Namamalimos ng Pagmamahal ang Lalaki sa Kaniyang Ina, Bunga Pala Siya ng Isang Kasalanan

Ang tanging nais lamang ni Rain ay matuwa at ipagmalaki siya ng kaniyang ina ngunit mukhang imposibleng mangyari ito. Simula noong bata pa siya ay malamig na ang pakikitungo sa kaniya ng ina.

Ni wala siyang natatandaan na niyakap o hinalikan man lang siya nito sa pisngi. Hangga’t maaari ay iniiwasan siya nito na tila ba masakit sa kaniyang paningin ang makita ang sarili niyang anak.

“Ano naman ang mapapala ko diyan sa kard na ginawa mo? Dagdag basura lang iyan sa pamamahay ko!”

Tandang-tanda pa ni Rain nang ginawan niya ng kard ang kaniyang ina noong kaarawan nito. Anim na taong gulang pa lamang siya noong mga panahong iyon. Ang sabi ng titser niya ay natutuwa ang mga magulang tuwing nakakatanggap sila ng kard na gawa mismo ng anak nila.

Noong araw din na iyon ay nagpatulong siya sa yaya niyang si Shelby na gumawa ng kard para sa nalalapit na kaarawan ng kaniyang ina. Ang lahat ng oras na ginugol niya sa paggawa ng kard ay nasayang lang dahil tinapon lang ito ng ina sa basurahan.

“Pagpasensyahan mo na ang mommy mo. Palagi siyang pagod sa trabaho kaya palaging mainit ang ulo. Iwasan mo na lang makagawa ng mga bagay na ikakagalit niya,” pagpapagaan ng loob ng kaniyang ama nang madatnan siya nitong umiiyak habang inuunat ang kard na ginawa niya matapos niya itong pulutin mula sa basurahan.

“Wala naman po akong ginagawang masama, eh. Binigyan ko lang naman po siya ng kard dahil kaarawan niya. Bakit po ayaw sa’kin ni mommy? Mabait na bata naman po ako. Sinusunod ko naman po lahat ng tinuturo niyo at ni Yaya Shelby. Hindi po ba niya ko mahal?” Niyakap si Rain ng mahigpit ng kaniyang ama.

“Huwag ka nang malungkot. Ang importante ay mahal kita. At sigurado akong mahal ka rin ng mommy mo,” lalong lumakas ang pag-iyak ni Rain kaya hindi niya narinig ang binulong ng ama.

Advertisement

“Sana balang araw ay matutunan ka rin niyang mahalin.”

Ang pagmamahal na hinahanap ni Rain sa kaniyang ina ay pinunan ng kaniyang Yaya Shelby. Ito ang palaging nagpapatawa sa kaniya tuwing nalulungkot siya. Ang nagtatanggol sa kaniya ‘pag inaaway siya ng mga kaklase niya. Ang kasama niyang nagdidiwang ng mga mahahalagang okasyon at mga magagandang pangyayari sa kaniyang buhay.

“Maligayang kaarawan, Rain. Niluto ko lahat ng mga paborito mong pagkain. Mayroon din akong regalo. Sana magustuhan mo,” masayang bati ni Shelby kay Rain.

Tulad ng dati ay wala ang nanay ni Rain para ipagdiwang ang kaniyang kaarawan. Tuwing sumasapit ang araw na ito ay nagbabakasyon ito sa ibang lugar. Hindi rin nakarating ang tatay niya dahil hindi pa tapos ang inaasikaso nitong trabaho sa probinsya kaya si Shelby lang ang kasama niyang magdiwang ng kaniyang kaarawan.

Nagbago ang pagtingin ni Rain sa kaniyang Yaya Shelby noong pumanaw ang kaniyang ama.

Ilang araw matapos mailibing ang ama ni Rain ay narinig niya ang mga hiyaw ng kaniyang ina mula sa kwarto nito. Nag-alala siya na baka kung ano na ang nangyari dito kaya agad niya itong pinuntahan. Mabubuksan na sana niya ng tuluyan ang pintuan nang marinig niya ang mga katagang lumabas mula dito.

“Tiniis ko ang lahat ng sakit na binigay mo! Pinatawad kita sa pangangaliwa mo! Pinatuloy ko ang kabit mong si Shelby sa pamamahay ko dahil iyon ang kahilingan mo! Kulang pa ba ang lahat ng ginawa ko? Bakit iniwan mo pa rin ako?” Patuloy sa paghagulgol ang nanay ni Rain habang tinitignan ang litrato ng kaniyang asawa.

Simula noon ay nagbago na ang pakikitungo ni Rain kay Shelby. Palagi niya na itong sinasagot ng pabalang tuwing pinagsasabihan siya nito. Palagi din siyang nag-iiwan ng kalat para mahirapan ito sa paglilinis. Lahat ng pagkakamali ni Shelby, gaano man kaliit, ay sigaw at pagdadabog ang natatanggap niya kay Rain.

Advertisement

Naniniwala si Rain na ang pagiging malapit niya sa yaya niya ang dahilan kung bakit malayo ang loob sa kaniya ng kaniyang ina. At umaasa siya na sa ginagawa niyang pagpapahirap dito ay maiibsan man lang kahit papaano ang sakit na nadarama ng kaniyang ina. Hinihiling niyang sana ay magbago na rin ang pakikitungo nito sa kaniya.

Matapos ang ilang taong pagsusunog ng kilay ay nagbunga rin ang lahat ng paghihirap ni Rain. Nabilang siya sa listahan ng tatlong pinakamahuhusay na estudyante ng kanilang unibersidad. Sabik na siyang ipamahagi ang magandang balita sa nanay niya.

