Idolo ng Babae ang Sikat na Author Dahil Relate Siya sa Kwento Nito, Kilig Siya nang Makilala ang Tunay Nitong Pagkatao

Mabilis na isinara ni Aya ang pocketbook na hawak nang marinig na bumukas ang gate nila. Akmang itatabi niya iyon sa ilalim ng unan nang bigla na lang siyang mapapitlag.

“Huli ka! Sabi na nga ba eh, hopeless romantic ka! Palibhasa kasi, walang nanliligaw!” tatawa-tawang sabi ng bestfriend niya, si Carl.

Hinablot pa nito ang hawak niyang romance pocketbook at binasa ang title noon, ‘Ang Bestfriend kong Manhid’ na isinulat ng idol niyang author, si Antonette.

“Akin na nga yan-” hindi niya magawang kunin dahil higit na mataas ang binata kaysa sa kanya.

“Naks! Ang bestfriend kong manhid ka pang nalalaman ha,ano to? Type mo ako?” nakakalokong tanong nito, ang kislap ng mga mata at dahil sa pagngiti ay lumitaw ang cute nitong dimples. Nakakainis. Totohanin niya kaya ito? Siguro ay tameme ang damuhong ito pag sumagot siya ng mula sa puso.

Lingid kasi sa kaalaman ng lalaki ay matagal niya nang minamahal ito. High school palang sila, iniibig niya na ito. Kaya lang ay masyado itong abala sa mga magaganda at matatangkad na babae, iyon bang mga pang-model. Basta lahat ng kabaligtaran niya, kasi naman ay maliit siya at medyo chubby. Bagama’t maraming nagsasabi na maganda ang kanyang mukha.

Nakukuntento na siya sa pagbabasa ng mga pocketbook ng manunulat na si Antonette dahil pakiramdam niya ay nakaka-relate siya rito. Gusto niya nga ring maging writer eh, naghihintay lang siya ng tamang panahon.

“Ano na? Hindi na nakasagot? Tamilmil, palibhasa kasi totoo,” nagising siya sa pagkakatulala nang kurutin ng binata ang ilong niya.

Advertisement

“Kapal naman ng mukha mo, mas makapal pa sa librong ito. Asa ka pa. Ikaw? Hindi ganyan ang type ko no,” irap niya sa lalaki kahit ang totoo ay halos mag-palpitate na siya sa lakas ng tibok ng kanyang puso.

“Utot mo, ayan nga o. Namumula ka. Lugi ka pa ba sa akin? Gwapo, architect, mabait, at maginoo. Tsaka, nagpapaniwala ka sa Antonette na ‘to.” nangingiting sabi ng binata.

“Oo, kasi gusto ko rin maging writer ano. Magaling kaya siya, kung lalaki nga lang ako mga ganyang babae ang matitipuhan ko,” kwento niya. Napansin niyang napatulala si Carl sa kanya, may kung ano sa mga mata nito na hindi niya maintindihan.

“Hoy, ulol, ano na? Nagagandahan ka na sa akin?”

Napakurap ang binata, nang makabawi ay bumalik ang nakakalokong ngiti sa mga labi.

“Tomboy,” sabi nito tapos ay lumabas na. Ano kaya iyon? Dumaan lang para inisin siya?

Mabilis lumipas ang isang buwan, sa wakas ay nakatanggap si Aya ng message mula sa kumpanyang nagpi-print ng mga pocketbook. Napayakap siya kay Carl sa sobrang tuwa.

“My God, my God I love you!” sigaw niya, natigilan siya.

Advertisement

Sh*t. Nadulas siya.

“What did you say?” sabi ni Carl.

Mabilis na nag-isip si Aya, “Sabi ko, mahal ko si God. I love you God! Praise the Lord! God is good!” sabi niya at nag-sign of the cross pa. Diyos ko, sana maniwala.

Ngumiti lang ang binata, nakahinga naman ng maluwag si Aya. Sobrang saya niya talaga, bukod kasi sa matutupad na ang pangarap niyang maging manunulat, makikilala niya na ang idolong si Antonette dahil may gaganaping presscon ito sa kauna-unahang pagkakataon at isa siya sa pwedeng maupo sa unahan dahil writer na rin siya ng kumpanya.

Talaga namang nag-ayos mabuti si Aya pagsapit ng araw na iyon, ang usapan ay susunduin siya ni Carl sa bahay nila.

