Inday TrendingInday Trending
Pabigat at Walang Silbi na Raw ang Nanay Nila, Anak pa Rin Pala ang Iiyak sa Huli

Pabigat at Walang Silbi na Raw ang Nanay Nila, Anak pa Rin Pala ang Iiyak sa Huli

“Magandang umaga po, Tita Grace, mukhang mag-isa na naman po kayo ngayon? May pagkain na po ba kayo? Lulutuan ko po muna kayo,” bati ni Zara, ang kapitbahay na nurse ng ale.

“Naku, Zara, ikaw pala iyan, hayaan mo na at kaya ko naman! Pumasok ka na at baka mahuli ka na naman sa duty mo,” pagtataboy naman ni Aling Grace at saka dahan-dahan itong humahakbang papasok ng kanilang bahay.

“Naku, kayo naman para kayong ibang tao. Hayaan niyo nang gawin ko ito sa inyo, sa dami ng naitulong niyo po sa pamilya namin ay kulang pa itong ginagawa ko,” ngiting sagot pa rin ni Zara sa kaniya at mabilis na inalalayan ang babae. Iniupo ito sa kusina at mabilis niyang nilutuan ng kanin at itlog ang ale.

Halos limang taon nang nakikipaglaban sa sakit na diabetes si Aling Grace at limang taon na rin ang nakalipas simula nang pumanaw ang kaniyang mister sa malubhang sakit naman na tumor nito sa utak. Naubos ang kanilang ipon at ngayon ay umaasa siya sa dalawang anak na nagtatrabaho para mabuhay sila sa araw-araw.

“O, umiiyak na naman po kayo. Huwag na po kayong umiyak, isipin niyo na lang abala lamang sa trabaho ang mga anak niyo kaya hindi na kayo naasikaso. Isa pa nandito naman din po ako palagi, huwag na po kayong mahiya sa akin,” wika ni Zara nang mapansing nagpupunas na naman ng luha ang ale habang nakatingin sa kaniya.

“Alam mo, Zara, ang akala ko ay napalaki ko nang maayos ang mga anak ko pero mukhang hindi. Mukhang hindi nila ako mahal dahil simula nang magkasakit ako ay nagbago ang ugali nila, bukod sa lagi silang nagtuturuan kung sino ang mag-aalaga sa akin ay palagi rin nilang pinoproblema ang pera. Mabuti na lang talaga at amin itong bahay dahil kung wala ito, baka nasa kalsada na ako ngayon at namamalimos,” iyak na sabi ni Aling Grace sa dalaga.

“Baka nga ganun talaga ang buhay natin dahil sa dami ng kailangan bayarin,” wika ni Isabel ang bunsong anak ni Aling Grace na kakauwi lamang galing sa trabaho.

“O, Isabel, nandiyan ka na pala, ikaw na ang magtuloy nitong niluluto ko at maiwan ko na kayo. Alam ko naman na ayaw mong nandito ako,” iwas kaagad ni Zara sa babae.

“Ay hindi, ituloy mo lang ‘yang ginagawa mo tutal masyado ka namang pabibo sa nanay ko! Bakit hindi na lang ikaw ang maging tunay na anak niya para naman mas masaya. Sa’yo na ‘yang nanay ko,” natatawang sagot ni Isabel sa dalaga sabay talikod. Hindi naman napigilan ni Aling Grace ang kaniyang luha at napahagulgol ito nang malakas.

“Ayan, sa gan’yan magaling ‘yang nanay ko, masanay ka na,” wika pang muli ni Isabel at natawa lamang.

“Bastos ka!” sigaw ni Zara kay Isabel at inihagis ang isang baso sa babae. Labis na nagulat ang dalaga at maging si Aling Grace.

“Aba, ang kapal ng mukha mo! Anong lakas ng loob ang mayroon ka ngayon para batuhin ako ng baso sa sarili kong pamamahay?!” baling ni Isabel kay Zara at mabilis siyang nagpunta sa kinaroroonan nito ngunit kaagad naman nyang napigilan ang sarili.

