Inday TrendingInday Trending
Dala ng Matinding Kahirapan ay Namasukang Katulong ang Dalaga sa Mayamang Haciendero, Di Niya Akalaing Iibig Siya Rito

Dala ng Matinding Kahirapan ay Namasukang Katulong ang Dalaga sa Mayamang Haciendero, Di Niya Akalaing Iibig Siya Rito

Nagising si Cristina na may mabigat sa pakiramdam. Ngayon na ang araw na napagkasunduang ipagbibili na siya ng kanyang mga magulang sa hacienderong si Henry. Dahil sa pagkakabaon sa utang, wala nang maisip ang kanilang pamilya upang makabayad sa lalaki. Kaya’t napagkasunduang gagawin munang kasambahay si Cristina sa loob ng sampung taon sa pamamahay ng matapobreng binata.

“Inay, Itay, para po ito sa inyo. Dadalaw po ako paminsan-minsan kapag pinayagan. Makakaraos din po tayo. Titibayan ko po ang aking loob, mahal na mahal ko po kayo. Mangako po kayong aalagaan ninyo ang isa’t isa.” habilin ni Cristina matapos mag-empake ng kanyang mga gamit.

“Huwag kang mag-alala, anak. Kaya namin ang sarili namin. At isa pa, pangako din namin sa iyo na mag-iipon kami upang makabayad kay Henry at makuha ka na namin. Pasensiya ka na, anak.” malungkot na tugon ni Mang Cardo, ama ni Cristina.

“Basta ang mga bilin ko sa iyo ha, huwag mong kalilimutan. At mag-iingat ka kay Henry, mahilig pa naman iyon sa magagandang babae. Huwag mong hahayaang yurakan niya ang iyong pagkatao. Mahirap lamang tayo ngunit may prinsipyo pa rin tayo.” pagpapa-alala ni Naida, ina ng dalaga.

Inihatid na ng dalawa ang kanilang anak sa mansyon ng haciendero. Doon ay naabutan nila si Henry na nakaupo sa malawak na hardin at nag-iintay sa kanila, hawak hawak ang kasunduang kanilang pipirmahan.

“Buti naman at dumating na kayo. Maupo na kayo nang matapos na ito.” mayabang na bati ng haciendero.

Kinuha ng mag-asawa ang kontrata. Nakalahad doon ang lahat ng kasunduan.

“Sana po’y nasa mabuting kamay ang aming dalaga.” sambit ng mag-asawa sa mayamang haciendero.

Tumawa ng malakas ang binata.

“Ano namang gagawin ko sa anak niyo? Kung nakakabayad lang kayo sa mga utang ninyo edi sana hindi ganito, hindi ba?” talagang mapagmataas ang binata.

Nang makauwi na ang mag-asawa, agad na nilapitan ni Henry ang dalaga. Sinuri niya ito mula ulo hanggang paa. Napansin niya ang maganda nitong mukha at ang makinis nitong kutis sa kabila ng kahirapan.

“Maganda ka pala, ‘no? Pwede na!” nakangising sabi ng binata. Napakatinik nito sa mga kababaihan, at lahat nama’y madali niyang nakukuha dahil sa taglay na yaman at karisma.

Hindi ngumingiti si Cristina. Alam niyang ganito ang ugali ni Henry kaya’t umiiwas siya sa mga pambobola. Nagulat ang dalaga ng bigla siyang hawakan ng binata sa beywang. Napabalikwas ang dalaga.

“Ano ba?! Hindi porket katulong niyo ako e pwede niyo yang gawin sa akin!” sigaw ng dalaga. Maski siya ay nagulat sa nasabi.

“Ayos ah! Mailap. Yan ang gusto ko. O sige na, pumasok ka na doon at magsimula na.” sagot ni Henry. Nagulat siyang umalma ang dalaga sa kanyang ginawa. Alam niyang kung iba iyon ay papayag na lamang na hawakan niya.

Lumipas ang ilang linggo, at pansin ni Cristina na halos araw araw ay iba ibang magagandang babae ang inuuwi ng amo. Nang isang araw ay nahuli siya ni Henry na nakatingin habang hinahalikan ang isang babae sa kusina.

“Anong tinitingin tingin mo? Naiinggit ka? Gusto mo rin akong tikman?” mayabang na sabi ni Henry.

Umalis naman ng tingin si Cristina at nagpatuloy sa ginagawa. Nagulat siya nang biglang may yumakap sa kanya patalikod. Matapos ay naramdaman din niya ang kamay nitong umaakyat papunta sa kanyang malambot na dibdib.

“Gusto mo ba ito?” malanding pagkakasabi ni Henry.

Nagulat ang binata nang bigla siyang itulak ng dalaga at nagsisigaw.

“Anong problema mo? Napakabastos mo! Anong akala mo, por que mayaman ka makukuha mo na kung sinong gusto mo? Wag na wag ninyo akong bababuyin kung hindi tatawag ako ng pulis!” galit na galit na sabi ng dalaga.

Ngumiti lamang si Henry, inis na inis siya sa sarili dahil hindi siya sanay na tinatanggihan siya ng mga babae. Sabay sinabing, “Kunwari ka pa, ano? Mahirap ka lang, kaya wag kang mag-inarte. Sige, pumayag ka lang na ikama kita tapos ay ibabalik na kita sa inyo. Ano? Isang gabi lang! Bayad lahat ng utang ninyo.”

