Saging Lang ang May Puso

Napapitlag si Amanda nang malakas na hampasin ng kanyang ama ang malaking mesa nila. Nanggagalaiti ito, namumula ang buong mukha at nakatiim bagang.

“Pinag-aral kita Amanda, binihisan, pinakain, binigyan ng magandang buhay. Ang sa akin lang ay pagbigyan mo naman sana ako na i-date si Arthur, ang anak ng kumpadre ko. Kung iisipin naman ay kayo talaga ang bagay! Para sa iyo rin iyon, pero ano ang ginawa mo? Pinahindian mo ako! Tapos ito, ito ang ihaharap mo sa akin? Isang walang kwentang magsa-saging?!” halos atakihing sabi ng lalaki.

“Sir, mahal ko po ang anak ninyo. Kung kailangan pong-”

“Tumahimik ka! Wala kang alam sa pagmamahal dahil kung mahal mo nga si Amanda, hindi mo ipipilit ang sarili mo sa kanya! Ano ba ang alam mo ha? Bukod sa magtinda ng senyorita?!” pangungutya ng matanda.

“Papa! Sumosobra na po kayo,” naluluha nang sabi ni Amanda. Naramdaman niyang humigpit ang hawak ng nobyo niyang si Greg sa kanyang kamay.

Kasalanan naman niya eh, ideya niya na dalhin ito ngayon sa kanila at ipakilala sa kanyang ama. Akala niya kasi, hindi issue sa papa niya ang pera. Kaya nga laking gulat niya sa ipinapakita nito ngayon. Sobrang matapobre, parang hindi ito ang papang kinalakhan niya.

Hindi naman nakakahiya si Greg. Wala siyang nakikitang hindi dapat ipagmalaki sa binata, matalino ito- katunayan ay iskolar nga sa ekslusibong kolehiyo kung saan niya ito nakilala, masipag- dahil bukod sa pag aaral noon ay nagtitinda ito ng saging sa labas, may respeto at may pangarap sa buhay.

Hind ba at iyon naman ang magagandang katangian ng isang lalaki? Para kay Amanda, hindi dapat tinitingnan ang laman ng bulsa kundi ang laman ng puso. Dahil hindi siya sasaya kung pera-pera lang. Kilala niya naman ang inirereto sa kanyang si Arthur, ubod ng yabang noon at babaero pa. Tingin ba ng papa niya,liligaya siya sa ganoong klaseng lalaki?

Advertisement

Baka isubo lang siya nito sa habangbuhay na pagluha.

Nagulat sila pareho nang dumukot sa wallet nito ang matanda at sinabuyan sila ng pera, maraming lilibuhin.

“O!” wika nito.

“Papa,” halos pagmamaktol niya. Sobrang pangmamaliit naman itong ginagawa sa kanyang nobyo.

Nararamdaman niyang nangangatog na si Greg.

“Ayan na ang pera, lahat ng mapupulot mo ay sa iyo na. Layuan mo ang anak ko.” taas noo nitong wika, “Ano na? Ito na ang chance mo. Hindi araw araw ay nabibigyan ang mahirap ng tulad mo ng pagkakataong makahipo ng 100 thousand. Baka sampal sampalin ka ng nanay mo pag nalaman niyang ipinagpalit mo ang kwarta sa babae. Sige na, pambili ninyo na ng pagkain iyan.” dagdag insulto pa nito.

“Iginagalang ko ho kayo dahil ama kayo ni Amanda. Pero hindi ko ho kailangan ng pera ninyo,” sabi ng lalaki at tumalikod na.

“Pa, I’m sorry.” sabi rin ni Amanda, kumapit sa braso ni Greg at sumama na palabas.

Advertisement

“Magsisisi ka Amanda!” narinig niyang habol na sigaw ng kanyang ama.

Wala siyang dala kahit na ano, bagamat may laman naman ang wallet niya. Bahala na, basta kasama niya si Greg ay panatag na ang kanyang puso. Sumakay sila ng bus pauwi sa probinsya, grabe. Iba ang kaba ni Amanda dahil ni minsan ay hindi niya pa nakilala ang pamilya ng nobyo.

“Sigurado ka bang sasama ka sa akin?” masuyong tanong nito.

“Oo, kahit na saan. Kahit sa banig lang tayo,” seryosong wika niya kaya napakunot ang noo niya nang mapansing pinipigil nito ang ngiti.

“Ang ganda-ganda mo, sa loob at sa labas.” tanging sabi ng binata bago siya inakay papasok sa bus.

Makalipas ang sampung taon

Pinindot na ni Amanda ang off sa switch ng lampshade. Magara ang kwarto. kung tutuusin ay hindi mo maiisip na para lamang iyon sa dalawang bata. Kasi ay pwede nang tayuan ng bahay.

“Ay, mommy! Ano na po ang kasunod, tapos na iyon?” nagmamaktol na sabi ng batang si Clyde, walong taong gulang.

Advertisement

“Opo, little mister. Kasi po ay gabi na, it’s time to sleep.” natatawang wika niya.

“Please naman mommy i-continue mo? Ano na po ang nangyari sa rich girl at poor guy?” tanong naman ng kakambal nitong si Camille.

Bago pa nakasagot si Amanda ay narinig nilang bumukas ang pinto, tapos ay naramdaman niyang may yumakap sa kanya mula sa likuran. Ang bilis tuloy ng tibok ng kanyang puso.

Kahit sa paglipas ng panahon ay hindi nagbago ang epekto nito sa kanya. Ang nag iisang lalaking bumihag sa kanyang puso..si Greg.

Noong gabing iyon, sampung taon na ang nakalipas ay nawindang siya dahil napakayaman pala ng lalaki sa probinsya. Haciendero ito! May mansion at tagapagmana ng maraming negosyo roon.

Kaya niya lamang napagkamalang magsasaging ay dati palang naging trabahador ng pamilya nito ang tindero sa labas ng eskwelahan nila. Dahil likas na mabait si Greg ay tinutulungan nitong magtinda ang matanda at minsan pa nga ay inaabutan ng pera.

Lalo nga raw nahulog ang loob nito sa kanya dahil sa kabila ng pagkakaalam niyang mahirap lang ito at malayo ang agwat ng estado ng kanilang buhay ay walang alinlangan pa rin niya itong minahal.

Nagpakasal sila at ito nga, biniyayaan ng kambal na anak. Buntis rin ngayon si Amanda.

Advertisement

Nagkapatawaran na sila ng kanyang ama na namayapa na rin apat na taon na ang nakalipas, kahit paano ay naging masaya ang matanda dahil naabutan pa ang mga apo.

“Ayun, hindi pala talaga poor si poor guy. Rich rin pala siya, nagpakasal sila ni girl at nabuhay nang masaya,” pagtatapos niya sa kwento.

Nagulat pa siya nang sumabat si Greg, “Pero alam ba ninyo mga anak, kung ano talaga ang kayamanan ni rich guy?”

Sabay na umiling ang dalawang bata.

“Ang tunay na kayamanan niya ay ang pag ibig ng misis niya, pag ibig na hindi alintana ang estado ng buhay. Ang ganoong klaseng pagmamahal ay bihira, kaya nangangako siyang iingatan iyong mabuti.”

Images courtesy of www.google.com