Isang Bag na Itim ang Naiwan sa Pedicab at Puno Ito ng Pera; Ano Kaya ang Gagawin Niya Rito?

Isang Bag na Itim ang Naiwan sa Pedicab at Puno Ito ng Pera; Ano Kaya ang Gagawin Niya Rito?

InspiringMiracleStories

“Manong pwede niyo ba akong ihatid sa may terminal ng jeep papuntang Gusa?” Tanong ng pasaherong lalaki.

May dala itong backpack na itim. Mukha itong Tsinoy ngunit nagpakabihasa naman nitong magsalita ng Tagalog.

“Sige po. Okay lang ba kung singilin kita ng isang daan sir? Medyo malayo-layo kasi iyon dito,” wika ni Mang Javier.

Isa siyang pedicab drayber at nakapwesto siya malayo sa sinasabi nitong paghahatiran niya. Kaya kung ihahatid nga niya ang pasahero sa may terminal ng jeep patungong Gusa ay mapapalayo siyang talaga.

“Walang problema, kuya. Bibigyan kiya ng dalawang daan,” sang-ayon ng lalaki at agad ng sumakay sa loob ng pedicab.

Kulang-kulang isang oras din ang lumipas saka nila narating ang terminal ng jeep. Gaya ng ipinangako nito ay binigyan nga siya nito ng dalawang daan bilang bayad.

Tuwang-tuwa naman si Mang Javier at nagpasalamat pa sa lalaking nagmamadaling lumabas sa kaniyang pedicab at agad na naglakad palayo. Naghintay si Mang Javier nang pasahero pabalik upang hindi naman sayang ang kaniyang beyahe.

Nang sa wakas ay may pasahero na ring lumapit sa kaniya. Inihanda na ni Mang Javier, ang sarili sa mahaba-habang pagpapadyak ng biglang nagsalita ang babaeng pasahero.

“Manong tatanggalin ko po itong bag na itim sa upuan ah, para kumportable ang pag-upo ko,” wika ng babaeng pasahero.

Agad namang nagtaka si Mang Javier, kung paanong mangyayaring magkakaroon ng bag sa may upuan. Agad niyang naisip ang lalaking naging pasahero. Sa kakamadali nito ay nakalimutan na yata nito ang dalang bag.

“Sige ma’am itatabi ko na muna para hindi sagabal sa pag-upo niyo,” aniya saka itinali sa likuran ng padyak ang itim na bag.

Mabigat iyon at mukhang naroroon ang lahat ng kailangan ng lalaki. Babalik iyon at hahanapin siya para kunin ang naiwang bag.

Pagdating sa kaniyang tambayan ay agad niyang tiningnan kung ano ang laman ng naiwang bag at muntik na siyang mahimat*y sa nakitang laman nito. Mga pera– maraming pera. Hindi niya alam kung magkano basta puro iyon pera at mamahaling bagay sa loob. Kasama ang passport ng lalaking may-ari— ang kaniyang pasahero kanina.

Hindi alam ni Mang Javier, kung saan isu-surrender ang bag na punong-puno ng pera kaya naisip na lamang niyang dalhin iyon sa City Hall at ibigay kay Mayor. Sa gano’ng paraan ay alam niyang mas ligtas ang perang naiwan sa kaniya.

“Tamang-tama ang pagdating mo,” masayang kausap sa kaniya ni Mayor Zaldy. “May nagpunta rito kahapon, nagrereklamo na naiwan daw niya ang bag niyang puro pera ang laman. Hinanap ka raw niya at hindi ka na niya nakita,” dugtong pa nito.

“Pedicab drayber po ako, Mayor, kaya normal na hindi ako napipirmi sa iisang pwesto, maliban kapag magpapahinga na ako. Hapon ko na rin po kasing nalaman na pera pala ang laman ng bag na iyan, kaya maaga pa lang ay pumunta na ako rito upang ipagkatiwala iyan sa inyo.” Lingon ni Mang Javier sa bag.

“Bakit naisip mong isauli? Alam mo bang milyones ang laman ng nasa bag na iyan? Kung tutuusin ay kaya ka na niyang gawing señorito, hindi mo na kailangang magbilad sa initan at magpakapagod sa pagpapadyak. May milyon-milyon ka nang pera. Pero bakit naisip mong i-surrender iyan sa’min,” nanunuksong sambit ni Mayor Zaldy.

Tabinging ngumiti si Mang Javier at nagkamot ng sentido. “Sa simpleng dahilan lang po, Mayor. Kahit milyones pa ang laman niyan kung hindi ko naman pag-aari ay bakit ko aangkinin.

Mahirap lang po ako, Mayor. Lumaki akong galing sa mahirap na pamilya at kahit ngayong may edad na ako at may sarili na ring pamilya ay hindi ko kailanman naisip na manlamang ng kapwa.

Kumakayod po ako sa sarili kong paraan upang mabuhay. Mas masarap pa rin kasing mabuhay na malinis ang konsensya mo, Mayor. Kahit po sa isang araw ay kumita ako ng tatlong daan o ‘di kaya’y dalawang daan at kapag minalas-malas ay wala talagang daan,” biro pa niya. “Masaya naman na ako doon. Basta makakain lang kami ng pamilya ko Mayor, ayos na iyon sa’kin.” Mahabang paliwanag ni Mang Javier, dahilan upang humanga sa kaniya ang alkalde ng lungsod.

Nakangiting tumango-tango si Mayor Zaldy. “Ipagpatuloy mo iyan, Mang Javier, sana dumami pa ang taong kagaya mo. Hayaan mo kahit hindi ka bigyan ng may-ari nitong isinauli mo. May ibibigay naman ako sa’yo bilang pabuya sa iyong kabutihan.”

Binigyan siya ni Mayor Zaldy, ng dalawang daang libong piso at bukod pa roon ay hinanapan siya ng trabaho sa sangay ng gobyerno.

Para kay Mang Javier, sobra-sobra na ang naging kapalit ng milyones na laman ng bag. Ang perang hindi mo pinaghirapan ay para lamang nilipad ng hangin sa bilis nitong maglaho.

Ngunit ang perang pinagpawisan at pinaghirapan ay bukod sa masarap na sa pakiramdam ay matagal pang mawala. Pwedeng itakbo ni Mang Javier, ang nakitang pera. Ngunit hindi niya ginawa. Hindi niya akalain na higit pa sa milyones ang nangyari sa buhay niya.

Piliin palagi ang maging mabuting mamamayan.

More Stories