pagkakaibigan nila!

Matapos ang pangyayaring iyon ay iniwasan ni Shiela ang kaniyang ina at hindi ito hinayaang magpaliwanag. Patuloy niyang itinago sa kaibigan niyang si Regina ang tungkol sa kaniyang mga nalaman sa takot na baka bigla na lamang itong magalit sa kaniya.

Kinimkim ni Shiela ang sikretong iyon nang ilang taon. Mabuti na nga lamang at hindi na nagpakitang muli si Andres—ang ama nila ni Shiela—dahil sa isang hindi malamang dahilan.

Ngunit isang pangyayari ang babago sa takbo ng kanilang buhay… iyon ay nang isang araw ay nagulantang ang lahat sa balitang nabundol ng sasakyan si Regina at kinakailangan nitong masalinan ng dugo sa lalong madaling panahon.

Walang mahanap na donor nang mga panahong iyon kaya naman dahil sa sobrang pag-aalala ay hindi na nagdalawang isip pa si Shiela na magbigay ng sariling dugo sa kaniyang bestfriend at kapatid na si Regina… kahit pa nga ang ibig sabihin n’yon ay mabubuko na ang sikretong matagal na rin niyang kinikimkim.

Katog ang mga tuhod ni Shiela nang papasok na siya sa private room ng kaniyang kaibigang si Regina. Alam niyang sa mga pagkakataong ito ay alam na nito ang kaniyang sikreto at natatakot siyang malaman ang reaksyon nito ukol doon.

Ganoon pa man, inihanda na ni Shiela ang kaniyang sarili sa masasakit na salitang maaari niyang matanggap mula sa kaniyang bestfriend. Alam niya kung gaano ito kagalit sa kanilang ama at sa babaeng sumira sa kanilang pamilya… na walang iba kundi ang kaniyang ina.

Ngunit nagulat si Shiela nang sa kaniyang pagpasok sa loob ng kwarto ay nakita niya ang nakangiting mukha ng kaibigan. Nakabukas ang mga braso nito na para bang inaaya siya nito para sa isang mahigpit na yakap.

“Alam ko na ang totoo, Shi,” anito sa kaniya na tinawag pa siya sa kaniyang palayaw. “Huwag mong iisiping magagalit ako sa ’yo dahil lang nalaman kong kapatid kita. Hindi. Bukod sa iniligtas mo ang buhay ko, wala akong karapatang magalit sa ’yo dahil biktima lang din kayo ng papa ko. Kayo ng mama mo na noon ay siyang pinagsamantalahan lang ng papa.”

Nagimbal si Shiela sa kaniyang nalaman at biglang napalingon sa kaniyang inang noon ay naroon na rin pala sa loob at umiiyak, katabi ang ina ni Regina. Isiniwalat ng mga ito sa kaniya na siya ay bunga lang ng pananamantala ng kaniyang ama noon sa kaniyang ina bago pa man ito sumama sa ibang babae!

Hindi na nagsampa pa ng kaso ang kaniyang ina upang hindi magkaroon ng eskandalo ang kanilang mga pamilya. Nang sa ganoon ay mamuhay siya at si Regina nang matiwasay habang sila ay lumalaki.

Biglang niyakap ni Shiela ang kaniyang ina. Ibang klase pala ang pagmamahal nito sa kaniya at ganoon na rin ng pamilya nina Regina! Dahil doon ay mas naging matibay ang kanilang samahan bilang isang pamilya kahit pa nga sila ay pawang mga biktima ng lalaking kahit kailan ay hindi nila ituturing na ama!

Advertisement