Ano ang Dahilan, Itay?

Habang naglalakad Si Nico pauwi ay nakita niya ang kanyang ama sa labas ng kanilang bahay at masayang ibinalita ang resulta ng kanyang pagsusulit.

“Itay, itay!” sigaw ng bata.

“‘Di ba sinabi ko na sa iyo na kapag nasa labas tayo ng bahay ay huwag mo akong lalapitan o kakausapin at tatawaging itay? Lumayo ka nga!” inis na sabi ni Mang Efren.

“Sorry po,” malungkot na sagot ni Nico.

Pagpasok nila sa bahay ay agad silang sinalubong ng inang si Aling Rona.

“Nariyan na pala kayo. Tamang-tama at nakapagluto na ako ng makakain natin,” anito.

“Inay tingnan mo itong papel ko, ang taas ng marka ko,” wika ng anak.

“Akin na nga anak, aba ang galing talaga ng anak ko! Mana sa atin ‘di ba Efren?”

Advertisement

Imbes na tumugon ay walang imik na umupo sa kahoy na upuan ang lalaki at naghubad ng maruming damit. Maghapon kasi itong nagtrabaho sa construction.

“Inay hindi ba proud sa akin si itay?” tanong niya.

Napabuntong-hininga si Aling Rona bago sagutin ang tanong ng anak.

“Ano ka ba, anak? Proud iyon sa iyo, proud kaming dalawa ng tatay mo.”

“Talaga inay? Pero, bakit ganoon si itay?”

“Ganoon talaga iyong tatay mo, nahihiya lang iyon! Lagi mong tatandaan anak, lahat ay may dahilan at kung anuman ang dahilan ng Diyos o ng isang tao, ay dapat nating tanggapin ng buong puso. Matutong magpatawad at umintindi kahit gaano pa ito kabigat o kababaw ang dahilan nito at isa pa mahal ka naming dalawa,” tanging nasabi ng kanyang ina.

“Ganoon po ba, inay? Sige po pupunta po muna ako sa kwarto para gumawa ng takdang aralin at mag-aral at hindi ko po kakalimutan iyong sinabi niyo,” sabi ng bata.

“Sige, maghahanda muna ako ng pagkain natin. Maya-maya ay tatawagin na lamang kita kapag kakain na tayo.”

Advertisement

Ngunit kahit sinabi na iyon sa kanya ng ina ay may sama pa rin ng loob si Nico pero pinanungunahan pa rin nito ang pagmamahal sa ama kaya habang gumagawa ng takdang aralin sa kanyang kwarto ay hindi niya napigilang kausapin ang sarili.

“Alam ko naman na hindi ako mahal ni itay itinataboy niya ako kapag nasa labas kami, ayaw niya akong makasama na parang ikinahihiya niya ako bilang anak niya, ayoko na nga mag-isip ng ganito, mahal ako ni itay iyon ang sabi sa akin ni inay at totoo iyon,” aniya sa isip sabay balik sa pag-aral.

Ilang linggo ang dumaan at sumapit ang isa sa pina-importanteng araw sa buhay ni Nico, ang pagtatapos niya sa elementarya.

“Anak, proud ako sa iyo. Ang galing-galing mo. Halos ikaw lahat ang humakot ng medalya,” tuwang-tuwang sabi ni Aling Rona.

“Salamat po inay, nasan nga po pala si itay? Hindi po ba siya pupunta?” tanong niya.

“Anak, kasi hindi makakapunta ang itay mo. Marami siyang gagawin sa construction,” sagot ng ina.

“Ayos lang po iyon inay, naiintindihan ko po.” tanging naisagot ni Nico sa matamlay na tinig.

Pagkatapos ng graduation ay may kaunting handaan sa kanilang bahay at may mga bisitang dumalo ngunit hindi nagpakita ang ama niya sa kanila na labis na ikinadamdam ni Nico.

Advertisement

“Bakit ganoon, ‘di ba dapat masaya ako dahil graduation day ko pero bakit hindi? Si itay, bakit wala siya? Pagod na pagod na akong gawin lahat, ano pa ba ang kulang?” buong hinanakit na bulong niya sa sarili habang naalala niya ang mga hindi magandang pagtrato sa kanya ng kanyang ama.

Pagkalipas ng ilang araw, nag-iba na ang ugali ni Nico at napansin iyon ng mga magulang niya na habang papalapit ang pasukan ay lagi na itong lumalabas kasama ang mga bagong kaibigan.

Dalawang araw bago magsimula ang pasukan, ginabi ng pag-uwi si Nico, nadatnan niyang nakaupo sa sofa ang kanyang ina. Tumayo ito at nilapitan siya.

“Nico, anak, bakit ginabi ka? Kapag naman lumalabas ka at nahuhuli sa pag-uwi ay magpapaalam ka naman,” sermon nito.

“Wala naman pong pasok, e!” pabalang na sagot ni Nico.

“Oo nga’t walang pasok pero paano nalang kung may mangyari sa iyong masama? Hindi na ligtas sa labas ngayon mas lalo na at gabi na,” patuloy na wika ng ina.

