Kahit May Anak na ay Pangarap Pa Ring Makasal ng Babae, Ngunit Hindi Niya Inaasahan Ang Gagawin ng Nobyo sa Kanyang Anak

Palaging pinagtitinginan ang mag-inang si Tanya at Mica. Masyado pa kasing bata ang itsura ni Tanya para magkaroon ng anak kaya’t palagi silang napagkakamalang magkapatid.

17 anyos pa lang si Tanya noon nang ipinagbuntis niya si Mica. Sa kasamaang palad, hindi nagpakalalaki ang tatay ni Mica at iniwan silang mag-ina. Hanggang ngayon ay wala na silang balita sa ama ng bata. Gayunpaman, naging mabuting ina pa rin si Tanya para sa kanyang anak. Habang siya’y pinag-aaral pa rin ng kanyang mga magulang, ay nagtatrabaho siya bilang call center agent sa gabi, para matugunan ang mga pangangailangan ng kanyang anak.

Kung minsan nga lang ay nalulungkot siya para sa kanyang anak dahil nakikita niyang naiiyak ito tuwing nakakakita ng ibang bata na karga o kalaro ng kanilang tatay. Ngayon na anim na taong gulang na si Mica, paminsan-minsan ay hindi na maiwasan na hanapin niya ang kanyang tatay.

Naiisip ni Tanya minsan na pumayag nang magpaligaw ngunit tuwing naiisip niya rin ang posibilidad na masaktan muli ay napapangunahan na siya ng takot.

“Pag may nakilala ako na mahal ako at mahal rin ako, syempre kailangan niyang tanggapin ang anak ko. Paano pag sa una lang naging maayos? Hindi lamang ako ang masasaktan, kundi pati ang anak ko dahil aasa lang kami parehas sa isang buo na pamilya,” yan ang palaging naiisip ni Tanya.

Ipinagpasa-Diyos na lamang ni Tanya ang lahat.

Mula nang maging bukas na ang puso niya sa mga manliligaw, dahil sa kanyang kagandahan ay may iilan agad na nagsubok. Ngunit iilan lang din ang tatagal tuwing malalaman na siya’y may anak na pala.

Ngunit isang araw, nang makilala niya si Alex, nag-iba ang lahat. Nagsimula sila bilang magkaopisina at naging magkaibigan.

Advertisement

Palaging sabay ng oras ng pasok at ng uwian ang dalawa, kaya naman palagi rin silang nagkakasama.

Hanggang sa dumating ang araw na umamin si Alex na gustong-gusto niya si Tanya at ipinahayag na nais niyang manligaw. Pumayag naman ang babae.

Hindi na rin naman din maitatago na nagkakagusto rin si Tanya sa binata ngunit talagang pinipigilan pa rin niya ang kanyang sarili kung minsan, tuwing naaalala niyang baka siya’y masaktan at iwan na namang muli.

Ngunit habang lumilipas ang araw, mas napapatunayan ni Alex na mahal niya si Tanya at tanggap niya ito maging ang kanyang anak.

Napapansin rin ni Tanya na nagiging mas malapit si Alex at ang kanyang anak. Kaya naman, sinagot na rin ni Tanya ang binata at sila’y naging mag-nobyo.

Walang nagbago kay Alex, sa katunayan, mas nagiging malalim pa ang kanilang relasyon sa araw-araw na lumilipas.

Mas madalas pa nga ang paglabas ni Alex at Mica kaysa sa mga date ni Alex at Tanya.

“Tito Alex! Punta po ulit tayo dun sa palaruan pagkatapos ko mag school ha?!” sigaw ni Mica.

Advertisement

“Aba oo naman, basta galingan mo sa pag-aaral ha?” sagot naman ni Alex.

“Eh, ako kailan mo naman ako ide-date?” natatawang tanong ni Tanya.

“Naku, pasensya na babe ha, may schedule na kasi kami ni Mica. Pero pwede ka namang sumama na lang sa ‘min,” tumatawang sagot ng binata.

Dalawang taon ang lumipas at alam na ni Alex na handa na niyang pakasalan si Tanya. Isang gabi ay niyaya niya ang mag-ina na kumain sa isang magandang restawran.

Pinakiusapan niya ang dalawa na magbihis ng maganda. Dinahilan niya na lang na maganda kasi ang kanilang pupuntahan.

Dinala niya si Tanya at Mica sa isang mala-hardin na lugar na pinareserba niya para sa kanilang tatlo. Isang grupo ng musikero din ang kasama nila ng mga oras na iyon, na hinaharana sila habang sila’y kumakain.

Habang sila’y nasa kalagitnaan ng pagkukwentuhan, lumapit si Alex sa kanyang nobya…

“Tanya.. mahal kita at lalo pa kitang mamahalin sa mga darating na araw,” hinawakan niya ang kamay ni Tanya at lumuhod… “Sana pumayag kang magpakasal sa akin… Pero bago ka sumagot..” at siya’y humarap kay Mica.

Advertisement

“Mica. Mahal na mahal ko ang nanay mo, at mahal din kita. Sana payagan mo akong makasama ko kayo parehas habang buhay, bilang isang pamilya…” ani Alex, at nilabas niya ang isang maliit na singsing na kasya sa daliri ni Mica. “Itong singsing na ito ang tanda ng pangako kong magiging mabuti akong tatay sa’yo, kung hahayaan mo ako…” dagdag ng binata.

Umiyak muna ng sobra sobra ang bata, bago tanunging, “Ibig sabihin po ba, hindi na Tito Alex ang tawag ko sa iyo, kundi daddy alex na?”

“Oo naman, Mica,” nakangiting sagot ni Alex.

Hindi na rin naiwasan ni Tanya ang humagulgol sa ginawa ni Alex para sa kanyang anak. Biglang nagsalitang muli si Mica, “Daddy Alex, pumapayag ako na magpakasal kayo ni mama,” at niyakap niya ito ng mahigpit.

Humarap muli si Alex sa kanyang nobya, at ngumiti nang makitang punong-puno ng luha ang mga mata niya.

“Tanya, pumayag na si Mica. Alam kong mahalaga sa iyo ang anak mo at gusto kong malaman mong mahal ko si Mica bilang tunay kong anak. Sana hayaan mo akong maging tatay sa kanya at sana ay pumayag kang maging asaw-“ naputol ang kanyang pagsasalita nang biglang sumingit si Tanya.

“Oo, Alex. Oo. Pumapayag ako,” aniya.

Halos mapunit ang mukha ni Alex sa sobrang saya niya sa pagpayag ni Tanya. Labis ang kasiyahan nilang tatlo kaya’t halos hindi na sila magbitaw noong sila’y nagyakapan.

Advertisement

Isang taon matapos ang kanilang kasal ay buntis na si Tanya kasalukuyan sa anak niya kay Alex. Sobrang saya ng pamilya dahil ilang linggo na lang ay manganganak na siya.

Pero ang pinakasabik ay si Mica – dahil sa wakas, malapit niya nang makita ang kanyang nakababatang kapatid na babae. Grace ang ipapangalan nila sa sanggol.