Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Away ng Kanyang mga Magulang ay Nakipagtanan ang Dalaga, Impyerno Rin Pala ang Buhay na Daratnan Niya

Dahil sa Away ng Kanyang mga Magulang ay Nakipagtanan ang Dalaga, Impyerno Rin Pala ang Buhay na Daratnan Niya

Rinding rindi na ang tenga ng kinse anyos na panganay na si Jenny sa walang katapusang away at bangayan ng kanyang ama’t ina. Apat na magkakapatid ang anak ni Rowena at Bobby, kaya ganoon na lamang ang hirap na nararanasan ng ina sa pag-aalaga sa mga bata.

“Ano? Wala ka bang ibang gagawin diyan kundi humilata magdamag? Ano ako dito, katulong?! Tumulong ka naman mag-alaga ng mga anak mo! Hindi ko lang anak itong mga ito ha!” galit na galit na sabi ni Rowena.

“Rowena naman! Mula Lunes hanggang Biyernes wala akong ibang ginawa kung hindi magtrabaho para may maipakain sa inyo. Tapos sasabihan mo pa ako ng ganyan? Aba’y parang hindi naman tama ito!” sagot naman ni Bobby.

Para sa dalawa’y pareho silang may katwiran. Kaya naman walang nagpapatalo at walang humpay ang bungangaan nila.

Isang araw ay nagising si Rowena na parang may malaking pagbabago sa bahay. Nang bumangon ito at pumuntang kusina para magtimpla ng kanyang kape, nagulat ito sa nakita sa kanilang mesa.

“Dear Papa and Mama, Aalis na po ako. Hindi ko na po kayang marinig ang araw araw na pag-aaway ninyo. Pasensiya na po. Love, Jenny.”

Gulat na gulat ang Ginang kaya’t nagmadali siyang gisingin ang natutulog na Mister upang ibalita ang nangyari.

Pinaghahanap ng mag-asawa ang panganay na anak ngunit bigo sila ng makita ang dalagita. Nang makatanggap sila ng text mula sa kaibigan ni Jenny.

“Tita, ang alam ko po nakipagtanan na yun kay Jeremy. Iyon po ang narinig ko ha. Hindi ko naman po sigurado. Pero ang huling kwento po sa akin ni Jenny, iniisip niya nga daw pong umalis ng bahay dahil magulo daw po. Palagi daw po kayong nag-aaway.”

Hindi malaman ng mag-asawa ang gagawin. Hindi rin naman sila tumigil at sumuko sa paghahanap sa anak na nakipagtanan.

Lumipas ang isang taon, nang may biglang kumatok sa bahay ng mag-asawa. Binuksan ni Rowena ang pinto, at nanlaki ng lubos ang mata nito sa nakita. Nasa pintuan nila ang kanyang anak na si Jenny, payat na payat at mukhang pagod na pagod, at may bitbit na sanggol na tila kapapanganak lang.

“Jenny?! Ikaw ba ‘yan? O, Diyos ko! Anong nangyari sa iyo?!” halos himatayin ang ina sa nakitang kalunos lunos na lagay ng anak.

Napatakbo naman ang mister ni Rowena nang marinig ang pangalan ng anak. “Diyos ko! Anak ko! Saan ka nanggaling? Halos mabaliw na kami sa kakahanap sa iyo!” umiiyak na sabi nito.

Pinapasok nila ang dalaga kasama ang hawak nitong sanggol.

“Ate, kanino ‘yan?” tanong ng isa sa mga kapatid ni Jenny.

“Pamangkin mo, anak ko. Ma, Pa, anak ko po. Si Yumi.” nakayukong pagpapakilala ni Jenny.

“Anak, magsabi ka, anong nangyari?” mahinahong tanong ni Bobby.

Naiyak na ang dalaga.

“Mama, Papa. Sorry po. Patawarin niyo po ako. Akala ko’y magiging maayos ang lahat kapag umalis na lang ako dito. Pagod na pagod na po kasi ako sa mga bangayan ninyo. Sumama po ako sa boyfriend ko. Ang sabi po kasi niya sa akin, hindi niya ipaparanas sa akin ang mga nararanasan ko dito sa bahay.” umiiyak na sabi ng dalaga.

“Pero Mama! Papa! Daig pa po ang impyerno sa mga ipinaranas niya sa akin! Noong una’y tinanggap ako ng kanyang pamilya. Doon po kami tumira. Kaso nung nagtagal po, at nung nalaman niyang nabuntis ako ay pinabayaan niya na lang po ako.” hindi na makahinga ang dalaga sa paghikbi.

Awang awa ang mga magulang niya sa kanya.

“Anak, pasensiya ka na. Alam mo ba, nabalitaan nga namin ang pagtatampo mo sa amin dahil sa pag-aaway namin. Pero sinusubukan naman naming magbago. Lalo na noong nawala ka, anak. At isa pa, kahit nag aaway kami palagi ng Papa mo ay hindi namin iniiwan ang isa’t isa. Dahil mahal namin ang isa’t isa.” mahabang litanya ng ina.

“Alam ko po, Mama. Natutunan ko po ang lahat ng ‘yan nang umalis po ako. Patawarin niyo po ako, Mama at Papa. Pangakong magbabago na po ako. At sana matanggap ninyo ang anak ko.” sumamo ng dalaga.

“Pwede bang hindi? Akin na nga at pabuhat naman ng maganda kong apo! Parang kamukha ko ah.” sagot ng ama ni Jenny.

Magmula noon ay sinubukan ng buong pamilya ang magsimula muli.

Natutunan ni Jenny na hindi sagot sa mga problema ang pakikipagtanan, at natutunan naman ng mag-asawa na iwasan na iparinig sa mga bata ang lahat ng away upang maiwasan ang mga masasamang pangyayari.

Advertisement