“Naglibang lang kasama ng mga kaibigan ko inay,” pabalang pa rin niyang sagot.

“Ayos lang maglibang, ngunit dapat nagpapaalam ka. Ang mabuti pa ay kumain ka na ng hapunan at magpahinga na,” utos ni Aling Rona.

Advertisement

“Hindi po ako nagugutom, busog na po ako. Kumain kami sa labas ng mga kaibigan ko. Magpapahinga na po ako sa kwarto ko,” sabay nakasimangot na umalis sa harap ng ina.

Napapailing na lang si Aling Rona. Hindi naman ganoon ang ugali ng kanyang anak bakit bigla itong nag-iba.

Ang pag-uwi ng gabi at pagsama sa mga kaibigan ay nakagawian na ni Nico. Humantong sa punto na hindi na siya pumapasok sa ekwelahan, kaya pinatawag ng guro ang mga magulang niya.

“Gusto ko lang po kayo kausapin tungkol sa marka at hindi pagpasok ng inyong anak. Napapansin ko na si Nico ay madalas na hindi pumapasok sa klase. Kung dati ay matataas ang kanyang mga marka sa kanyang mga pagsusulit, ngayon ay pababa na ito at nagkakaoon pa siya ng bagsak,” wika ng guro.

“Ganoon po ba, maraming salamat po at kakausapin ko na lang po ang anak ko,” tanging tugon ni Mang Efren.

Ikinagulat ni Nico ang sinabi ng ama ngunit mas nanaig pa din ang galit sa puso niya samantalang ang ina niya ay puno ng pagtataka dahil sa araw araw naman siyang pumapasok sa eskwelahan.

Pagkauwi nila sa bahay ay kinausap siya ng kanyang mga magulang.

“Anak, anong nangyayari sa iyo?” tanong ng ama.”Anak, ha! Anak mo ba talaga ako, wala kang kwentang ama at wala kang karapatang tawagin akong anak dahil simula pa lang, pangit na ang trato mo sa akin, dapat kasi wala ka na lang sa buhay ko.. Sana nawala ka na lang!” pasigaw niyang sabi.

Advertisement

“Nico, huwag mong pagsalitaan ang itay mo ng ganyan,” wika naman ng kanyang ina.

Upang hindi na muling makapagsalita ng hindi tama ay napilitan siyang lumalabas na lang ng bahay.

Sa nangyaring iyon sa kanilang pamilya, ay naging tahimik lang ang kanyang ina. Si Nico naman ay ginawa ang lahat para maiwasan ang ama.

Ilang araw ang lumipas at natutong uminom ng alak si Nico kasama ang mga kaibigan. Mas lalo nitong napabayaan ang pag-aaral at palaging umuuwi ng gabi. Sa sobrang pag-aalala ng mag-asawa ay tinangka ulit nilang kausapin ang anak ngunit palaging itong umiiwas hanggang sa ilang araw itong hindi umuwi sa kanilang bahay at nang umuwi ay hinarap siyang muli ni Aling Rona.

“Bakit ngayon ka lang umuwi, alam mo bang alalang-alala kami sa iyo ha?!” pasigaw na tanong ng ina.

Nagulat si Nico sa sigaw na iyon ni Aling Rona. Kakaiba ang sigaw na para bang siya na ang pinakamasamang tao sa mundo.

“I-inay…”

“Huwag mo akong matawag tawag na inay. Nico, ayusin mo ang buhay mo at pag-aaral mo. Hindi kami palaging nandito ng tatay mo, darating ang araw na mawawala din kami sa mun—”

Advertisement

Hindi na naituloy ni Aling Rona ang sasabihin dahil biglang nanikip ang dibdib nito at nawalan ng malay.”

“Itay!!! Si inay, dalhin natin sa ospital!” gulat niyang sigaw.

Isinugod nila ang ina sa ospital at doon hinintay ang dahilan ng pagkawala ng malay nito. Pagkatapos na ma-eksamen ng doktor ay dinala na ito sa isang pribadong kwarto at kinausap si Mang Efren.

“Dok, bakit po nawalan ng malay ang asawa ko?” nag-aalalang tanong ng lalaki.

“Mister, may sakit sa puso ang misis mo at habang maaga pa ay kailangan namin siyang ma-operahan.

“Ganoon ho ba,” tangi niyang nasabi hanggang sa umalis ang doktor. Ang hindi niya alam ay lihim na narinig ni Nico ang sinabi ng doktor. Sa sobrang sama ng loob ay umalis sa ospital si Nico at dumiretso sa malapit na tindahan at bumili ng alak.

“Bakit ganoon, bakit ang inay ko pa, Diyos ko!” bulong niya sa sarili.

Makalipas ang ilang araw ay natuloy na ang operasyon ng kanyang ina.

Advertisement

“Dok. Gawin mo po ang lahat para sa asawa ko,” pakiusap na sabi ni Mang Efren.

