Saging ang Panawid Gutom ng Dalawang Bata; Ito Rin ang Magbibigay ng Pag-asa sa Kanila

“Kakain na!” Pilit na pinasigla ni Gino ang kaniyang boses habang inihahain ang niluto niyang nilagang saging sa harap ng kapatid na si Jelly.

Ilang araw nang ganoon ang kanilang kinakain buhat nang magsimula ang lockdown dahil hindi naman makalabas ang noo’y menor de edad pa namang si Gino upang mkadilihensya.

Simula nang sumakabilang buhay ang kanilang ina, dalawang linggo na ang nakalilipas ay siya na ang nagtaguyod sa kapatid na nasa limang taong gulang pa lamang. Maagang namulat ang mga mata ni Gino sa kahirapan kaya naman bata pa’y natuto na siyang magbanat ng buto.

Mabuti na lamang at may maliit na taniman ang kaniyang ina sa kanilang likod bahay, kung kaya kahit papaano’y may pinagkukunan sila ng pagkain ngayong lockdown.

“Wow, nilagang saging! Peyburit ko!” inusenteng anang kapatid niyang si Jelly na tila nagniningning pa ang mga mata, pagkakita sa naturang pagkain.

“Oo, bunso. Masarap ’yan, ’di ba?” pang-aalo naman ni Gino na magiliw namang tinanguan ng kapatid.

Nakadarama ng awa si Gino para sa kapatid niya. Dahil kasi sa halos araw-araw nilang pagkain ng saging ay iyon na lang din ang nasasabing paborito ng kaniyang kapatid na si Jelly. Wala naman kasi itong ibang pagkaing natitikman dahil madalang naman kung mag-iba ang putaheng kinakain nila.

Ganoon pa man ay ipinagpapasalamat pa rin ni Gino sa Diyos na kahit papaano’y may kinakain pa naman sila. Ipinangako na lamang niya sa sarili na gagawa siya ng paraan upang umayos naman ang buhay nila.

Advertisement

Isinawsaw ni Gino ang kaniyang nilagang saging sa bagoong bago iyon kinagat at sinabayan niya ng subo ng kaning lamig. Ang bagong saing kasing kanin ay inilaan na niya para sa kaniyang kapatid upang mainitan ang sikmura nito.

Biglang may kumatok sa kanilang pintuan at takang napatingin naman doon si Gino.

Agad niyang binuksan ang pintuan nilang de buhat lang dahil tanggal na ang bisagra nito dahil sa nagdaang bagyo.

“Magandang umaga, ’toy, nariyan ba si Loida?” tanong ng isang mapostura ngunit hindi niya kilalang babaeng mukhang kasing edad lang ng kaniyang ina.

“N-naku po, sorry po pero… wala na po si mama,” malungkot na balita naman ni Gino sa babae na talagang ikinagulat naman ng babae.

“K-kailan pa nangyari ’yon? P-paano? Bakit?!” sunod-sunod pang tanong nito pagkatapos ay bigla na lamang itong nag-iiyak!

“Pasok po muna kayo,” alok ni Gino sa babae. Tumalima naman ito pagkatapos magpunas ng luha.

“Anak ka ba niya? Ikaw na ba si Gino?” muli’y tanong pa ng babae.

Advertisement

Tumango naman si Gino. “Siya naman po ang kapatid kong si Jelly,” pakilala niya sa kapatid na patuloy pa rin sa pagkain ng saging.

“Ako naman ang Ninang Ada mo. Matalik kong kaibigan si Loida. Noong mga panahong ako ang nangangailangan ay siya ang kaisa-isang taong tumulong sa akin kahit pa salat na salat siya,” sabi naman ng nagpakilalang si Ada.

“Alam mo ba, hijo? Maliit ka pa nang huli kaming magkita ng iyong ina. Nang mga panahong iyon ay hindi pa rin nabibilanggo ang ama mo’t masaya pa silang nagsasama ni Loida,” kuwento pa nito. Naalala tuloy ni Gino ang pumanaw na ring ama na nahuli dahil napagbintangang magnanakaw at sa loob na nadisgrasya ng mga kapwa nito bilanggo. Siguro, ngayon ay masaya na ito dahil muli na silang magkapiling ng kanilang ina.

“Si Loida ang nagturo sa aking maging mapagpasalamat kahit na ang mayroon lang sa hapag mo’y nilagang saging na paborito naming kainin noon dahil iyon lang ang mayroon kami. Tumakas kasi ako sa mga magulang ko noon. Malaki ang pasasalamat ko sa iyong ina, Gino. Sayang nga lang at hindi na ako umabot para sana’y natulungan ko siya.”

Muling umiyak ang babae habang inaalala ang pinagsamahan nilang kaibigan.

“Pero ngayon, nandito ako para bumawi. Kahit man lang sa inyong mga anak niya’y maipadama ko ang pasasalamat ko sa inyong ina. Simula ngayon ay aampunin ko na kayo’t ituturing na sariling akin.”

Tila nagalak si Gino nang marinig ang sinabing iyon ng kaniyang Ninang Ada. Napayakap siya dito’t nagpasalamat nang marami. Sa wakas ay hindi na nila kakailanganin pang magtiis ng gutom.

Isang may kayang babae si Ninang Ada. May mga pagmamay-ari itong negosyo. Wala itong anak o kahit asawa man lang, kaya naman mas naging malapit silang magkapatid sa babae. Itinuring nila itong parang tunay na ina at minahal naman sila nito nang lubos.