Pinagtawanan ng Dalagang Pintasera ang Picture ng Isang Babaeng Pangit, Napaiyak Siya nang Malaman ang Katauhan Nito

Dahan-dahang iminulat ni Neri ang dalawa niyang mga mata, sobra ang sakit ng ulo niya. Pinalala pa iyon ng liwanag mula sa bintana ng kwarto na eksaktong tumatama sa kanyang mukha.

“Bwisit, palibhasa walwalan.” naiiling na sabi niya nang maalala ang mga ganap kagabi.

Lumabas kasi siya kasama ng mga kaibigan para mag-bar, todo inom sila ng alak hanggang lupaypay na siya at hindi na makatayo pa. Ganoon ang kanilang gawain tuwing Biyernes, palibhasa ay walang pasok sa opisina kinabukasan.

Mas lumalim ang pagkakakunot ng noo niya nang mapansin na wala ang malaking salamin sa tapat ng kanyang kama.

“My gosh, sino ang nagtanggal? Humanda sa akin si Lilibeth. Sinabi nang wag makikialam sa kwarto ko,” asar na wika niya na ang tinutukoy ay ang kanilang kasambahay.

Bukod kasi sa masinop siya sa mga gamit, gustong gusto niyang nakikita ang sarili kahit kakagising niya palang. Hindi naman sa pagmamayabang, pero maganda kasi siya talaga.

Pino ang kanyang ilong at maninipis ang mga labi, namumungay ang dalawang mata na tinernuhan ng mahahabang pilik. Simula noong nag-aaral siya hanggang magtrabaho siya ay habulin siya ng mga lalaki.

Wala pa nga lang pinapalad sa mga ito dahil ayaw niya ng basta-basta lang. Aba, sayang naman ang ganda niya kung papatol siya sa pipitsugin lang diba?

Advertisement

Ang problema lang, kung anong anghel ng kanyang mukha ay siyang ka-demonyohan naman ng ugali niya.

Ubod siya ng pintasera, walang pakialam kung nakakasakit ng damdamin ng iba basta masabi lang ang kanyang nasa isipan. Paborito niyang pagtawanan ang kahit na sinong para sa kanya ay hindi ganoon kagandahan. Bigla niya tuloy naisip ang ka-opisinang si Imee.

“I wonder, bakit pa siya nag-apply dito sa office natin?” sabi niya isang hapon.

Nagtatakang napalingon naman ang kaibigan niyang si Mariz, “Sino?”

Inginuso niya si Imee, na noon ay kunwaring abalang nagta-type sa computer nito pero ang totoo ay naririnig sila. Nangangatog ang daliri ng dalaga, pilit tinatatagan ang loob dahil alam niyang siya nanaman ang gagawing katatawanan sa opisina.

Kunwari nalang ay hindi siya apektado pero ang totoo ay nasasaktan siya. Kahit pa tinanggap niya na sa sariling hindi naman talaga maganda ang panlabas niyang anyo at para lang siyang payaso na tampulan ng tukso kapag inaantok ang mga ka-trabaho, mahapdi pa rin talaga sa dibdib.

“Bakit na naman?” natatawa nang tanong ni Mariz kay Neri.

“Wala, kung ganyan ang mukha ko hindi na ‘ko lalabas sa bahay namin. Kukuha ako ng lubid, magbibigti ako,” bira ni Neri. Hagalpakan naman ng tawa ang mga nakarinig.

Advertisement

Tinitigan niya mula ulo hanggang paa ang naka-sideview na si Imee. Hindi lang basta pango ang ilong nito, sarat pa. As in dapang-dapa. Dry ang lips na nagbabalat, ang laki ng mga pores ng butas- butas nitong mukha na sinabayan pa ng oily skin.

“Psst Imee, pwede nang pag-prituhan ng itlog ‘yang mukha mo sa sobrang pagmamantika,” kantsaw ni Neri. Napatungo naman si Imee, lalo nang mas lumakas ang tawa ng mga tao.

Nagising sa pagmumuni-muni si Neri nang matapakan niya ang isang brown envelope na halatang nalaglag lang mula sa tokador sa gilid ng kanyang kama.

Iiling-iling pa siya habang natatawa, excited siyang pumasok bukas. Pagtitripan niya na naman si Imee.

Parang may kung anong bumulong sa kanya na buklatin ang envelope kaya iyon nga ang kanyang ginawa, tumambad sa kanya ang larawan ng isang babaeng natutulog.

Natakpan niya ang bibig sa pagpipigil na tumawa, ubod ng pangit ng babae sa picture!

“Tang *na, parang may kalaban na si Imee sa grand finals sa kapangitan. Bakit pinipicturan ang ganito? panakot sa daga?” tanong niya sa sarili.

Hindi lang basta pangit ang babae, sira ang mukha nito. Puro peklat, wala sa porma ang ilong. Nakapikit ito pero nakakatakot na ang itsura, paano kaya kapag dumilat, pang-horror house na siguro!

Advertisement

“Mommy must be crazy, bakit siya mag-iiwan ng ganitong picture sa gilid ng bed ko?” tanong niya ulit sa sarili. Bigla niyang naalala, nasaan nga pala ang mommy niya?

“Mom!” sigaw niya.