“Gagawin namin ang lahat para gumaling siya,” sagot ng doktor.

Pagkalipas ng ilang oras ay biglang may mga nagtakbuhan na mga nurse at doktor sa loob ng emergency room.

“Teka, anong nangyayari?” nagtatakang tanong ni Mang Efren.

Pagkabukas ng pinto ng isa sa mga nurse ay nakita niya ang asawa niya na nire-revive ng doktor.

“Hindi maaari!” nagsimula nang mangilid ang luha ng lalaki.

Naroon din si Nico at nasaksihan rin niya ang mga pangyayari. Gaya ng ama ay nagsimula nang dumaloy ang masagana niyang luha.

Dali-dali niyang tinakbo ang chapel at lumuhod sa harap ng santo.

Advertisement

“Diyos ko, bakit ganito? Huwag po ang nanay ko, huwag siya! Bakit ba kasi ‘to nangyayari? Hindi ko maintindihan, bakit ang nanay ko?” sabi niya habang patuloy na umiiyak.

Hindi niya namalayan na narinig pala siya ng isang matandang babae na naroon din at taimtim na nagdarasal.

“Hijo, paumanhin muna pero narinig ko ang iyong sinabi. Gusto ko lang sabihin sa iyo na lahat ng nangyayari sa buhay natin ay may dahilan at ang dahilan na iyon ay para matuto tayo at wala tayong karapatang kuwestyunin ang Maylikha,” wika nito.

Natahimik si Nico at huminto sa pag-iyak. Panandalian niyang naalala ang sinabi sa kanya noon ng kanyang ina.

“Salamat po, lola. Ngayon ay nauunawaan ko na,” aniya.

Pagkasabi niya noon sa matanda ay labis ang kanyang pagsisisi habang tumatakbo papunta sa kanyang ina, pagkarating niya doon ay nakahinga siya nang maluwag ng makitang maayos na ang lagay nito. Natapos na ang operasyon at dinala na ang ina sa loob ng kwarto habang ang ama niya ay bakas sa mukha ang saya dahil ayos na ang asawa.

“Salamat po, Diyos ko! Anak bantayan mo muna ang iyong ina at bibili lang ako ng ating makakain,” anito.

Pagkabalik ng ama ay kinausap ito ni Nico.

Advertisement

“Itay, patawarin niyo po ako sa lahat ng kasalanang ginawa ko at sa lahat ng nasabi ko,” Nakatungo ngunit determinadong wika ni Nico sa ama.

“Mahal kita, anak. Alam mo ba kung bakit ganoon ang trato ko sa iyo? Dahil minsan nang nanganib ang buhay ng iyong ina ng dahil sa iyo. Nag-agaw buhay siya noon habang ipinapanganak ka niya. Mula noon ay ibinunton ko na ang galit ko sa iyo dahil hindi kita mapapatawad kapag may nangyaring masama sa iyong ina. Mahal na mahal ko siya at wala na akong ibang iibigin pa na katulad niya. Sana’y patawarin mo ako, anak. Hindi ko man sa iyo naipapakita o naipaparamdam pero proud na proud ako sa iyo. Patawarin mo rin ako kung hindi ko inisip ang nararamdaman mo,” tugon nito sa kanya.

Niyakap nang mahigpit ni Mang Efren ang anak at ganoon din si Nico sa kanyang ama. Nagkaayos na ang dalawa.

Pagkalipas ng ilang araw ay nagising na si Aling Rona.

“Dok, ayos na po ba ang asawa ko?” tanong nito.

“Kailangan lang naming siyang i-monitor ng ilang araw,” sagot ng doktor.”Ganoon po ba, maraming salamat po.” tugon ng lalaki.”Inay…”

Tiningnan ni Aling Rona ang anak.

“Inay, patawarin niyo po ako sa lahat ng aking nagawa, patawarin niyo po ako kung naging masama akong anak at hindi nakinig sa inyo ina—”

Advertisement

Hindi niya nagawang ipagpatuloy ang sasabihin nang bigla itong magsalita.

“Anak, di ba sinabi ko sa iyo na lahat ay may dahilan at ang tatay mo, may nagawa man siyang mali o kung anuman ang dahilan niya’y tandaan mo, ama mo pa rin siya at dapat hindi mo hinihiling na mawala na siya, huwag natin panaigin ang galit sa puso at alam mo din ba anak, hindi lang ang tatay mo ang may dahilan kung bakit ganoon ang trato niya sa iyo, ang Diyos rin ay may dahilan sa lahat ng nangyayari sa atin at iyon ay para matuto tayo. Pinapatawad na kita dahil mahal kita,” paliwanag ng ama.

“Salamat po, inay,” aniya habang lumuluha at hawak-hawak ang kamay ng ina.

“Mahal na mahal kita, anak, mahal na mahal ka namin ng tatay mo. Tahan na, huwag ka nang umiyak.”

Mula noon ay naging masaya na ang kanilang pamilya. Ipinagpatuloy ni Nico ang pag-aaral at mas lalo niyang minahal ang mga magulang.