Ikinagulat ng Tindero nang Sampung Libong Mangkok ng Lugaw ang Bilhin ng Ale, Nakakaiyak Pala ang Dahilan

Isang araw ay nagmamadaling lumabas ng bangko ang matandang si Rosalie. Kanyang kinuha lahat ng natatagong ipon doon. Mabilis siyang naglakad na tila ba ay may hinahabol.

Tirik na tirik noon ang araw ang tumatagaktak na ang pawis ng ginang, pero hindi na ito alintana pa dahil sa kanyang mga kailangan pang gawin at matapos ng araw na iyon.

Sa may maliit na karendirya ay doon nagtungo ang matandang babae, “Mang Ernesto! Mang Ernesto! Pagbilhan nga ninyo po ako ng lugaw,” sigaw ng ginang.

“O Aling Rosalie, kayo ho pala,” bati naman ng lalaki, “ilang order ng lugaw po ba?” tanong naman nito.

“Sampung libo ho…” hinahabol ng babae ang kanyang hininga, “sampung libong mangkok ng lugaw para sa anak ko,” saad ng babae.

Labis ang pag-aalalang nadarama ni Aling Rosalie ng araw na iyon. Kagagaling lamang niya sa doktor, dala-dala ang isang masamang balita. Malaki na raw ang tumor na tumubo sa kanyang utak.

Malala na ang sakit ng matanda at tinaningan na rin ng doktor ang kanyang buhay. Sinimulan namang bilangin na lang ni Aling Rosalie ang nalalabing oras na makakasama ang pinakamamahal na anak.

May problema sa pag-iisip ang bunsong anak ni Aling Rosalie na si Rico. Sa edad na 40 ay tila limang taong gulang lamang ito kung magsalita, kumilos at mag-isip. Hindi nito kaya na kumain mag-isa o paliguan man lang ang sarili, kaya gayon na lamang ang pag-aaruga ni Aling Rosalie sa bunsong anak.

Advertisement

“Anak, kailangan mong matutunang alagaan ang sarili, dahil hindi naman panghabang buhay na nandito si nanay sa tabi mo.

Darating ang araw na kakailanganin mong tumayo sa sarili mong mga paa. Magpapakabait ka anak ha? Mahal na mahal ka ni nanay,” wika ng matanda at saka hinalikan sa noo ang anak.

Pilit na pinipigilan ni Aling Rosalie ang mga luhang nagbabadyang bumagsak habang pinapakain ng mainit na lugaw ang anak.

Isa na lamang ang pag-asa niya, ang mapapayag ang panganay na anak na si Inio na kupkupin at alagaan si Rico. Kaya kinabukasan ay nagtungo agad si Aling Rosalie sa bahay nito.

“Anak baka pwede mo naman kupkupin si Rico? Magkapatid naman kayo kahit na magkaiba ang ama ninyong dalawa,” pakiusap ng matanda.

“At bakit naman?” sagot ng panganay.

“Tinaningan na kasi ng doktor ang buhay ko anak, wala nang mag-aalaga sa kapatid mo pag nawala ako, kawawa naman kung walang kukupkop sa kanya,” paliwanag pa ng ina.

“Wala akong kapatid na abnormal! Kung sarili ko nga hindi ko mapakain at magastusan ng maayos, tapos ipapakupkop mo pa sa akin yung sinto-sinto na yun?” masungit na sagot ng lalaki.

Advertisement

“Pero anak…”

Bago pa man makausap ang ginang ay nagsalita na agad si Inio, “Puwede ba, wag na ninyo akong abalahin? Tigil-tigilan niyo na rin ang pagpunta rito! Pag pumanaw ka, matututo din yung sinto-sinto na yun na kumilos para sa sarili niya!”

Halos manlumo naman si Aling Rosalie nang marinig ang mga salitang iyon galing mismo sa bibig ng sariling anak. Walang siyang ibang magawa kundi tanggapin na wala na siyang maaasahan kay Inio.

Habang naglalakad pauwi ay naghalo na ang pagod, panghihina ng katawan, at labis na kalungkutan sa katawan ni Aling Rosalie. Ilang sandali pa ay unti-unting bumagal ang kanyang paligid, kinakapos siya ng hininga at biglang nagdilim na lamang ang paningin.

Bumagsak ang matanda sa kinatatayuan at hindi na nakabalik pa sa kanilang tahanan. Si Aling Rosalie, ay tuluyan nang namaalam.

Samantala, nasa bahay naman si Rico, naghihinntay sa pagbabalik ng kanyang ina. Maya-maya lamang ay may lalaking kumatok sa kanilang pinto. Lumapit si Rico sa bintana upang silipin ang tao sa labas.

“Sino po iyan?” tanong ni Rico.

“Ah Rico, si Mang Ernesto ito, yung may karendirya diyan sa tapat, dala ko yung lugaw na order ng nanay mo, ang bilin niya kasi sa akin, matagal daw siyang mawawala, kaya hatiran daw kita ng lugaw araw-araw. Binayaran na ito kaya wala ka nang dapat pang alalahanin,” wika ng lalaki.

Advertisement

Pagkalipas ng ilang oras ay kumalat na ang balita sa pagpanaw ni Aling Rosalie. Naging usap-usapan ang tungkol sa naiwang anak nito at sa sampung libong mangkok ng lugaw na ibinilin ng matanda.

Dahil dito, ay nagtulong-tulong ang mababait na kapitbahay na tignan at alagaan ang kaawa-awang si Rico. Iba’t ibang pamilya ang nag-alok ng pagkain, at kumupkop sa kanya.

Buong pusong pag-aalaga ang ibinigay ng mga kapitbahay sa may kapansanang lalaki, bilang ganti na rin sa kabutihan ni Aling Rosalie noong nabubuhay.

Kinapos man sa panahon si Aling Rosalie, upang maalagaan pa si Rico, ay naipamalas pa rin niya sa anak ang labis-labis na pagmamahal. Ang sampung libong lugaw na kanyang binili para sa anak, ay tiyak na mauubos sa bandang huli, ngunit mananatili sa puso ng kanyang anak ang pag-ibig at pag-aaruga ng isang dakilang ina.

Tunay nga ang kasabihan na ang isang tao ay makakahanap ng sampung asawa, pero hindi ng isang ina. Gaano man kahirap o imposible, ngunit lahat ay kayang gawin at isakripisyo ng isang nanay para sa mahal na anak. Walang tutumbas sa pagmamahal ng isang dakilang ina.