Akala ng Babae ay Mahal Siya ng Asawa, Natulala Siya Dahil nang Malaman Nitong Buntis Siya ay Biglang Umalis ang Lalaki

Hindi inaasahan ni Benedict ang binalita sa kaniya ng asawa niyang si Mariz. Hindi niya alam kung makakaya niyang gampanan ang responsibilidad ng pagiging ama sa sanggol na nasa sinapupunan nito. Lumaki siya sa isang magulong pamilya.

Paano niya gagabayan ang isang inosenteng bata kung siya mismo ay hindi nakaranas ng pag-aaruga ng isang magulang?

“Hindi ka ba masaya sa ibinalita ko? Ayaw mo bang magkaanak tayo?” Nag-aalangang tanong ni Mariz. Pero imbes na sagutin siya ng kaniyang asawa ay wala sa sarili itong lumabas ng bahay. Kahit ikinabigla niya ang naging reaksyon nito ay hindi siya nag-aalala. Alam niyang natatakot lamang ang asawa na baka katulad siya ng kaniyang mga magulang.

Dinala si Benedict ng kaniyang mga paa sa liwasan malapit sa kanilang bahay. Gulong-gulo ang kaniyang isipan. Nung pinakasalan niya si Mariz ay hindi sumagi sa kaniyang isipan ang posibilidad na baka mabuntis ito.

Ang tanging laman ng kaniyang utak nung panahong iyon ay natagpuan na niya ang babaeng nagmamahal sa kaniya at tanggap siya ng buong-buo kaya hindi na niya ito binigyan pa ng pagkakataong mawala sa kaniyang tabi.

“Tay. malapit na po ang kaarawan ko. Pwede po bang bisikleta na lang ang iregalo niyo sa akin?” Tanong ng isang bata sa kaniyang tatay.

“Sige, anak, dahil naging top one ka sa paaralan bisikleta ang ireregalo ko sa’yo. Anong kulay ba ang gusto mo?” balik tanong ng tatay.

Mula sa kinauupuang bangko ay dinig na dinig ni Benedict ang pag-uusap ng mag-ama. “Buti pa siya naramdaman niya ang pagmamahal ng isang ama,” bulong ni Benedict sa sarili.

Advertisement

Ang tanging naramdaman ni Benedict mula sa kaniyang ama ay ang mga magagaspang nitong kamao at ang suot-suot nitong bota sa paa. Pagsinuswerte siya ay matitikman ng kaniyang maliit na pangangatawan ang hagupit ng sinturon, kahoy, kadena o tubo.

Isang militar ang tatay ni Benedict at ilang beses na itong nasabak sa giyera laban sa mga komunista at mga militanteng grupo sa Mindanao. Marangal na trabaho ang pagiging militar ngunit ang mga karanasan ng tatay niya ay nagdulot ng masamang epekto sa kaniya. Madaling mag-init ang ulo nito at mabigat din ang kamay.

Tuwing nagagalit ito ay palagi nitong pinagbubuhatan ng kamay si Benedict. Mas malala ang nararanasan niya pag ito ay nakainom.

“Kaarawan mo? Eh, ano ngayon? Ikaw ang nagmamaneho ng bulok na bisikleta na nakagasgas sa motor ko!” Bulyaw ng tatay ni Benedict habang sunud-sunod ang binibitawan nitong suntok at sipa sa anak.

Kung ang nanay naman ni Benedict ang pag-uusapan ay wala din siyang maaasahan dito dahil katuwang ito ng asawa sa pananakit sa anak.

“Nilagang itlog na nga lang ang lulutuin mo sinunog mo pa! Wala ka talagang pakinabang! Sana nung nasa sinapupunan pa lang kita ay pinalaglag na kita! Wala akong mapapala sa’yo,” sigaw ng babae habang nginungudngod ang mukha ni Benedict sa isang plato ng sunog na sinangag.

Buti na lamang at maabilidad si Benedict. Dahil ayaw na ng mga magulang niya na tustusan ang kaniyang pag-aaral sa high school ay nagsumikap siya. Nagdedeliber siya ng mineral water sa umaga at pagsapit ng gabi ay tsaka naman siya papasok sa panggabing klase.

Nagbunga ang kaniyang paghihirap. Nang makapagtapos siya ng kolehiyo at natanggap sa mas magandang trabaho ay lumayas na siya sa poder ng kaniyang mga magulang. Sa kaniyang pag-alis ay pinutol na rin niya ang anumang komunikasyon sa kanila.

Advertisement

Naputol ang pagbabalik tanaw ni Benedict nang makarinig siya ng iyak ng sanggol sa kaniyang tabi.

“Kuya, mukhang hindi ka naman masamang tao. Pwedeng humingi ng pabor? Buhatin niyo muna po sandali ang anak ko. Ipagtitimpla ko lang siya ng gatas,” pakiusap ng nanay ng umiiyak na sanggol. Nanginginig na binuhat ni Benedict ang maliit ng sanggol.

“Hawakan niyo po siya ng mabuti,” paalala ng babae.

Tumigil sa pag-iyak ang sanggol nang mapansin ang bago mukha na may karga sa kaniya. Tahimik itong pinagmasdan ni Benedict at nakipaglabanan ito ng titig sa kaniya. Maya-maya ay biglang itong ngumisi sa kaniya. Hindi naiwasan ni Benedict na mapangiti.

Nagtagal pa ng ilang minuto si Benedict sa parke. Nakipagkwentuhan muna siya sa babae tungkol sa anak nito. Inusisa niya na rin ito tungkol sa mga karanasan niya nung ipinagbubuntis niya ang kaniyang anak. Nang malaman ng babae na nagdadalantao ang kaniyang asawa ay pinayuhan siya nito ng mga dapat at hindi dapat gawin pati kung paano mag-alaga ng sanggol.

Umuwi si Benedict na may ngiti sa labi. Nawala ang takot na nararamdaman niya kanina. Napalitan na ito ng kasabikan para sa kaniyang panganay na anak.

Pagdating ni Benedict sa bahay ay niyakap niya ng mahigpit si Mariz. “Pasensya na sa inasal ko kanina. Natakot lang ako,” paliwanag niya sa asawa.

“Naiintindihan ko. May tiwala ako sa’yo. Alam kong magiging mabuti ama ka sa anak natin,” tugon ni Mariz.

Advertisement

Tatlo ang naging anak ng mag-asawa at napalaki nila ang mga ito ng tama. Tulad ng paniniwala ni Mariz naging isang huwarang ama si Benedict sa kanilang mga anak. Hindi niya ginaya ang kaniyang mga magulang. Sa halip na takot at dahas, pagmamahal ang namayani sa kanilang pamamahay.