Nilooban ang Boss ng Asawa Kaya Pinatuloy Niya Ito sa Kanilang Pamamahay Bilang Tulong Dito, ‘Di Niya Akalain na Isa Pala Itong Peste na Sisira sa Kaniyang Pamilya

Nilooban ang Boss ng Asawa Kaya Pinatuloy Niya Ito sa Kanilang Pamamahay Bilang Tulong Dito, ‘Di Niya Akalain na Isa Pala Itong Peste na Sisira sa Kaniyang Pamilya

FamilyHeartbreakingStories

Nilooban ng mga masasamang loob ang condo unit ng boss ng asawa ni Digna at nagmagandang loob ang babae na pansamantalang patirahin muna ito sa kanilang bahay habang hindi pa nawawala ang takot nito na manirahang mag-isa sa condo. Hindi naman ito magiging problema sa kanilang pamilya dahil may bakante pa silang kwarto sa bahay maliban pa doon ay magandang pagkakataon ito para mapasalamatan niya ito sa magandang pagtrato nito sa kaniyang asawa.

“Pagpasensyahan niyo na po ang maliit naming tirahan. Sana po, ma’am, ay maging komportable ang pananatili niyo sa bahay namin. Kung sakaling may reklamo po kayo o iba pang kailangan ay huwag kayong mahiyang lumapit sa akin,” wika ni Digna sa boss ng kaniyang asawa.

“Naku huwag niyo kong matawag-tawag na ma’am o madam at huwag na rin kayong magpo at opo sa akin dahil sigurado naman akong mas matanda pa kayo sa akin. Xandra na lang ang itawag niyo sa akin. At huwag kayong mag-alala dahil hindi ako mareklamo. Malaki pa nga ang utang na loob ko sa inyong mag-asawa dahil pinatira niyo ko sa bahay niyo ng libre,” tugon ng babae sa asawa ng kaniyang empleyado.

Naging maayos naman ang pagtira ni Xandra sa bahay ng kaniyang empleyado. Madali siyang nakapalagayan ng loob ni Digna at ng mga anak nito. Hindi ito mareklamo at hindi rin mapili sa pagkain kaya hindi nahirapan si Digna na pakisamahan ang babae. At katulad niya ay mahilig din ito sa mga teleserye kaya hindi sila nauubusan ng mga mapagkwekwentuhan.

“Nag-abala ka pa. Sinabi ko naman sa iyo na walang bayad ang pagtira mo dito. Sapat na ang maayos na pagtrato mo sa asawa ko sa kabila ng mga kakulangan niya sa trabaho,” sambit ni Digna kay Xandra nung bumili ito ng stock ng grocery.

“Maliit na bagay lang ito. Isa pa ay dagdag palamunin ako dito sa bahay. Libre na nga ang pagtira ko dito. Pati paggamit ko ng kuryente at tubig ayaw niyong pabayaran kaya grocery supply na lang ang iaambag ko.” tugon ni Xandra sa babae.

Kung meron mang hindi nagugustuhan si Digna kay Xandra ay iyong pagiging sobrang malapit nito sa kaniyang asawa. Minsan ay nahuling niyang nagyayakapan ang dalawa kaya para maalis ang kaniyang pagdududa ay inusisa niya ang kaniyang asawa.

“Elmer, bakit kayo nagyayakapan ng boss mo kanina? Nakapagtataka lang kasi ako na komportableng-komportable siya sa’yo gayong walang pang isang taon ka nagtatrabaho sa kompanya niya.”

Bahagya siyang tinapik ng lalaki sa braso.

“Hinaan mo nga iyang boses mo at baka marinig ka niya. Mamaya isipin ng boss ko napipilitan ka lang patirahin siya dito. Nagkataon kasing ako ang kasama niya nung nilooban ang condo niya. Tinulungan ko kasi siyang buhatin ‘yung mga dala niyang gamit. At dahil doon ay mas komportable siyang ako ang lalapitan tuwing natatakot siya pag naaalala niya ‘yung mga nangyari,” paliwanag ng lalaki sa kaniyang asawa.

Ngunit iba talaga ang kutob ni Digna sa kakaibang closeness ng asawa niya sa kaniyang boss kaya lalo siyang naging mapagmatyag sa ikinikilos ng dalawa. Hindi nga siya nagkamali na may kakaiba sa turingan ng dalawa at pakiramdam niya ay pinagsakluban siya ng langit at lupa nang mahuli niya ang mga ito sa akto habang inaabot nila ang langit.

“Ang kapal ng mga mukha niyo! Pati pamamahay ko, binaboy niyo!” Sabunot at sunud-sunod na sampal ang iginawad ni Digna kay Xandra. Hindi na niya ininda kahit sobrang sakit na ng kaniyang mga palad basta mapagbuhatan niya lang ng kamay ang ahas na buong puso niyang pinatuloy sa kaniyang pamamahay.

“Tama na, Digna, nasasakan mo na si Xandra!” Tinangka ng lalaki na pigilan ang ginagawang pananakit ng asawa sa kaniyang boss ngunit namilipit ito sa sakit nang bigla siyang tadyakan nito sa pagitan ng kaniyang mga hita.

Kinaladkad ni Digna palabas ng gate ng bahay si Xandra. Wala siyang pakialam kahit wala itong saplot sa katawan. Nang makita niya si Elmer na iika-ikang lumalapit sa kaniya ay ito naman ang itinulak niya palabas ng gate.

Nung mahimasmasan na si Digna ay tsaka lang nagkaroon ng linaw ang lahat sa kaniya. Nag-resign ang asawa sa dati nitong pinagtatrabahuan at lumipat sa kompanya ni Xandra kahit mas maliit ang sahod dito hindi dahil nahihirapan ito sa responsibilidad sa dating pinagtatrabahuan nito kung hindi para sundan ang babae niya.

Kaya pala kahit baguhan pa lang ang kaniyang asawa sa kompanya ay sunod-sunod ang naging promosyon nito sa trabaho ay dahil may ginagawa itong milagro sa opisina kasama ang boss nito. Ngayon ay duda siyang nilooban talaga ang babae. Baka ginawa lang itong dahilan ng kaniyang asawa para maibahay nito ang kabit habang nagpapakasarap ang mga ito sa pagsisilbi niya sa kanila.

Nasira ni Elmer ang kaniyang pamilya. Nawala sa kaniya ang kaniyang asawa at mga anak dahil tinugunan niya ang pang-aakit sa kaniya ng isang magandang dalaga. Kahit anong paghingi niya ng tawad sa kaniyang pamilya ay hindi na siya tinanggap ng mga ito. Habang bumagsak naman ang kompanya ni Xandra dahil nasira ang kaniyang reputasyon. Nung sumabog ang pinakatatago niyang baho ay nawalan ng tiwala sa kaniya ang mga namuhunan sa kompanya kaya binawi ng mga ito ang perang pinamuhunan nila.

Alam ni Digna na marami siyang dadanasin na hirap lalo’t tuluyan na siyang nakipaghiwalay sa kaniyang asawa ngunit kakayanin niya ang lahat para sa kanilang mga anak. Kailanman ay hindi na niya tinanggap ang asawa sa kaniyang buhay. Hindi niya ipinagkait dito ang kanilang mga anak ngunit sapat na ang minsang ipinagkatiwala niya rito ang kaniyang puso. Wala siya balak na ialay itong muli kay Elmer dahil kahit hindi na kumikirot ang mga sugat nito ay nag-iwan pa rin ito ng marka na hindi na mabubura kailanman.

More Stories