“Mommy, gagradweyt na po ako sa kolehiyo at Magna Cum Laude po ako. Sasabitan po ako ng medalya sa araw ng pagtatapos. Sana po makapunta kayo at kayo ang magsabit ng medalya sa leeg ko.”

Ang lahat ng mga sinabi ni Rain sa kaniyang ina ay lumabas lang sa kabilang tenga nito. Hanggang ngayon ay malamig pa rin ang pakikitungo sa kaniya ng ina kahit na iba na ang pakikitungo niya sa Yaya Shelby niya simula noong nalaman niyang kabit pala ito ng tatay niya.

“Anong ginawa mo sa damit ko? Puti ito dati ba’t naging pink? Paano ko pa maisusuot iyan bukas?” umuusok ang ilong ni Rain sa sobrang galit.

“Pasensya na. Babayaran ko na lang pag natanggap ko na ang suweldo ko,” paghingi ng paumanhin ni Shelby.

“Iyan ang huling regalong natanggap ko mula kay Daddy bago siya pumanaw! Kulang pa ang isang buwang suweldo mo para bayaran ‘yan! Wala ngang katumbas na halaga ‘yan kahit buhay mo ang ibayad mo!”

Pabalang na binato ni Rain ang kaniyang damit sa pagmumukha ni Shelby na di man lang inaalintana na baka masaktan niya ito dahil nakakabit pa sa hanger ang binato niyang damit. Ngunit di niya inaasahang iiwas ang kaniyang yaya at ang matatamaan ay ang mamahaling plorera ng kaniyang ina.

Advertisement

“Sino ang nakabasag ng vase ko? Sagot! Sumagot kayo kung hindi ay pareho kayong malilintikan sa akin!”

Bago pa makapagsalita si Rain ay inako na ni Shelby ang pagkakabasag sa plorera.

“Kahit kailan talaga puro problema ang binibigay mo sa akin! Wala na ang asawa ko ngayon kaya wala nang dahilan para manatili ka pa sa pamamahay ko! Lumayas ka sa bahay ko!”

Sinabunutan ng nanay ni Rain si Shelby at kinaladkad niya ito palabas ng bahay bago sinaraduhan ng gate.

Kahit awang-awang si Rain sa kaniyang yaya ay hindi niya ito tinulungan. Kahit na ito ang umako ng kaniyang kasalanan ay hindi pa rin mabubura ang katotohanan na naging kabit ito ng kaniyang ama.

Kinabukasan ay inabangan ni Rain sa salas ang kaniyang ina para ipaalala na mamayang hapon na gaganapin ang graduation ceremony ng kanilang unibersidad pero bago pa niya maibuka ang kaniyang bibig ay naunahan na siya nitong magsalita.

“Anong ginagawa mo dito? Bakit nandito ka pa sa pamamahay ko? Wala kang mapapala sa ’kin! Dapat sumama ka na lang sa nanay mong higad! Hindi ko kayo kailangan sa pamamahay ko!”

Minaltrato ni Raine ang Yaya Shelby niya dahil naging kabit ito ng tatay niya gayong ito pala ang tunay niyang ina. Hindi na nakapagtataka na malamig ang pakikitungo ng tunay na asawa ng kaniyang ama sa kaniya.

Advertisement

Siya ang naging bunga ng pagtataksil ng mga ito.

Ang araw na iyon ang pinakamalungkot na araw para kay Rain. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Pinalayas na siya sa bahay na kaniyang kinalakihan.

Higit sa lahat ay sinaktan niya ang taong lubos na nagmamahal sa kaniya, ang Yaya Shelby niya, ang tunay niyang ina. Dapat ay nagdidiwang siya ngayon dahil araw ng kaniyang pagtatapos. Pero ang puso niya ay nababalot ng matinding kalungkutan.

Mabigat ang hakbang ng mga paa ni Rain habang umaakyat siya sa entablado. Inaalala niya ang mga panahong maayos pa ang relasyon nila ng tunay niyang ina. Tuluy-tuloy ang pagtulo ng kaniyang mga luha habang naglalakad siya papalapit sa taong magsasabit sa kaniya ng medalya. Sa sobrang labo ng kaniyang mga mata ay hindi niya makita ng mabuti kung sino ang nasa kaniyang harapan.

“Congrats, Rain. Proud na proud ako sa’yo, anak,” masayang bati ni Shelby matapos niyang isabit ang medalya sa leeg ng kaniyang anak.

Matapos ang seremonya ay walang tigil ang paghingi ng tawad ni Rain kay Shelby dahil sa kaniyang mga nagawa ngunit tanging mahigpit na yakap lang ang mga tugon nito sa kaniya. Ang akala ni Rain ay wala na siyang ibang mapupuntahan, na mabubuhay siyang puno ng kalungkutan. Pero tulad ng dati ay sinalo na naman siya ng kaniyang ina.

At sigurado siyang simula sa araw na iyon ay wala nang luhang papatak mula sa kaniyang mata sa pamamalimos niya ng kahit kaunting pagmamahal ng isang ina dahil kapiling na niya ang tunay niyang ina na handang ibigay ang buong puso nito sa kaniya.

Natupad ang hangarin ni Rain na matuwa at ipagmalaki siya ng kaniyang ina. Napagtanto niyang matagal na pala siyang ipinagmamalaki, minamahal at pinoprotektahan ng ina sa katauhan ng isang yaya.