Kaarawan na ng Bata Ngunit Wala Pa ang Suweldo ng Kaniyang Papa; Buti na lang may Pancake si Mama!

Kaarawan na ng Bata Ngunit Wala Pa ang Suweldo ng Kaniyang Papa; Buti na lang may Pancake si Mama!

FamilyLoveStories

“Pangga, kamusta na kayo diyan? Mayroon pa ba kayong pera para sa mga gastusin sa bahay at sa pag-aaral ni Ella?” tanong ni Roy sa kaniyang asawa.

“Ayos lang kami dito ng anak mo. Kahit paano ay may naitabi naman kami sa mga ipinadala mo noon kaya nakapagbayad kami kahapon sa mga bayarin sa bahay at pati sa mga pinagkakautangan natin. Kaya pa naman namin dito dahil nakakatulong din sa mga gastusin ‘yung pagtitinda ko ng mga pagkain sa lugar natin. Ikaw ba Pangga, kamusta ka na diyan? Nakakakain ka ba ng maayos sa sitwasyon niyo diyan ngayon?” ang sabi ni Lena sa kaniyang asawa.

“Nakakaraos naman kahit paano. Nagtutulong-tulungan na lang kaming mga Pilipino rito sa Saudi habang inaayos pa ng kumpanya ‘yung mga nagkaproblemang sahod namin nung nakaraang buwan. Siguro sa susunod na dalawang linggo raw ay maibibigay na ‘yun samin. Kaya lang hindi na aabot sa kaarawan ni Ella,” malungkot na pahayag ni Roy.

“Huwag mo nang intindihin ‘yun, Pangga. Ako na ang bahalang magpaliwanag sa anak natin,” ang sabi ni Lena.

Matapos ang pag-uusap ng mag-asawa ay pinag-isipan na ni Lena kung paano maipagdiriwang ang kaarawan ng anak nang hindi na kailangan maglabas pa ng panibagong perang ipanggagasta. Nais niyang ilaan na lamang ang natitirang pera nila sa mga gastusin sa susunod na mga linggo sakaling hindi pa maayos ang problema sa sahod ng asawa sa ibang bansa. Kaya naman tiningnan niya ang mga natira sa pinamili nila nung nakaraang Linggo. Mula doon ay nakaisip siya ng puwede niyang ihanda para maipagdiwang ang kaarawan ng anak.

Pag sapit ng kaarawan ni Ella ay sinorpresa ni Lena ang kaniyang anak. Ginising niya ito ng maganda niyang boses sa pag-awit nito ng Happy Birthday

Biglang napabangon sa pagkakahiga si Ella. Namangha siya sa kaniyang nakita at napangiti sa galak.

“Wow Mama! May birthday cake pa rin po pala ako ngayon. Maraming salamat po!” nasurpresang sinabi ni Ella.

“Siyempre naman, anak! Kaya lang pasensiya ka na kung pancake lang ‘yung cake mo ngayon birthday mo. Alam mo namang may problema tayo sa delayed na sahod ni Papa ‘di ba?” paliwanag ni Lena sa kaniyang anak.

“Opo. Okay lang naman po, Mama. Naiintindihan ko po. Akala ko nga po walang kahit na anong handa ngayon eh,” ang sabi ni Ella.

“Maraming salamat anak at naiintindihan mo ‘yung sitwasyon natin ngayon. Tara na! Kainin na natin ‘to pang agahan,” wika ni Lena.

Masayang nagdiwang ang mag-ina. Abot tainga ang ngiti ni Ella habang pinagsasaluhan nilang mag-ina ang hinanda nitong pancake at nagkukuwentuhan.

Maya-maya ay narinig ng mag-ina na tumunog ang selpon ni Lena. Nakita nilang si Roy ang tumatawag kaya naman agad nila itong sinagot ng naka-loudspeaker.

“Hello po, Papa! Kamusta na po kayo diyan?” bungad ni Ella.

“Okay lang ang Papa, anak. Tumawag ang Papa para mabati ka sa kaarawan mo ngayon. Happy birthday, anak! Pasensiya ka na at wala akong napadalang pera para sa handa mo sa birthday mo,” ang sabi ni Roy.

“Ano pong walang handa? Ipinagluto po ako ni Mama ng cake gawa sa pancakes! Nilagyan niya pa po ng mga kandila mula doon sa mga naitabing kandila dito sa bahay noon kaya ang saya-saya ko po ngayon! Eto nga po at kinakain na namin ‘yung pancake bilang agahan,” masayang pagkakasabi ni Ella sa kaniyang ama.

Napangiti sa kabilang linya si Roy.

“Ang galing talagang gumawa ng paraan ng Mama mo,” ang sabi ni Roy kay Ella.

“Salamat Pangga at nagawan mo ng paraan ang kaarawan ng anak natin ngayon,” ang sabi naman ni Roy sa kaniyang asawa.

“Huwag kayong mag-alala. Babawi ako pagkakuhang pagkakuha ko ng sahod ko rito. Bumili kayo ng kahit na anong gusto niyo diyan pagkapadala ko ng pera. Ipagdiwang niyo uli ang kaarawan ni Ella. Bumili rin kayo ng cake at mga paborito niyong pagkain bilang handa,” pahayag pa ni Roy.

“Huwag na po, Papa. Okay na po sa akin ang inihandang pancake ni Mama at ngayong magkakausap-usap po tayo na para bang magkakasama sama tayong pamilya. Idagdag na lang po natin ‘yung ipapadala niyo para sa iba pang mga pangangailangan natin dito sa bahay o ‘di kaya’y idagdag po natin sa ating ipon upang mas mabilis na po kayong makauwi rito sa Pilipinas at muli tayong makapagsama-sama,” ang sabi ni Ella.

Ikinatuwa ng mag-asawa ang kanilang narinig mula sa kanilang anak. Nagpasalamat ang dalawa sa lawak ng pang-unawa ni Ella at ipinangakong pag-iigihan nila ang mabilis na pag-iipon upang muli na silang magkasama-samang mag-anak.

Makalipas ang ilang taon ay nabayaran na ng mag-asawa ang lahat ng kanilang pinagkakautangan. Sila ay nakapagpatayo na ng sarili nilang bahay at nagkaroon na rin sila ng maliit na negosyo. Nakapag-ipon na rin sila ng sapat na salapi para sa kanilang kinabukasan kaya naman tuluyan nang nakauwi si Roy at nagkasama-sama na silang mag-anak sa Pilipinas.

More Stories