Pinaghiwalay ang Magkasintahan Dahil sa Pagkakaiba ng Estado Nila sa Buhay; Muli Silang Magtatagpo nang Magkabaligtad na ang Mundo

Pinaghiwalay ang Magkasintahan Dahil sa Pagkakaiba ng Estado Nila sa Buhay; Muli Silang Magtatagpo nang Magkabaligtad na ang Mundo

LoveStoriesSuccess

Si Diego ay simpleng trabahador lamang sa hacienda ng mga Hernandez ngunit kahit na ganoon ay nagka-ibigan sila ng nag-iisang anak ng kaniyang amo na si Natalia. 

Matagal nilang inilihim ang kanilang relasyon hanggang sa mahuli sila ng ama ni Natalia. Agad silang pinaghiwalay nito at ipinabugb*g ng Don si Diego upang matauhan sa estado nito sa buhay at tigilan ang kaniyang anak.

“Alamin mo ‘yung lugar mo. Haciendera si Ma’am Natalia. Tagapagmana ng mga Hernandez. Ikaw, hamak na trabahador ka lamang!” saad pa ng isa sa mga tauhan ng Don.

Kahit na ganoon ang kinahinatnan ni Diego ay hindi pa rin siya natinag. Gumawa siya ng paraan upang makita at makausap ang kasintahan niyang si Natalia nang palihim ngunit hindi naging maganda ang pagtatagpo nilang ‘yun.

Sa kanilang pagkikita ay nakipaghiwalay si Natalia kay Diego. Pinagkasundo umano siya ng kaniyang ama sa anak ng mga Mendoza na si Eduardo. Ikakasal na raw sila sa susunod na buwan at hindi niya raw ito matanggihan. 

Hindi ito sinang-ayunan ni Diego. Pilit niyang kinumbinsi si Natalia na ‘wag tumuloy sa pagpapakasal ngunit buo na ang desisyon ng dalaga. Matapos tanggihan ay iniwan na siya nito.

Hindi makapaniwala si Diego na ganoon siya kabilis isinuko ng dalaga kaya naman paulit-ulit pa rin siyang gumagawa ng mga paraan upang makapagkita at makapag-usap sila uli ngunit si Natalia na mismo ang umiiwas at hindi pumapansin sa kaniya hanggang sa dumating na ang araw ng kasal ng dalaga.

Nang masaksihan ni Diego ang paglalakad ni Natalia na naka-trahe de boda patungo sa altar kung nasaan si Eduardo sa araw ng kanilang kasal ay labis siyang nasaktan. Agad siyang umalis sa hacienda at nagtungong Maynila upang makalimot.

Makalipas ang dalawang taon ay nagbago na ang buhay ni Diego. Siya ay sinuwerte noon sa Maynila nang aksidente niyang nailigtas sa kamay ng sindikato ang isang anak mayaman na dalaga.

Bilang pagtanaw ng utang na loob ay pinatuloy si Diego ng pamilya ng dalaga sa kanilang tahanan at tinulungan siya ng mga ito na mabago ang buhay sa Maynila. 

Nung tuluyan na siyang umasenso ay nakakuha na siya ng sarili niyang tirahan at nakapagsimula na rin siya ng sarili niyang negosyo. Ngunit kahit na ganoon ay hindi naputol ang komunikasyon niya sa pamilya ng dalagang iniligtas niya lalo na’t sa matagal na pananatili ni Diego sa kanila ay nagkaroon na ng pagtingin ang dalagang si Roxanne sa kaniya.

Nung una ay pasimple lang ang dalaga sa pagpaparamdam ng kaniyang pagmamahal para kay Diego hanggang sa unti-unti niya na itong inilalantad sa lahat. Kung bakuran niya ang binata ay para bang pagmamay-ari niya na ito. 

Kahit na ilang ulit siyang pinagsasabihan ni Diego na kapatid lang ang tingin niya sa dalaga ay patuloy pa rin ang dalaga kaya naman madalas silang pinagkakamalan na magkasintahan sa opisina. 

Isang araw, pagdalaw ni Diego sa mga magulang ni Roxanne ay ikinagulat niyang makita ang isang pamilyar na mukha sa kanilang bahay.

“Diego, siya nga pala ang bago naming kasambahay dito – si Natalia. Kakaluwas niya lang dito sa Maynila nung isang araw,” wika ng ina ni Roxanne.

Ikinagulat ni Natalia nung mamukhaan niya ang Diego na ipinakilala sa kaniya. Magsasalita na sana siya nang biglang sumalubong si Roxanne at agad na pinulupot ang kaniyang mga kamay sa braso ng binata habang inaaya ito sa hapagkainan.

Matapos ang gabing iyon ay naging madalas ang pagdalaw ni Diego sa tahanan nina Roxanne hanggang sa nagkaroon siya ng pagkakataon na makausap si Natalia. 

Doon nalaman ni Diego na kaya napadpad ng Maynila ang dalaga ay dahil tuluyang naghirap ang pamilya nito at nawala sa kanila ang hacienda nang hindi ito tumuloy sa pagpapakasal kay Eduardo. 

“Nalulugi na ang hacienda noong mga panahon na ‘yun dahil sa pagsusugal ni Papa kaya upang maisalba ang hacienda ay pinagkasundo nila ako kay Eduardo na tagapagmana ng Hacienda Mendoza. Tinakot din ako ni Papa na ipapatapos ka ‘pag tumanggi ako kaya pilit muna kitang iniwasan noon at inantay ang araw ng kasal para maisasiwalat ang katotohanan sa lahat at wala silang magawa sa pagtanggi ko sa kasal. Agad kitang pinuntahan pag-alis ko ng simbahan pero hindi na kita naabutan,” salaysay ni Natalia.

“Parang kagaya lang ngayon. Hindi na naman kita naabutan. Mayroon ka nang ibang kasintahan, si Ma’am Roxanne,” dagdag pa ni Natalia.

Agad itong itinanggi ni Diego. Ikinuwento niya kung paano siya napadpad sa pamilya nina Roxanne at kinlaro niya kung anong relasyon niya sa pamilya nila.

“Wala kaming relasyon ni Roxanne. Halos kapatid na ang turing ko sa kaniya. Hindi ko kayang magmahal ng panibagong babae dahil matagal nang may nagmamay-ari ng puso ko. Ikaw ‘yun, Natalia. Mahal na mahal pa rin kita hanggang ngayon,” sagot ni Diego.

Nang gabing iyon ay nagkabalikan sina Diego at Natalia. 

Upang isaayos ang lahat ay agad ding ipinaalam ng magkasintahan ang tungkol sa kanila sa pamilya nina Roxanne. Hindi makapaniwala ang mag-asawa sa kanilang nalaman, habang labis namang nasaktan si Roxanne sa narinig. Gayunpaman ay wala siyang magawa kundi hayaan ang dalawa sapagkat noon pa man ay nilinaw na ni Diego na wala siyang nararamdaman para sa kaniya. Siya lang naman ang nagpupumilit sa kaniyang sarili kaya siya nasasaktan ngayon.

Matapos maayos ang lahat ay kinuha na ni Diego si Natalia mula sa pamilya nina Roxanne. Sila ay nagpakasal at masayang nagsama. Ngayon ay wala nang makahahadlang pa sa kanilang pagmamahalan.

More Stories