Inday TrendingInday Trending
Isang Babae ang Tampulan ng Tukso Dahil sa Dami ng Kanyang Tigyawat, Napanganga ang Lahat sa Kanyang Pagbabalik

Isang Babae ang Tampulan ng Tukso Dahil sa Dami ng Kanyang Tigyawat, Napanganga ang Lahat sa Kanyang Pagbabalik

Sa araw araw na gumigising si Maureen, iniiwasan niyang tumingin sa salamin matapos maligo. Simula kasi nang mag-dalaga ang babae ay tinubuan na ng napakaraming tigyawat ang kanyang mukha. Kaya naging tampulan siya ng tukso ng mga kaklase at kakilala.

“Yaaah! Tigidig tigidig tigidig!”sigaw ng kaklase ni Maureen nang makita siyang dumadaan papasok ng classroom.

“Pinipig! Bili na kayo ng pinipig!”, kantyaw pa ng isa niyang kamag-aral.

Tumakbo papasok ng banyo ang dalaga dahil sa labis na pagkapahiya. Dito siya nag-iiyak ng sobra. Pagkalabas ng banyo, sinalubong siya ng kaibigang lalaki. Si Ian.

“O, bakit? Ok ka lang ba? Inaasar ka na naman ba ng mga lokong yun? Gigil talaga ko sa mga yun e!”sambit ni Ian.

“Hayaan mo na. Wag mo nang patulan. Hayaan na lang natin sila. Saka totoo naman e, ang pangit pangit ko na.” malungkot na sabi ni Maureen.

“Marami ka lang tigyawat, pero hindi ka pangit! Talagang isang araw pag di ako nakapagpigil humanda sakin yang mga yan.” wika ng binata.

Sa tuwing inaapi si Maureen ng mga kaklase, palaging nariyan si Ian upang ipagtanggol siya. Laking pasasalamat niya at naging kaibigan niya ito.

Isang araw, naisip ni Maureen na manood ng Beauty Pageant sa kanilang school. Habang nanonood, nagulat siya nang may isang grupo ng kalalakihan ang lumapit sa kanya.

“Hoy, pangit! Bakit ka nandito? Baka maka-hawa ka! Hahaha! May bago ka na naman palang bulkan? Gitnang gitna pa ng ilong mo ah!”, tawang tawang sabi ng mga lalaki.

Walang nagawa si Maureen kung hindi umalis na lamang. Iyak na lamang ang nagagawa ng dalaga upang maibsan ang kirot sa kanyang puso.

Huling araw na ng eskwela at naisipan ni Maureen at Ian na kumain muna sa isang fast food bago magpaalam sa isa’t isa. Uuwi kasing probinsya ang dalaga upang magbakasyon. Halos dalawang buwan ding hindi magkikita ang magkaibigan.

“Mag-iingat ka ha. Mamimiss kita.” sambit ni Ian.

“Ikaw naman, ilang buwan lang naman tayong hindi magkikita. At isa pa, baka madagdagan lang tong mga tigidig ko sa mukha.” patawang sabi ng dalaga.

“Eh ano naman? Hay, puro ka biro. Basta ha. Ingat palagi.” paalam ni Ian.

Malungkot niyang niyakap ang kaibigan, mami-miss niya talaga ito. Ang tangi niyang kakampi.

Matapos ang halos dalawang buwang bakasyon, balik eskwela na ang mga estudyante.

Papasok na si Ian nang makita ang isang magandang dalaga na naglalakad sa corridor. Napakaraming estudyante rin ang nakatingin sa babae dahil napakakinis nito at mamula mula pa ang kutis.

“Sino yun? Bago ba yun? Ngayon ko lang yun nakita ah.” tanong ng isang kamag-aral ni Ian.

“Di ko alam, pre. Nakita mo ba si Maureen?” tanong ng binata. Miss na miss na niya ang kaibigan.

“Hindi e. Bakit ba panay ang hanap mo sa pangit na yun?” pabirong sagot ng lalaki.