Nakailang sulyap na siya sa orasan sa dingding, dapat ay umalis na sila ngayon pero nasaan na ang magaling na lalaki? Kinuha niya ang cellphone, ite-text niya sana nang bigla iyong mag-ring, tumatawag si Carl.

“Oy ikaw na hudyo ka male-late ako sa appointment-“

“I can’t make it.”

Advertisement

“What?” gulat na sabi ni Aya.

“H-Hindi kita masusundo. Sorry Aya.” sabi nito sa kabilang linya.

“Ano na? Indian-an na bigla? Bakit hindi mo ako masusundo?” nagsisimula nang mainis ang dalaga.

Narinig niyang bumuntong hininga ang lalaki sa kabilang linya, “I hope you understand. I waited for this, ng matagal na matagal. I h-have a girlfriend na Aya, and she needs me now. I’m sorry.”

Hindi na nakapagsalita pa ang dalaga, nabitawan niya ang cellphone nang marinig na ibinaba na ng binata ang tawag.

Wasak ang puso niyang nagbyahe na lamang papunta sa venue. Wala na siyang ganang tumuloy kaya lang kung mananatili siya sa kanila ay lalo niyang mararamdaman ang sakit.

“Sht. Sht lang talaga,” sabi niya habang nilalagyan ng make up ang paligid ng mata dahil namumula iyon sa pag-iyak.

Umupo na siya sa unahan at naghintay na lumabas ang idolo. Bahala na, baka mapagkamalan pa siyang baliw dahil sa itsura niya at matakot itong magpa-picture.

Advertisement

Nagsalita na ang host at sinimulang ipakilala si Antonette.

“Ang author na ito ay matagal nang umiibig sa kanyang bestfriend pero natatakot siyang masira ang mayroon sila. Kaya naman sinubukan niyang ibaling sa iba ang pagtingin dahil pagdating sa bestfriend niya, olats na siya. Hindi na makapagsalita.

Pero hindi niya na kaya pang pigilan ang damdamin at ngayon ay handa na siyang sumugal. Sabi niya nga, bahala na si Batman! Ladies and gentlemen, Antonette!”

Malungkot na naghintay si Aya sa paglabas idolo pero na-tameme siya dahil walang babaeng lumabas mula sa likod. Sa halip ay isang lalaki, at kilalang-kilala niya! Walang iba, kundi ang magaling niyang bestfriend.

Ang dahilan kung bakit wasak ang puso niya ngayon, si Carl.

“Hello everyone,” nakangiting sabi ng lalaki. Napako ang paningin nito sa kanya. Ewan niya ba, para siyang na-magnet dahil gustuhin niya man ay hindi niya makalas ang mata sa pakikipagtitigan rito.

Umugong ang bulungan sa paligid, “Lalaki si Antonette!”

Nagulat nalang ang dalaga dahil nasa harap niya na si Carl, “Ang duwag ko no? yung host pa ang inutusan ko para magtapat sa’yo.”

Advertisement

“P-Paanong-”

“Nakalimutan mo na bang mahilig rin akong magsulat? At nakalimutan mo rin siguro na Carl Anthony ang pangalan ko, takot na takot akong mabuking kaya nagtago ako sa pen name na Antonette. Grabe ang kilig ko nang makita mong binabasa mo ang gawa ko, alam mo kung bakit? Kasi para sa iyo naman talaga iyon.

Aya, ang bestfriend kong manhid, pwede mo ba akong bigyan ng pagkakataon? Mahal kita, mahal na mahal. Matagal na..”

Hindi na nagawang sumagot ni Aya, sobra sobra ang emosyong kanyang nararamdaman kaya niyakap niya na lang ang binata. Naisahan siya nito!

Nagpalakpakan ang mga tao at lalong bumenta ang libro ng binata. Naging successful rin ang librong isinulat ni Aya.

Ilang buwan ang nakalipas ay nagpakasal na rin sila. Bukod kasi sa 28 years old na sila pareho, ano pa ba ang hihintayin kung kilalang kilala na nila ang isa’t isa mula pagkabata?

Ang kanilang pagmamahalan ay isang magandang halimbawa na may inilaan ang Diyos para sa ating lahat. Malay natin, lingon tayo nang lingon sa paligid, matagal na pala siyang nasa ating harapan.