Hindi na Siya Makapaghintay na Makalabas sa Mundo at Makita ang Kanyang Ina, Ngunit Nadurog ang Puso Niya na Hindi Man Lang Siya Nagawang Tingnan Nito

Ang kwentong ito ay magbubukas sa mga mata natin kung ano ang nararamdaman ng isang sanggol sa loob ng sinapupunan ng kanyang ina.

Simula

Madilim dito sa loob, wala akong ibang makita kung hindi ang munting kislap ng liwanag na nagmumula sa itaas. Masikip, hindi ako makagalaw ng maayos-ang munti kong mga paa ay nakabaluktot habang ang dalawa kong kamay ay nakapatong sa aking dibdib. Dugdug- dugdug- dugdug. Sa kabila ng posisyon ko dito sa loob, hindi ako kailanman nakaramdam ng takot. Wala kahit na anong bahid ng pangamba dahil naririnig ako ang tibok ng puso ni inay; iyon ang tanging nagpapakalma sa akin at nagbibigay ng lakas ng loob para kumapit at mabuhay- si inay ang lakas ko, magkadikit ang pusod naming dalawa.

Hindi na ako makapaghintay na lumabas dito at mayakap siya, yakap na pagkahigpit higpit dahil mahal na mahal ko siya. Ilang buwan na lamang ang kailangan kong hintayin at punung puno na ng pananabik ang dibdib ko.

Matapos ang mahabang gabi, nagising ako isang umaga at narinig ko ang impit na boses ni inay. Tila ba umiiyak siya. Siguro’y nag away nanaman sila ni itay, hindi ito ang unang beses na nasaksihan ko siyang lumuluha, alam kong ayaw sa akin ni itay.

Huwag kang mag alala inay, kahit na anong mangyari, ako, hindi kita iiwan. Hindi kita paiiyakin, gagawin kong lahat para ngumiti ka. Kahit maliliit pa ang mga kamay ko, ikukulong kita sa yakap para gumaan ang loob mo. Kahit maliliit pa ang mga paa ko, tatayo ako para sa atin, kahit tayong dalawa lang. At kahit maliit ang puso ko, hinding hindi mauubos ang pag ibig nito para sayo.

Tila ba narinig ito ni inay dahil tumigil na siya sa pag- iyak at nag ayos ng sarili. Marahil ay ngayon ang araw ng pagbisita namin sa doktor. Panatag akong naghihintay habang nasa byahe, bumaba kami sa isang madilim na eskinita at naglakad hanggang marating namin ang klinika.

Ngunit iba ang lugar na ito ngayon, marumi at nakasusulasok ang amoy. Ito ba ang bagong klinika para sa atin inay? May mga aparato at isang higaan na may manilaw- nilaw na kumot. Dumating ang isang matandang lalaki, marahil siya ang doktor na titingin sa amin. May takip ang bibig nya at nakasuot ng gwantes. Sa tabi niya ay isang dalaga na may takip rin ang mukha, pinupunasan nya ang isang palanggang puti.

Advertisement

“Sigurado ka na ba Diana?” tanong ng matandang lalaki.

“Oho. Iaabot ko nalang ang bayad pagkatapos. “ sagot ni inay. Para bang may narinig ako sa boses ni niya… takot?

Iyon lamang ang naging usapan at sinenyasan na ng matanda si inay na pumunta sa higaan. Ibinuka ni inay ang kanyang hita at may ipinasok na kung anong aparato sa kanya. Ngunit bakit? Hindi pa panahon. Masyado pang maaga para lumabas ako.

Nakaramdam ako ng pagkahilo, at hindi ako makahinga. Huwag kang mag alala inay, kakapit ako para sa iyo. Hinihigop ako nito, at nakaramdam ako ng panghihina. Inay! Tulungan mo ako! Kailangan kong lumaban para sa ating dalawa!

Kahit ginamit ko na ang buo kong lakas ay natalo ako. Nadurog ang munti kong katawan, hindi pa ito nakuntento hanggang hindi nakukuha ang lahat sa akin.

“Tapos na..” sabi ulit ng matanda.

“Salamat ho.” Sabi ni inay.

Kahit na anong pinagdaanan ko ilang minuto lang ang nakaraan ay wala na yatang mas sasakit pa sa narinig kong iyon. Nagpasalamat ba ang inay ko dahil tinanggal nila ako sa sinapupunan niya? Sa buhay niya? Hindi ba ako mahal ng inay?

Advertisement

Durug durog ang aking katawan ngunit nakadilat ang aking mata nang alisin nila ako sa aparato at nakita ko siya. Ah, kay ganda pala ng aking inay. Alam kong ilang sandali na lamang ay titigil nang tumibok ang aking puso, pero nais kong samantalahin ang huling minuto ng buhay ko para masdan ang babaeng nagdala sa akin. Walang emosyon ang kanyang mga mata at hindi niya man lang ako tiningnan.

Sana, maliwanag na mundo ang nasilayan ko at hindi ang maruming lugar na ito. Sana, nagpasalamat ka sa pagdating ko at hindi sa pag alis ko. Sana, yakap mo ang naramdaman kong bumalot sa akin at hindi Dyaryo.

Sana, binigyan mo ako ng pagkakataong iparamdam sayo , na mahal kita nanay. Unti unting dumilim ang aking paligid, kasabay ng pagtigil ng tibok ng aking puso.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?