Mag-move On Ka Na Lang Ulit

“Alyssa, kayo pa rin ba ni Jay?” bungad na tanong ng kaniyang kaibigan na si Clarissa. “Oo, kami pa. Bakit?” nagtatakang tanong ni Alyssa rito.

“Ang sabi kasi niya sa’min ay wala na daw kayo. May iba na nga siyang nililigawan ngayon, ‘yung kapatid ni Mae na si Gina. Sabi niya matagal na daw kayong wala,” wika pa nito.

“Ano? Ang galing naman niyang gumawa ng kwento. Bakit wala akong alam? Kami pa ni Jay, pakibalita sa lahat!” inis na wika ni Alyssa at agad nitong nilampasan ang kaibigan. Naiinis siya sa kumakalat na tsismis. Kung totoo ngang wala na sila, bakit hindi man lang ito sinabi sa kaniya ng nobyo?

Hindi niya alam kung ano ang naging kasalanan niya rito. Basta lagi na lang itong naglalasing na para bang hiniwalayan ito ng nobya at hindi na niya ito nakakausap ng matino kapag pinupuntahan niya ito. Pero ngayon ay kailangan niya itong kausapin upang klaruhin ang kumakalat na tsismis sa kanilang lugar. Nakakainis isipin na may nililigawan na itong iba at ipinagkakalat pang hiwalay na sila.

“Jay, magkaliwanagan nga tayong dalawa ngayon. Ano ba talaga ang estado ng relasyon natin?” tanong ni Alyssa sa nobyo. “Ano nga ba?” imbes na sagutin ng matino ang tanong niya ay isang tanong ang sinagot nito sa kaniya.

“Ano ba iyong nababalitaan kong nililigawan mo daw ang kapatid ni Mae na si Gina at ipinagkakalat mo pang wala na tayo? Klaruhin mo nga sa’kin ang lahat para malaman ko naman. Kasi kahit ako wala akong alam sa mga pinapakalat mo. Ako na lang ba ang nag-iisip na tayo pa rin hanggang ngayon? Ako na lang ba ang umaasa na aabot pa rin tayo hanggang dulo?” galit na wika ng babae.

“Ano ba sa tingin mo, Alyssa?” tanong muli ng lalaki. “Ano nga ba?” naguguluhang sambit ng babae.

“Hindi na kita mahal. Hindi ko alam kung paano nangyari pero bigla na lang nawala ang pag-ibig ko sa’yo. Bigla na lang akong nagising isang araw na hindi na tumitibok ang puso ko para sa’yo. Gusto ko na lang mag-move on. Gusto kong kalimutan ka kaya lagi akong umiinom at nagpapakalasing. Hindi ko masabi sa’yo ng direkta kasi ayokong masaktan ka,” wika ni Jay.

Advertisement

“So sa tingin mo ngayon hindi mo ako sinasaktan? Sa palagay mo ayos lang ako na naghihintay sa’yo habang wala akong kaalam-alam na dahan-dahan ka na palang nagmo-move on at pinipilit mong kalimutan ako habang tayo pa, habang umaasa pa ako sa’yo na balang araw magiging okay din ulit ang relasyon natin at babalik tayo sa dati? Sana nakipaghiwalay ka sa’kin ng maayos para noon pa lang ay alam ko na!” singhal ng babae rito.

“I’m sorry, Alyssa,” hinging patawad ni Jay.

“Congrats sa’yo dahil malamang naka-move on ka na sa’kin ngayon. Hindi ka manliligaw ng iba kung hindi pa, ‘di ba? Kaso ang daya-daya mo, Jay. Hayaan mo. Hinding-hindi kita pipilitin na manatili sa piling ko. Malaya ka na. Sana maging maligaya kayong dalawa ng babaeng nililigawan mo.” Iyon lang ang sinabi ni Alyssa at agad nang umalis sa harapan ng nobyo.

Sana noon pa ay sinabi na ni Jay na ayaw na nito sa kaniya. Sana nakipaghiwalay na lang ito ng maayos. Umaasa siya at pilit inilalaban ang pagmamahal niya para sa lalaki tapos makalaunan ay malalaman na lang niyang hindi na pala siya nito mahal. Handa siyang lumaban para sa taong mahal niya pero hinding-hindi siya magmamakaawa na mahalin siya nito.

Lumipas ang maraming buwan at nakita na naman ni Alyssa si Jay na umiinom at nagpapakalasing. Gusto siyang makausap nito at nais din nitong makipagbalikan sa kaniya.

“Hindi ako naging masaya sa naging desisyon ko na pakawalan ka, Alyssa. Nagsisisi ako. Sana mapatawad mo pa ako. Bumalik ka na sa’kin. Parang awa mo na,” nagsusumamong wika ni Jay sa kaniya habang nakaluhod sa sahig.

“Bakit? Nagsawa ka na ba sa bago mong babae kaya ka bumabalik sa’kin?” sarkastikong tanong ni Alyssa. “Hindi naman sa ganun pero ibang-iba ka sa kaniya,” sagot ng lalaki.

“Talaga? Sana naisip mo iyan noong bigla mo na lang sinabi sa lahat na wala na tayo. Sana inisip mo iyan noong baliw na baliw pa ako sa’yo at kahit anong ginagawa mo ay nagbubulag-bulagan ako dahil sa labis na pagmamahal ko sa’yo. Sana ay naisip mong pwedeng mangyari ang bagay na ito! Mag-move on ka na lang ulit katulad nang ginawa mo sa’kin noon dahil malabong gustuhin ko pa na bumalik sa’yo,” ani ng babae sabay talikod sa lalaki.

Advertisement

Sapat na ang mga luhang iniyak noon ni Alyssa dahil sa dating nobyo. Sapat na ang lahat ng sakit! Mahirap nang ibalik ang tiwalang nawala. Hindi niya na ulit pahihintulutan ang lalaki na saktan siya. Tutal ay ito naman ang naunang mag-move on noon habang sila pa ring dalawa, nararapat lamang na panindigan nito ang kaniyang desisyon at huwag nang umasang makakabalikan pa silang muli.