Ilang sandali pa ay humahangos na pumasok sa kwarto ang ginang, nanlaki pa ng bahagya ang mga mata tapos ay nayakap siya.

“Oh my God! Gising kana! Oh God thank you so much!” paulit-ulit na sabi nito habang yakap siya, may pag-iyak pa.

“Yo, what’s wrong? Bakit naman ganyan kang mag-react mommy?” natatawang wika niya, usually kasi ay sermon ang minumulatan niya dahil sa paglalasing niya.

Hindi sumagot ang ginang, basta umiiyak lang ito sa balikat niya. Naalala niyang itanong ang tungkol sa litrato.

“Sino nga po pala ito? Damn ugly,” komento niya. Kumalas siya sandali sa pagkakayakap ng ina at iniangat ang kanang kamay na hawak ang envelope. Bago makasagot ito ay napalingon si Neri sa nakasiwang na pinto ng kwarto.

Nakasilip ang kanyang barkada na kasama niyang maglasing kagabi.

Advertisement

Nagulat siya, “Wow, parang ako lang yata ang nalasing ng todo ah. Bakit ako lang ang may hang over? Like, sh*t guys, sobrang sakit ng ulo ko ngayon. Tapos kayo parang chill lang dyan. Bakit nandito kayo?”

Mommy niya ang sumagot sa kanyang tanong dahil parang naluluha ang barkada niya at hindi makapagsalita lahat.

“N-Nandito sila para dalawin ka anak..” mahinang sabi ng ginang.

Natawa siya nang kaunti, “Dalawin ako? Magkakasama lang tayo kagabi, bakit nyo ako dadalawin?” taka niyang tanong.

Noon niya napansin ang tubong nakakabit sa kaliwa niyang kamay, hilo pa nga siya dahil hindi niya iyon nahalata kanina.

“Lutang ka pa siguro sa gamot..” komento ulit ng kanyang ina.

Doon siya nagsimulang maguluhan, “Wait, what is happening? Bakit ako naka-dextrose? Bakit kayo dadalaw? Anong gamot?” sunud-sunod niyang tanong.

Walang sumasagot ni isa, ewan ni Neri pero iba ang kabog ng dibdib niya.

Advertisement

“I said what is happening?” ulit niya.

Naglakas loob ang isa niyang barkada na magsalita, nakatungo ito at halatang pinipigil ang maiyak.

“N-Neri, sorry. Sorry talaga. Dapat hindi ka namin pinabayaang umuwing mag-isa noon,” sabi lang nito tapos ay napahagulgol na.

“Anak.. isang buwan na ang nakalipas noong inuman ninyo. Umuwi kang mag-isa at naaksidente ang taxi na sinasakyan mo. Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang driver dahil durog ang ulo niya sa aksidente, pero ikaw ay maswerteng nabuhay kahit na sumabog pa ang sasakyan ninyo. K-Kaya lang ay isang buwan kang walang malay..sabi nga ng doktor ay malabo nang magising ka kaya pinauwi kana rito sa atin. Pero tingnan mo naman ngayon anak, gising ka,” lumuluha habang nakangiti ang kanyang ina.

“Ano?” hindi makapaniwalang sabi niya.

Napaiyak siya dahil sa halu-halong emosyon na nararamdaman niya ngayon. Ngunit nang pahirin niya ang mga luha ay napatigil siya.

“B-bakit ang gaspang ng mukha ko?”

Walang makasagot ni isa sa kanyang kaharap. Hinaplos niya ulit, mula noo, pisngi hanggang baba. Ang kanyang ilong..ang labi niya.

Advertisement

“Bakit ang gaspang? Bakit ganito?!” tanong niya ulit pero walang sumasagot.

Hinaltak niya ang tubo ng dextrose at tinanggal iyon, napahawak pa siya sa pader dahil para siyang matutumba. Dumiretso siya sa banyo at naghanap ng salamin.

Nang sa wakas ay makakita siya, agad niyang tiningnan ang kanyang mukha.

Pero nabitiwan niya ang salamin.

Nangangatog na napahagulgol siya. Dahil ang babaeng pangit na nakita niya sa mga larawan kani-kanina lang, ay walang iba kundi..siya.

“A-Anak, maganda pa ang buhay,” umiiyak rin na sabi ng kanyang ina na sumunod pala sa kanya.

Nasira ang mukha ni Neri dahil sa aksidente, ni walang naiwang bakas ng maganda niyang anyo dati.

Doon niya naisip lahat ng kamaliang kanyang nagawa sa kapwa dati, ang lahat ng pangit na salitang binibitiwan niya sa mga hindi kagandahan ay sa kanya na tumatama ngayon.

Advertisement

Tila ba ibinagay lang ng tadhana ang mukha niya sa kanyang ugali, pangit.

Magsisi man siya ay huli na ang lahat.

Mula noon ay naging madasalin siya. Palaging humihingi ng lakas ng loob sa Diyos, para ituloy ang buhay. Naging mapagkumbaba na rin siya at natutong irespeto ang damdamin ng iba.

Dahil doon ay marami ang nagmahal sa kanya, nawala man ang kanyang kagandahan ay pinalitan naman iyon ng nag-uumapaw na pag-ibig mula sa kapwa.