Inday TrendingInday Trending
Kinahiligan ng Babae ang Nakakatakot na mga Palabas Habang Siya ay Buntis; May Epekto Nga ba Ito sa Kaniyang Anak

Kinahiligan ng Babae ang Nakakatakot na mga Palabas Habang Siya ay Buntis; May Epekto Nga ba Ito sa Kaniyang Anak

Nakangiting pumuwesto si Ester sa tapat ng kanilang telebisyon matapos niyang magawa ang lahat ng kailangan niyang tapusin sa bahay bago pa dumating ang kaniyang mister mula sa trabaho. Alas sinco pa lamang ng hapon ngunit tapos na siyang makapagluto ng hapunan, makapaghugas ng pinggan, makapaglaba at makapaglinis ng bahay kaya naman oras na ngayon ng kaniyang pahinga.

Hawak niya ang isang pinggan ng adobong mani, pati na rin ang remote control ng kanilang telebisyon. Umupo siya sa kanilang komportableng sofa at itinaas ang kaniyang paa. Handa na siyang manood ng kaniyang kinahihiligan ngayong mga palabas… horror movies.

Nasa kalagitnaan na ng kaniyang panunuod si Ester nang kumatok sa kanilang pintuan ang kaniyang mister. Agad naman siyang tumayo upang pagbuksan ito, ngunit nagulat siya nang makitang sa likod nito ay kasunod nito ang kaniyang biyenang babae.

“O, ’nay, nariyan po pala kayo!” Mabilis na nagmano si Ester sa kaniyang biyenan bago humalik sa kaniyang asawa.

“Nakaluto ka na ba, mahal?” tanong ng kaniyang mister na si Tony kay Estrelya.

Mabilis na tumango ang babae. “Oo, halika na’t ipaghahain ko kayo ni nanay.” Bumaling siya sa kaniyang biyenan. “Inay, halina ho, kain na po tayo. Nagluto ho ako ng pritong manok at ginataang gulay,” aya niya pa rito.

“Naku, salamat, anak. Hayaan mong tulungan kita riyan. Dapat nga’y hindi na ikaw ang gumagawa niyan. Hindi ba’t maselan pa naman ang pagbubuntis mo?” Bigla nitong hinarap ang anak. “Aba’y Tony, bakit ba ito pang asawa mo ang pinaghahain mo? Hindi ka ba marunong maghain ng kakainin mo?” Pinagalitan pa nito ang kaniyang mister na napakamot na lang sa kaniyang ulo.

“Si nanay, okay lang naman ho. Hindi naman ho kami mapapaano ni baby. Magaan lang naman ho ang trabahong ito. Isa pa, pagod po si Tony, hayaan n’yo pong pagsilbihan ko siya,” nakangiti namang sabi ni Ester sa biyenan na halatang nag-aalala sa kaniya at sa magiging apo nito.

“E, ano ba ang pinapanuod mo r’on? Naiwan mong bukas ang telebisyon,” bigla nitong napansin ang nakabukas pa palang telebisyon nila at napakunot ang noo nito nang mapansin ang palabas na siyang tumatakbo roon ngayon.

“Ano ito? Nakakatakot? Naku, Ester, huwag ka ngang manuod nang ganiyan! Baka mamaya’y maging kamukha ng apo ko ang mga karakter sa palabas na ’yan,” reklamo pa nito sabay sapo sa kaniyang ulo.

Hindi alam ni Ester kung matatawa ba siya o ano sa nagiging reaksyon ng kaniyang biyenang babae. Halata kasi ang labis na concern nito sa kanila ng kaniyang magiging anak. Siguro ay dahil na rin sa matagal na nitong inaasam na magkaroon ng anak na babae. Pawang mga kalalakihan kasi ang naging tatlo nitong mga anak.

Nang makaalis ang kaniyang biyenan ay ipinagpatuloy ni Ester ang panunuod ng horror movie na hindi niya natapos dahil sa pagpigil ng kaniyang biyenan. Naisip niyang, hindi naman siguro totoong magiging kamukha ng anak niya ang mga karakter doon…

Ngunit nang gabing iyon, balisang-balisa si Ester dahil hindi siya makatulog. Humahagok na ang kaniyang asawa at dahil tulog mantika ito ay hirap na hirap siyang gisingin ito. Natatakot siyang magpunta nang mag-isa sa banyo dahil hanggang ngayon ay naaalala niya pa rin ang pinanuod niyang palabas na nakakatakot kanina. Dahil doon ay halos magdamag siyang walang tulog.

Kinaumagahan ay napansin ng kaniyang asawa ang kaniyang mabilis na pananamlay. Dahil doon ay nagpasya agad itong huwag na munang pumasok sa trabaho upang samahan siyang magpa-check up kaagad sa doktor.

Biglang pinagsisihan ni Ester ang hindi niya pakikinig sa kaniyang biyenan dahil pakiramdam niya ay na-paranoid nga siya sa panonood ng mga iyon.

Naki-usap ang asawa niyang si Tony na sa kanila na muna manatili ang ina nito upang may kasama siya sa bahay kapag ang asawa niya ay nasa trabaho. Mabilis naman itong pumayag at talagang todo alaga ang ginawa nito sa kaniya. Ni ayaw siya nitong pagawain ng kahit ano sa bahay, tuloy ay nahihiya siya. Bagama’t pinagbabawalan ng biyenan ay minabuti ni Easter na tumulong-tulong pa rin dito lalo at bilin din naman sa kaniya ng kaniyang doktor na kumilos-kilos siya upang ma-exercise siya at ang kaniyang baby.

Sa pananatili ng kaniyang biyenan sa kanilang piling ay mas napagtanto ni Ester na walang masama kung susunod siya sa mga pamahiin nito. Lalo na kung ang mga iyon ay para naman sa kaniyang ikabubuti.

Advertisement