Inday Trending

Inday Trending

Kinaiinisan ng Babae ang mga Batang Namamalimos at Kumakanta sa Jeep, Nang Sundan Niya ang Isa sa mga Ito ay Nakunsensiya Siya at Nahabag

Kinaiinisan ng Babae ang mga Batang Namamalimos at Kumakanta sa Jeep, Nang Sundan Niya ang Isa sa mga Ito ay Nakunsensiya Siya at Nahabag
HeartbreakingInspiringStories

“Mangarap ka, abutin lahat ng gusto. Kahit na mahirap ay kakayanin ko!” awit ng mga batang palaboy habang nanghihingi ng limos. Ito rin ang paulit-ulit na naririnig ni Ceejay sa tuwing sasakay siya sa jeep.

“Narito na naman ang mga buwiset na batang ‘to!” inis niyang sabi.

Sumakay na naman kasi ang mga batang gusgusin na may hawak na tambol na pinatutugtog at mga sobre na iniaabot naman sa mga pasahero para manghingi ng kaunting barya.

Kapag inaabutan siya ng sobre ng mga bata ay nagtutulug-tulugan siya o di kaya ay hindi niya tinatanggap. Naiinis siya sa ginagawa ng mga ito dahil minsan nang magbigay siya ay napasama pa.

Hindi niya makakalimutan nang magbigay siya ng barya sa isang batang namamalimos sa jeep, nagalit pa ang bata sa ibinigay niyang barya at sinabing bakit iyon lang ang ibinigay niya. Tapos ay bumaba ang bata sa jeep at nag-f*ck you sign sa kanya. Mula noon ay kinabubuwisitan na niya ang mga namamalimos na bata.

Matapos manghingi ng limos ay agad nang nagsibaba ng sasakyan ang mga batang kalye. Nakita niyang napapailing na lang ang katabi niyang babae.

“Hay naku, araw-araw na lang ay ganyan ang ginagawa ng mga batang iyan! Hula ko ay miyembro iyan ng sindikato. Kawawa naman!” anito.

“Sindikato?” takang tanong niya sa sinabi ng babae.

“Tiyak na may mga nag-uutos sa mga batang iyan na manlimos, tapos ang mga perang pinaglimusan ay ibibigay sa kanila. Grupo iyon ng mga tao na ginagamit ang mga bata para magkapera at para sa pansariling interes,” wika ng babaeng pasahero.

“Ganoon po pala iyon?!” aniya.

“Oo, kaya hindi ako nagbibigay ng pera, e! Kasi alam kong hindi naman sa mga batang iyan mapupunta ang pera kundi sa sindikatong may hawak sa kanila.”

Napag-isip ni Ceejay na tama ang babae na huwag nang limusan ang mga batang gusgusin dahil ginagamit lang ang mga ito ng mga taong may pansariling hangarin.

Isang araw ay sumakay ulit siya sa jeep pauwi ng bahay. Ilang minuto pa lang ang nakakalipas ay may mga grupo na naman ng mga batang lalaki na sumakay sa jeep at kumakanta-kanta.

“Mangarap ka, abutin lahat ng gusto. Kahit na mahirap ay kakayanin ko!” awit ng mga bata.

“Dyusko, heto na naman po sila!” wika ni Ceejay.

Namigay na naman ng mga sobre ang dalawang bata at ang isa naman ay tumutugtog ng dalang tambol habang kinakanta ang kanilang anthem.

“Ate, pangkain lang po,” sabi ng isang batang lalaki.

“Nagpanggap siyang tulog at hindi naririnig ang sabi ng bata.

“Ate, ate, kahit magkano lang po, pangkain lang po!” patuloy na pangungulit ng bata sabay kalabit sa kanya.

Nagmatigas talaga si Ceejay at hindi pinakinggan ang hiling ng bata. Hanggang namalayan na lang niya na nagsibaba na sa jeep ang mga ito.

“Ang kukulit naman!” inis niyang sabi.

Nang sumunod na araw ay naroon na naman ang mga bata at nanghihingi na naman ng limos. Kahit anong pilit sa kanya ay hindi talaga siya nagbibigay kahit piso. Namukhaan pa niya ang isang bata na nangulit sa kanya nang nakaraang araw.

Nang bumaba sa jeep ang mga bata ay napansin niyang humiwalay sa mga ito ang isang bata at pumasok sa maliit na kalye. Bigla na lamang naisip ni Ceejay na sundan ang bata. Gusto niyang malaman kung totoo nga na may sindikato sa likod ng pamamalimos ng mga ito. Agad siyang bumaba sa jeep at sinundan ito.

Palihim niyang sinundan ang batang lalaki. Napansin niyang huminto ito at nilapitan ang isang babae na nakahiga sa gilid ng kalye.

“Inay, inay narito na po ako!” sabi ng bata.

Nagising ang babae at dahan-dahang iniangat ang katawan sa pagkakahiga.

“Bakit ngayon ka lang, anak?” wika ng babae.

Hinaplos ng bata ang leeg ng ina. “Inay, buti naman po at bumaba na ang lagnat niyo. May pambili na po ulit ako ng tabletas sa botika para makainom na po kayo ulit ng gamot,” anito.

“Naku, itong anak ko. Kumanta ka na naman sa jeep ‘no! Hayaan mo, kapag gumaling at bumalik ang lakas ng nanay ay makakapagtrabaho na ulit ako,” sabay yakap nang mahigpit sa anak.

Nahabag si Ceejay sa narinig niya sa mag-ina. Hindi niya inakala na namamalimos ang bata sa jeep at kumakanta-kanta pa para sa inang maysakit. Dahil nakunsensiya siya sa inisip sa bata ay nilapitan niya ang mga ito.

“Magandang hapon po, kilala ko po ang anak niyo. Palagi po siyang namamalimos at kumakanta sa jeep. Ang akala ko nga po ay miyembro siya ng sindikato, pero nagkamali po ako,” aniya.

“Ay naku, hindi! Oo palaboy kami pero hindi kami miyembro ng sindikato. Ako ay nangangalakal ng basura at ang anak ko ay nagtitinda ng basahan. Sumasama lang siya sa mga kaibigan niyang bata na namamalimos at kumakanta sa jeep para maibili ako ng gamot,” bunyag ng babae.

“Pasensya na po at hinusgahan ko ang inyong anak. Napakasuwerte niyo at nagkaroon kayo ng anak na gaya niya!” ani Ceejay.

Binigyan niya ng dalawang daan piso ang bata. Tulong na niya ito sa mag-ina.

“O, ibili mo ng pagkain para sa inyo ng nanay mo. Magpapakabait ka ha!”

“Salamat po, ate!” nakangiti nitong sabi.

Napagtanto ni Ceejay na hindi pala lahat ng batang kalye ay miyembro ng sindikato. Mayroon ding mga bata na ginagawa iyon para mabuhay at para sa magandang dahilan. Mula noon ay hindi na niya nakita ang batang lalaki na sumasakay sa jeep at namamalimos. Sa isip niya ay tumigil na ito sa ginagawa at tinulungan na ulit ang ina sa paghahanapbuhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

More Stories