“Ano bang problema niyo sa nanay niyo? Porke ba wala na siyang kita kaya ganito niyo na lang siya ituring? Dahil ba pabigat siya? Ito ba ang isusukli niyo sa nanay niyo?!” sigaw pa rin ni Zara rito.

“Wala kang alam sa problema namin dahil hindi ka naman parte ng pamilya!” balik ni Isabel sa babae.

“Sabihin mo kung ano ang problema, anak,” iyak ni Aling Grace rito.

“Alam niyo kung ano ang problema? Ganid kasi kayo sa pera! Imbes na mabubuhay pa noon si papa ay nawala iyon dahil mas inuna niyo itong bahay! Lagi niyong sinasabi na kayo ang bumili nito, pera niyo, pera niyo! Kaya naman imbes na ibenta ang bahay para sa operasyon ni papa ay mas pinili mo pa rin ang bahay na ito! Ngayon magdusa ka sa pinili mo! Mahalin mo ang bahay na pinaghirapan mo!” buong pusong galit na sinabi iyon ni Isabel sa kaniyang ina. Mabilis pa sa alas kwatro ay nasampal kaagad ni Zara ang dalaga ng pagkalakas-lakas.

“Kung alam ko lang na iyan pala ang dahilan mo kung bakit mo ganito itrato si Tita Grace, noon palang sana ay sinabi ko na ang totoo. Ang papa niyo ang may ayaw na ibenta ang bahay na ito dahil alam niyang wala na siyang pag-asa! Buhayin mo ‘yung tatay mo para marinig mo sa kaniya ‘yun at para masampal ka rin niya sa pagtrato mo sa nanay niyo!” siwalat ni Zara kay Isabel. Hindi naman nakapaniwala ang dalaga at kaagad itong umalis.

Tinawagan niya ang kaniyang kapatid upang sabihin ang nangyari. Napagpasayahan nilang pumunta sa ospital at tanungin kung totoo ang kanilang narinig. Napaluha na lamang ang dalawa dahil hindi nagsisinungaling si Zara at maging ang mga doktor doon ay alam ang desisyon na iyon na ginawa ng kanilang ama. Kaagad silang umuwi at humingi ng tawad kay Aling Grace.

“Bakit hindi mo sinabi sa amin, ‘ma?” iyak na tanong ni Isabel sa ale.

“Kasi hindi niyo ako binigyan ng pagkakataon na magsalita, hindi ko alam kung paano dahil hindi lang kayo ang nawalan. Ako rin ay nawalan ng asawa, gustong-gusto kong lumaban, halos lahat ay naibenta na namin ngunit sabi niya ay hindi raw niya makakayanan na maiwan tayong lubog na sa utang ay wala pang matitirhan kaya naman kahit ayaw ko ay ginalang ko ang desisyon niya. Sana paniwalaan niyo ako dahil mahal na mahal ko ang papa niyo, mahal na mahal ko kayo at patawarin niyo ako kung naging pabigat ako!” pagpapaliwanag ng ale sa kaniyang mga anak.

Paulit-ulit na humingi ng tawad si Isabel at ang kaniyang ate sa kanilang mama dahil buong akala nila’y pera lamang ang mahalaga sa kanilang ina. Simula noon ay naging maayos ang relasyon ng mag-iina. Laking pasasalamat nila kay Zara dahil ito na ang pinakanapakikisuyuan nila na tumingin-tingin sa kanilang ina sa tuwing abala sila sa trabaho. Wala naman nang mahihiling pa si Aling Grace kung ‘di ang gumaling para matulungan ang dalawa niyang anak, ngunit mas mahalaga sa kaniya ngayon ay maayos na ang pagsasama nilang tatlo.

Napagtanto nilang napakahalagang bagay ang pagkakaroon ng malinaw na komunikasyon sa isang pamilya upang maiwasan ang anumang klase ng hindi pagkakaintindihan.

Advertisement