Nainis naman agad si Ian kaya’t hindi na pinansin ang pang aasar ng kasama.

Nang pumasok na siya sa classroom, laki pa rin ng pagtataka niya kung bakit wala pa rin ang kaibigang si Maureen.

Dumating na ang teacher at sinabing, “Ok, class, bago tayo magsimula ay tatayo kayo isa isa sa harap upang ikwento ang inyong bakasyon.”

Isa isang tumayo at nagkwento ang mga kamag-aral ni Ian.

Nang tumayo na ang magandang babae na kanina pa tintingnan ng mga kalalakihan, nagsalita na ito.

“Hello. Ako po si Maureen. Noong bakasyon ay nagpunta ako sa aming probinsya…”

Laking gulat ng lahat nang marinig ang sinabi ng dalaga.

“Maureen? As in yung tigidig na kaklase namin?”sigaw ng isa sa mga kaklase nila.

“Luh! Anong nangyari? Lumagok ka ba ng Maxipeel?” biro ng isa.

Nagtawanan ang buong klase. Muli, napahiya na naman si Maureen. Ngunit hindi na napigilan ni Ian ang sarili.

“Ano? Anong problema niyo kay Maureen? Ano naman kung puro siya tigyawat noon? Alam niyo, dati pa kayo ganyan e. Ang babastos ng bunganga ninyo. Akala niyo kung sino kayong mga perpekto!” hindi na napigilan ni Ian ang mga hinanakit sa mga kaklase. Lumabas ito ng classroom at nagpahangin.

Sinundan naman siya ni Maureen.

“Ian, kamusta ka na?” nakangiting bati nito sa kaibigan.

“Ayos lang ako. Anong nangyari sa’yo?” pagtataka ni Ian. Ngunit di niya maiwasang titigan ang mukha ni Maureen. Talagang napakaganda nito.

“Wala lang. Di ko rin alam e. Bigla nalang nawala ang mga malas. Haha! Ayaw mo na ba akong maging kaibigan dahil wala na akong tigidig sa mukha?” pabirong sabi ni Maureen.

“Baliw. Tara na nga at bumalik na tayo.” yaya ng binata.

“Oo nga. At saka hayaan mo na sila, Ian. Hindi naman na ako tinatablan ng mga salita nila.”mahinahong sagot ng dalaga.

Bumalik na sila sa loob ng classroom. Laking gulat ni Maureen nang salubungin siya ng kanyang mga kaklase.

“Sorry, Maureen.”

Sabay sabay na sambit ng mga ito.

Pinatawad naman sila agad ng dalaga. Noong pauwi na ay hinatid ni Ian ang dalaga. Nagulat si Ian nang biglang nagsalita si Maureen.

“Ian, maraming salamat ha. Napakabuti mo. Kaya love na love kita e!” nakangiting sabi ni Maureen.

Namula naman ang binate, di malaman kung ano ang sasabihin. Pagkaraan ng ilang minute ay sumagot ito.

“Mahal rin kita.” hindi napigilan ni Ian ang lumabas sa kanyang bibig.

Nagulat din si Maureen sa narinig.

Ngunit pinandigan na ni Ian ang kanyang sinabi. Matagal niya na rin naman itong tinatago.

“Maureen, totoo iyon. Hindi ka nagkakamali ng rinig. Mahal kita, matagal na. Mula noon, hanggang ngayon. Kahit ano pang itsura mo.” pag amin ng binata.

Ngumiti ng lubos ang dalaga.

“Alam ko. Ramdam ko.” sagot ni Maureen.

Simula noon, naging mag- nobyo na ang dalawa. At kahit may tigyawat o wala, mahal na mahal ni Ian ang babaeng nakakapagpasaya sa kanya.

Natutunan ng mga tao na mali ang pang-aapi nang dahil sa itsura ng isang tao. At natutunan din nila na dapat maging maingat sa mga salitang binibitawan upang hindi makasakit ng iba.

Advertisement