Nilooban ng Lalaki ang Bahay ng Matandang Babae; Pero Imbis na Makalabas ng Bahay Dala ang Kaniyang mga Ninakaw na Gamit ay sa Ospital ang Kaniyang Kinabagsakan

Ilang linggo nang inoobserbahan ni Baldo ang bahay na balak niyang nakawan. Isang palapag lang ang bahay. Mababa lang ang bakod kaya madali itong akyatin.

Wala din siyang nakikitang mga CCTV na kamera sa paligid. Sa loob ng ilang araw niya pagmamatiyag sa mga kilos at galaw sa loob at labas ng bahay sa tingin niya ay walang makakaalam na napasok na ito ng magnanakaw sa sobrang tahimik ng kapaligiran.

Isang matandang babae ang mag-isang nakatira dito. Muhkang hindi siya mahihirapan na pasukin ito. Isa na lang ang kailangan niyang malaman, kung may kapakipakinabang bang makukuha sa loob.

“Lourdes, may kakilala ka bang mahusay na tubero? Nasira kasi ‘yung inodoro ko sa banyo, eh. Ilang araw na kong nagtitiis sa pagdumi sa arenola ko,” tanong ni Lola Pasing sa tindera ng sari-sari store na malapit sa kaniyang bahay.

“Naku, lola, lumipat na ng tirahan ‘yung kakilala ko. Hayaan niyo po. Tatanungin ko ‘yung mga kakilala ko at pag may nahanap ako ay sasabihan ko kayo agad,” tugon ng tindera.

Nagkataong nagmemeryenda si Baldo sa tindahan ni Lourdes nung magtanong ang matandang may-ari ng bahay na balak niyang nakawan kaya narinig niya ang kanilang usapan. Sa isip-isip niya ay magandang pagkakataon ito para mapag-aralan niya ang loob ng bahay at malaman kung may mga mamahaling gamit ba siyang makukulimbat sa loob kaya nagpresinta siyang magaling na tubero sa matanda.

“Kung hindi po kayo nasiyahan sa pagkakagawa ko ay hindi ko na kayo sisingilin,” pangungumbinsi ni Baldo kay Lola Pasing.

“Tiga rito ka ba? Ngayon lang kita nakita rito. Matagal na kong nakatira dito kaya kilala ko na ang lahat,” nagdududa ang matanda sa intensyon ng lalaking nag-alok sa kaniya ng serbisyo. Mukha itong hindi mapagkakatiwalaan.

Advertisement

“Bagong lipat lang po ako dito. Mga ilang linggo na rin po. Diyan po ako sa paupahan na iyan nakatira,” pagsisinungaling ni Baldo habang itinuturo ang isang paupahan sa di kalayuan.

Alam ng matanda na nabakante ang isang kwarto sa paupahan na iyon kaya malaki ang posibilidad na si Baldo nga ang bagong nangungupahan doon. Pero duda pa rin si Lola Pasing kay Baldo kaya nag-isip muna ito ng malalim. Dahil ayaw na ng matanda na magpakakuba sa paglilinis ng kaniyang arenola ay tinanggap na niya ang alok ng lalaki na ayusin ang nasira niyang inodoro.

Pagkapasok na pagkapasok ni Baldo sa bahay ay mabilis niyang inilibot ang kaniyang mata sa buong kabahayan. Namangha siya sa kaniyang mga nakikita. Nagkalat ang mga antigong kagamitan sa lahat ng sulok ng bahay. Sa sobrang dami ng mga ito ay hindi mapapansin ng matanda kung nanakaw na niya ang ilan sa mga ito. Siguradong tiba-tiba ang kikitain niya sa bahay na ito.

Sinundan agad ni Baldo ang matanda sa banyo bago pa mapansin nito ang kakaiba niyang kilos.

Habang inaayos ni Baldo ang inodoro ay tutok na tutok ang mata ni Lola Pasing sa bawat kilos niya. Masusing pagbabantay ang ginawa ng matanda. Sa tagal niyang namumuhay ng mag-isa ay natutunan na niyang maging mas maingat at mapagmatiyag sa kaniyang kapaligiran at sa mga taong kaniyang nakakasalamuha. Naglipana ang mga manloloko at mga mapagsamantala sa kapwa sa paligid at sa ganitong paraan niya lang mapoprotektahan ang kaniyang sarili.

Nasiyahan si Lola Pasing sa pagkakaayos ng kaniyang inodoro kaya dinagdagan niya ang bayad niya kay Baldo.

Pinalipas muna ni Baldo ang mga araw bago niya pinasok ang bahay ni Lola Pasing para hindi mabulelyaso ang masama niyang balak. Dala ang malaki niyang napsak, napasok ng lalaki ang bahay ng matanda ng walang kahirap-hirap. Tahimik siyang naglalakad sa loob ng bahay habang sunud-sunod ang pagdampot ng kaniyang mga kamay sa mga antigong gamit na kaniyang tatangayin.

Sa kalagitnaan ng kaniyang pagnanakaw ay hindi niya sinasadyang matabig ang isang antigong gasera. Naglikha ito ng malakas na ingay na gumising kay Lola Pasing.

Advertisement

Ang akala ni Baldo ay makakalabas siya ng bahay ng matanda ng walang kaprobleproblema pero nagkakamali siya. Hindi niya inaasahang bihasa sa pakikipaglaban ang matandang babae. Bago pa niya naiangat ang kaniyang braso para patulugin sa malakas na suntok ang matanda ay dumapo na sa kaniyang kanang mata ang kamao nito. Kasunod ng malakas na suntok ay ang walang humpay na mga sipa, tadyak at sapak ni Lola Pasing sa lalaking nangahas na looban ang kaniyang pamamahay. Nang masigurong wala ng malay ang magnanakaw ay tsaka niya tinali ang mga kamay at binti nito bago tumawag ng mga pulis.

Nung nagkamalay na si Baldo ay nakaposas na ang kaniyang kamay sa kama ng ospital. Napansin ng nagbabantay na pulis na gising na siya kaya kinausap siya nito.

“Sa lahat ba naman ng bahay na pagnanakawan mo ‘yung bahay pa ni Lola Pasing ang naisipan mong looban. Masyado mong minaliit si lola. Palibhasa babae at may katadaan na kaya akala mo mahina siya. Hindi mo ba alam na dating siyang nagsilbi sa Amerika bilang isang magaling at matinik na sundalo?”

Dahal sa kapangahasan ni Baldo na pagnakawan ang inaakala niyang isang mahinang matandang babae ay ilang linggo siyang naglagi sa ospital para magpagaling mula sa mga natamo niyang baling buto sa dibdib, braso at binti. Ilang taon din siyang makukulong sa bilangguan dahil sa krimeng kaniyang nagawa.

Ang mga kababaihan naman sa barangay ay humanga sa kahusayan ni Lola Pasing na depensahan ang kaniyang sarili kaya inengganyo siya ng mga ito na turuan sila ng self defense ng sa ganoon ay maprotektahan din nila ang kanilang mga sarili laban sa mga masasamang loob.