Tumahimik ang dalaga. At bigla namang napangiti si Henry.

“Aabutan pa kita ng P50,000.00, o hindi ba? Good deal?” dagdag pa ng binata.

Galit na galit na sumagot ang dalaga. “Sir, hindi por que mahirap lamang ako e wala na akong dignidad. Ipinalaki akong maayos ng magulang ko. Hindi katulad mo na halos nasa iyo na ang lahat, pero nabubulok naman ang iyong pagkatao. Hindi ko ho tinatanggap ang alok ninyo.”

Gulat na gulat si Henry. Muli ay tinanggihan na naman siya ng dalaga. Parang sinampal din siya ng katotohanan sa mga narinig mula sa dalaga. Nakakunot ang noo ng binata nang naisipan niyang umalis na lamang sa bahay.

Isang umaga, nagulat si Cristina nang pagkagising niya ay mayroong rosas at mga tsokolate sa tabi ng kanyang higaan. Agad niyang tinanong ang mga kasamahang kasambahay. “Kanino ito? Saan galing?”

“Nako, iniwan yan ni Sir kanina. Hindi ko nga alam kung bakit. Ipinaabot sa akin, ilagay ko raw sa tabi ng higaan mo. Nagulat pa ako dahil unang beses ko atang narinig ang mga salitang “paki” at “salamat” sa kanya. “

Nagtataka ang dalaga. Lumabas na siya upang magtrabaho nang makita ang binata.

“Cristina.”mahinahong bati nito sa kanya.

“Bakit po? Ano pong kailangan ninyo?” tanong ng dalaga.

“Patawad sa mga nagawa at nasabi ko kahapon. Sa totoo lang ay nasaktan din ako sa mga sinabi mo. Pero naisip ko’y totoo nga ang mga iyon. Magmula ng mawala si Mama at Papa, wala na akong ginawa kung hindi magpasarap ng sariling buhay at magpahirap naman ng buhay ng iba.” malungkot na sabi ng binata. Gulat na gulat si Cristina sa kanyang mga naririnig.

“Sir, hindi pa naman po huli ang lahat para magbago. Nakikita ko naman pong may natitira pang kabutihan sa iyong puso.” sambit ng dalaga.

Natuwa si Henry dahil ngayon na lamang niya narinig na may taong naniniwala pa sa kanya. Kaya’t naging desidido siyang magsimula nang magbago.

Sinimulan niya ito sa pagpapakain sa mga mahihirap na bata sa hacienda. Binilhan niya rin ito ng mga gamit sa eskwela. Sumunod nama’y binigyan ng dagdag sahod ang mga tauhan at magsasaka sa hacienda. At ang isa sa pinakamalaking pagbabago ay ang pagbabago nito sa kanyang ugali. Mula sa pagiging masungit, matapobre, at bastos na bunganga ay naging magalang, mapagkumbaba, at maintindihin ang binata.

Gulat na gulat ang lahat sa kanyang pagbabago.

Isang araw ay naisipan ng binata na magkaroon ng salo-salo sa mansyon upang ipagdiwang ang death anniversary ng kanyang ina. Maraming mga tao ang nagpunta, pati na rin ang mga magsasaka at mga tauhan niya sa hacienda.

“Henry, ang laki ng pinagbago mo. Anong nangyari sa iyo?” tanong ng isang matandang magsasaka.

Nangiti lamang si Henry at biglang itinuro si Cristina. “Siya po. Siya po ang dahilan.” nakangiting sagot ni Henry. Matapos ay agad niyang nilapitan ang dalaga.

“Cristina, patawad sa lahat ng aking nagawang mali. Mula ngayon ay pinapalaya na kita. Maaari ka nang makabalik sa iyong mga magulang.”sabi ng binata.

“Talaga po? Maraming salamat po!” sa sobrang saya ng dalaga’y hindi niya napansin na niyakap niya pala si Henry.

Umuwi na ang dalaga sa kanila. Masaya silang namuhay ng kanyang ina at ama. Nang isang araw ay may kumatok sa kanilang pintuan.

“Mang Cardo, Aling Naida, maaari ko bang ligawan ang anak ninyo?” tanong agad ng lalaki pagkabukas pa lamang ng pintuan ng mag-asawa.

Laking gulat ng dalawa, pati na rin si Cristina na nakikinig sa usapan.

Lumapit ang dalaga at sinabing, “Henry? Ayos ka lang ba?”

“Oo naman. Napag-isip isip kong ikaw ang babaeng kukumpleto sa buhay ko. Kaya’t kung papayag ka ay manliligaw ako.” tanong ng binata.

Pumayag si Cristina pati na rin ang mga magulang nito. Matapos ang ilang buwan ng ligawan ay nakuha rin ng binata ang matamis na oo ng butihing babae.

Matapos ang ilang taon ay ikinasal ang dalawa, at namuhay ng maligaya.

Natutunan ni Henry na ang masamang ugali ay hindi magbubunga ng maganda. Kaya kahit na saan ka man makarating, ipakita ang mabuting puso.

Advertisement