Nagulat ang Aktres na Ito Nang Ipabago ng Kaniyang Kapwa Aktres ang Isang Eksena sa Iskrip ng Kanilang Teleserye; Trabaho Lang Ba o Personalan Na?

Nagulat ang Aktres na Ito Nang Ipabago ng Kaniyang Kapwa Aktres ang Isang Eksena sa Iskrip ng Kanilang Teleserye; Trabaho Lang Ba o Personalan Na?

FunLoveStories

Hindi makapaniwala si Olga Ramirez nang bigla siyang sugurin ng kapwa artistang si Stephie Lagman sa dressing room niya. Kasalukuyan siyang nagkakabisado ng kaniyang iskrip. Wala itong pakialam kahit naroon ang kaniyang make-up artist.

“Puwede ka ba makausap? Nang tayo lang…” at sumulyap ito nang matalim sa kaniyang make-up artist.

Para namang nabulabog na sisiw na agad tumayo ang make-up artist, mabilis na dinala ang mga gamit, at lumabas ng kuwarto.

“Ano’ng atin, Steph?” tanong ni Olga habang nakatingin sa malaking salaming nasa harapan niya na may mga ilaw sa gilid.

“Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na tantanan mo si Bryan? Maharot ka rin eh.”

“Teka muna,” at binitawan ni Olga ang kaniyang suklay na hinahagod sa kaniyang mahaba at makintab na buhok. “Ano na naman ba ang ibinibintang mo sa akin? Hindi naman yata tamang paratangan mo ako ng kung ano-ano.”

“Nakita ko na nagkomento ka sa isa sa mga social media post niya. Puwede ba huwag mo siyang landiin?” bintang ni Stephie sa kaniya.

“Hindi ko maintindihan kung bakit mo sinasabi iyan sa akin pero hindi ko ugaling mang-agaw ng jowa ng iba. Pero ang dapat ko ngang tanungin sa iyo, mag-jowa ba kayo at kung makaasta ka eh parang pinagtataksilan ka? Love team lang kayo…”

At naputol na ang kanilang pag-uusap nang sumilip na ang kanilang assistant director dahil magpapatuloy na umano ang kanilang taping.

“Makakabawi rin ako sa iyo… tingnan natin,” makahulugang pagbabanta ni Stephie at ngiting-aso itong lumabas ng dressing room.

Napabuntong-hininga na lamang si Olga.

Sa teleseryeng iyon, ang bida ay si Steph at si Olga naman ang kontrabida. Ang totoo niyan, dapat si Olga raw ang magiging bida subalit nilakad umano sa pailalim na paraan ng talent manager ni Steph sa mga big boss ng network na sa kanila na ibigay ang lead role.

Hindi maintindihan ni Olga kung bakit insecure sa kaniya ang aktres gayong pagdating sa laki ng fan base ay nakahihigit naman ito sa kaniya.

Pero mukhang alam na niya kung bakit.

Lagi kasi silang nagkakatapatan pagdating sa mga parangal. Pareho silang nagiging nominado. Si Olga ang nag-uuwi ng tropeo.

Isa pang bagay, siya ang napupusuan ng mismong katambal nito na si Bryan Ignacio. Ngunit hindi naman niya ito gusto dahil pakiramdam niya ay magagalit ang mga tagahanga ni Stephie sa kaniya.

At nagsimula na nga ulit ang taping ng isa sa mga pinakamagandang eksena. Magbabatuhan lamang sila ng mga linya. Kaya nagulat siya nang iparebisa umano ang mga mangyayari.

“D-Direk, parang wala naman po sa iskrip na nabasa ko na kailangan akong sampalin sa eksena?” usisa ni Olga sa direktor.

“Ay nirebisa ko na kanina! Mas maganda kung sasampalin ka nga ni Stephie para mas may dating ang eksena. Siya mismo ang nagbigay ng mungkahi, at palagay ko, maganda naman,” paliwanag ng direktor.

Palihim siyang sumulyap kay Stephie. Mukhang may binabalak itong masama sa kaniya. Nakita na naman niya ang ngiting-aso nito.

At nagsimula na nga ang taping.

“One, two, three… action!”

At nagsimula na nga ang batuhan nila ng linya. Lahat ay nakatanga sa kanila dahil sa makatotohanan nilang pagganap. Pigil ang hininga ng lahat.

Hanggang sa gawin na nga ni Stephie ang nararapat na gawin sa eksena.

Ngunit buong akala niya, sampal lamang ang ibibigay sa kaniya. Nagulat siya nang hilahin din ang kaniyang buhok at sinabunutan siya.

“Walang hiya ka talagang malandi kang Jasmin ka!” pagbibitiw kuno ng linya nito. Jasmin ang pangalan ng ginagampanang karakter ni Olga.

Ngunit sa palagay niya ay hindi na ito tungkol sa kanilang mga karakter na ginagampanan kundi personalan na.

Kaya naman hindi na siya nakapagpigil. Sa pagkagulat ng lahat ay sinampal din niya si Stephie upang makaganti rito. Hinablot din niya ang buhok at sinabunutan.

“Wala kang karapatang ganituhin ako, Maria, dahil ako ang tunay na mahal ni Carlos Juan, ako!” naisip na lamang na adlib ni Olga.

Walang nagtangkang umawat sa kanila dahil buong akala ng lahat ay kasama pa iyon sa eksena.

“Cut!” sigaw ng direktor.

“Direk, wala ‘yun sa iskrip… hindi kasama sa usapan na pati ako kailangang sampalin at sabunutan,” reklamo ni Stephie habang inaayos ang buhok at damit na nagusot dahil sa bardagulan nila ni Olga.

“Hindi, mas gumanda nga! Ang galing! Hindi na kailangang ulitin. Parang totoong-totoo. Magaling ka talaga sa mga adliban, Olga! Perfect shot! Mataas na naman ang ratings natin nito!” tuwang-tuwang sabi ng direktor sabay sulyap sa producer dahil tiyak na may bonus na naman siya.

Palihim na sumulyap si Olga sa nagngingitngit na si Stephie. Isang makahulugang ngiti ang ibinigay niya rito.

Sinong makakapagsabing ang napakagandang eksenang akala ng lahat ay bahagi ng pag-arte, ay totohanan na pala?

More Stories