Palimos ng Oras

“Baby naman, ngayon na nga lang tayo magkakapagsama ulit, tapos matutulog ka pa? Sana hindi na lang tayo nagkita kung ganyan.” wika ni Maja sa kanyang nobyo.

“Sana nga hindi na lang tayo nagkita! Alam mo namang ngayon lang ang rest day ko sa trabaho tapos nagpupumilit ka pang pumunta dito sa amin tapos ngayon magrereklamo ka dyan.” galit na ika ni Andy sabay talukbong ng kumot, maluha-luha naman ang dalaga kaya umalis na lang siya at hinayaang matulog ang binata.

Dalawang taon na ang relasyon ng dalawa. Noong una katulad ng ibang magnobyo, todo suyo at bigay ng atensyon ang binata kaya naman labis na lamang nahulog ang dalaga. Kada uwian galing eskwela, makikita niya agad itong nakaabang sa gate, umulan man o umaraw, andon ang kanyang magiting na nobyo.

Ngunit tila nag-iba ang ihip ng hangin noong nagkatrabaho na ang binata. Naging mainitin ang ulo nito sa dalaga dahilan para lagi silang mag-away.

“Naku friend ha, ibang-iba na yang si Andy. Hindi naman ganyan yan diba? Kung ako sayo, magpa-miss ka. Lagi ka kasing andyan para kulitin siya na pansinin ka niya.” ika ni Lala– matalik na kaibigan ng dalaga, habang tulala ang kaibigan.

“Busy daw kasi siya sa trabaho e.” mahinang sambit nito, “Pero sandali, mukhang maganda yang naisip mo ha? Baka kung sakaling maramdaman niyang nawawalan na ako ng pake sa kanya, manumbalik ang dating nobyo ko! Grabe the best ka talaga!”

Ginawa nga ni Maja ang payo ng kaibigan. Hindi niya kinukulit ang nobyo niya, hindi niya rin pinupuntahan sa trabaho o sa bahay katulad dati, hindi niya na rin tinatadtaran ng message. Sa loob ng dalawang linggong pagpapa-miss niya, ni walang isang senyales na umepekto ang plano ng kaibigan niya, kaya naman isang araw napagdesisyunan niya nang puntahan ulit ito sa trabaho.

Laking gulat niya nang makita ang nobyo na may kahawak kamay sa karinderyang lagi nilang kinakainan noon na matatagpuan lamang sa gilid ng opisina nito. Nabitawan niya sa gigil ang dala-dalang pananghalian sana ng binata.

Advertisement

“Halika dito malansang ahas ka!” sambit ni Maja saka hinila ang buhok ng babae dahilan para maagaw niya ang atensyon ni Andy.

Dumami ang taong nanonood kung paano halos hubaran na ni Maja ang babae dahil sa galit niya. Todo awat naman ang binata hanggang sa tinulak na siya nito palayo at doon pinaka natauhan ang dalaga.

“Pwede ba Maja? Hindi ka ba talaga nahihiya sa mga ginagawa mo? Nagmumukha ka ng tanga sa harap ng maraming tao!” sigaw ni Andy.

“Hinayaan mo akong magmukhang tanga Andy! Ano pa bang gusto mo? Hindi pa ba ako sapat? Kaya nagawa mo pang magpalingkis sa kutis ulikbang ahas na yan?” sagot naman ni Maja, hindi niya alintana ang dami ng taong nanonood sa eksenang nagawa niya.

“Pwede ba umalis kana? Hindi mo pa ba ramdam Maja? HINDI NA KITA MAHAL!” bigay diing ika ng binata. “Kung ayaw mong umalis, kami ang aalis. Nakakahiya ka!” dagdag pa nito habang yakap-yakap ang bago niyang babae saka umalis, naiwan namang nakabarandal sa pader ang dalaga, umiiyak sa sakit ng mga salitang binitawan ng binata, habang pinagmamasdan ang mga mapanghusgang taong todo tingin sa kanya.

Nabalitaan naman ito ng kanyang kaibigan kaya agad itong humangos doon. Nakita niya si Maja na nakaupo na sa isa sa mga lamesa doon habang nag-aayos ng mukha. Wala na ring ganoong tao, pinaalis na ito ng may-ari. Agad niya itong niyakap, bakas sa mukha nito ang sakit na nararamdaman.

“Friend, salamat sa plano mo. Ngayon natauhan na ako. Kabaliktaran man ng inaasahan nating resulta ang nangyari, atleast ngayon alam ko nang wala na ako para sa kanya.” nakatungong ika ni Maja.

“Sa totoo lang friend, naisip ko ng mangyayari ito dahil sa plano natin e. Kasi sobrang nag-iba ang nobyo mo. Halatang may tinatago na sayo. Halatang hindi na totoo yung pagmamahal niya sayo. Dahil kung mahal ka talaga niya, ibabakante niya ang oras niya para makausap ka hindi yung sa bakanteng oras ka lang niya kakausapin. Magkaibang-magkaiba yon.” ika naman ni Lala dahilan para maiyak muli ang kaibigan. “Sige lang, iiyak mo lang yan. Andito ako para sayo.” dagdag nito sabay yakap ng mahigpit sa kaibigan.

Advertisement

Simula noong araw na yun, tuluyan nang dumistansya si Maja sa lalaking iyon. Nagsimula siya muli, at ginawang inspirasyon ang sakit ng kahapon.

Tunay nga namang kapag tumabang na ang timpla ng pag-ibig, mahirap na itong pa-tamisin, lalo na’t wala ang isa sa mga pinakamahalagang sangkap—ang oras at atensyon.