Nagkasira ang Matalik na Magkaibigan Nang Dahil sa Babae; Babae Rin pala ang Makakapag-ayos sa Kanila

Nagkasira ang Matalik na Magkaibigan Nang Dahil sa Babae; Babae Rin pala ang Makakapag-ayos sa Kanila

LoveStories

Sina Richard at Dave ay magkababata at matalik na magkaibigan noon. Ngunit dahil sa isang babae na naging first love nila ay nagkasira silang dalawa. Mula noon ay parati na silang naging magkakumpentensiya sa kahit na anong larangan. Sila ay parating nangunguna pagdating sa sports at sa academiya. Bukod sa pagiging matalino at mahusay sa halos lahat ng larangan ay matipuno pa ang dalawang binata kaya naman sikat sila at pinagkakaguluhan ng mga kababaihan sa kanilang Unibersidad hanggang sa isang araw ay may bagong babaeng transfer student na pumasok sa kanilang klase.

Ang bagong estudyanteng ‘to na nagngangalang Melissa ay hindi man lamang nasilaw sa dalawang sikat na binata. Normal lang na mga kaklase ang naging pakikitungo niya sa dalawa na hindi nila nakagawian. Sanay sila na espesyal ang pagtrato sa kanila ng mga kababaihan kaya naman sila ay nagtaka. Nang dahil dito ay nakuha ng dalaga ang atensiyon ng dalawang binata kaya parati nila siyang sinusundan ng tingin sa Unibersidad at inoobserbahan.

‘Di nagtagal ay mas nakilala nila Richard at Dave ang dalaga. Nakilala nila si Melissa bilang isang mabait at simpleng dalaga na nais lamang makapagtapos nang maayos upang makatulong sa kaniyang mga magulang. Dahil dito ay nagkagusto si Richard at sinimulang lapitan ang dalaga upang ligawan.

Isang maulang gabi ay sinalubong ni Richard si Melissa sa building ng huling klase niya na may dalang payong. Ikinagulat ito ng dalaga lalo na nang ayain siya nito na sabayan sa pag-uwi. Nung una ay tumanggi siya ngunit nakumbinsi siya ng binata sapagkat wala rin naman siyang dalang payong at nagmamadali na rin siyang makauwi.

Mula noon ay parating nang inaabangan ni Richard ang dalaga sa Unibersidad. Sa tuwing magkakasabay sila na walang klase ay sumasama siya rito at sa tuwing mas maaga ang tapos ng kaniyang klase ay inaantay niya ang dalaga upang maihatid ito sa bahay.

Nang mabalitaan ito ni Dave ay bigla niyang binalak na pormahan ang dalaga upang makapaghiganti kay Richard sa nangyari sa kanila nung High school at umibig sila sa iisang babae na tinuring nilang first love nila. 

“Hi Melissa! Wala pa kasi akong ka-grupo sa research natin. Baka puwede akong sumali sa grupo niyo ni Richard?” tanong ni Dave.

Malugod na tinanggap ni Melissa si Dave sa kanilang grupo habang si Richard naman ay nagtataka sapagkat alam niyang ayaw siyang makasalamuha ng dating kaibigan matapos nilang magkaaway noon. 

Ilang sandali pagkatalikod ng dalaga upang pumunta sa susunod na klase ay lumapit si Dave kay Richard.

“May the best man win,” ang sabi ni Dave na naghahamon pagkatapos ngumiti nang nakakaloko.

Nanlaki ang mga mata ni Richard at napatingin sa dating kaibigan na muling napangisi pagkakita sa kaniyang reaksyon.

Mula noon ay pinormahan ni Dave si Melissa. Ipinakita niya ang kaniyang interes dito. Gumawa siya ng mga paraan upang pa-simpleng pakiligin ang dalaga at upang maunahan si Richard.

Isang araw habang magkasama sina Richard at Melissa ay nakangiting lumapit si Dave sa dalaga. Hinawi niya si Richard at inabot ang bouquet ng pulang rosas sa dalaga. Ipinaalam niya sa dalaga ang kaniyang saloobin ngunit siya ay tinanggihan nito. Ipinaalam ng dalaga na wala sa prayoridad niya ang pakikipagrelasyon sa ngayon. 

“Salamat Dave,” ang sabi ni Melissa bago lumingon kay Richard at muling nagsalita: “At sa’yo rin Richard.” 

“Na-aappreciate ko ang lahat ng ginagawa niyo. Kaya lang mas importante sakin na makapagtapos at makatulong muna sa mga magulang ko. Magiging komplikado kasi kung isasabay ko pa ang pakikipagrelasyon sa ngayon. Besides, nalaman ko ‘yung nangyari sa inyong dalawa noon. Baka kailangan niyo rin munang ayusin ‘yung naging issue niyo. Ayokong maging parte ng kompetisyon niyo sa isa’t-isa,” pahayag ni Melissa bago iwan ang dalawa.

Hindi nakapagsalita si Dave sapagkat aminado siyang kaya niya lang naman pinormahan si Melissa ay upang makipaghiganti. Habang si Richard naman ay sinundan ang dalaga at kinausap. Ipinaalam niya sa dalaga na totoo ang kaniyang nararamdaman para rito at hindi ito tungkol sa pakikipagkumpetensiya sa dating kaibigan. Pinasalamatan siya ng dalaga sa paglilinaw na ginawa niya ngunit iginiit pa rin ng dalaga na hindi pakikipagrelasyon ang kaniyang prayoridad. Bandang huli ay napagkasunduan nilang ipagpatuloy ang pagkakaibigan na meron sila.

Makalipas ang ilang taon ay nakapagtapos na ang tatlo at nagkaroon ng mga trabaho. Sila ay may kaniya-kaniya ng mga buhay ngunit patuloy pa rin sa pakikipag-ugnayan at panliligaw si Richard kay Melissa.

Isang araw sa pagpasok ni Melissa sa kaniyang trabaho ay inabutan siya ng pulang rosas ng kanilang guard. Nagtaka ang dalaga ngunit napangiti na lamang siya at nagpasalamat. Maya-maya ay muli siyang nabigyan ng pulang rosas mula sa kanilang janitor at mula sa mga katrabahong nadaanan niya hanggang sa siya ay makarating sa kaniyang lamesa at tuluyang nasorpresa. Naabutan niyang nakaupo si Richard sa kaniyang puwesto at may dala-dalang cake na may nakasaad na: “Will you be my girlfriend?”

Hindi nakapagsalita sa gulat si Melissa kaya naman nilapitan siya ni Richard at tinanong ng personal. ‘Di napigilang ngumiti sa kilig ng dalaga bago nito sagutin si Richard. 

Matapos nito ay agad siyang nilapitan ng katrabahong si Kath na nag-organisa ng lahat. Siya ay kaibigan ng dalaga at anak din ng kaniyang boss. Lumapit ito sa kaniya na may kahawak kamay na lalaki upang bumati.

Laking pagtataka ni Melissa nang mamukhaan na si Dave na dating kaibigan ni Richard ang lalaking kahawak kamay ng kaibigan.

“Dave? Anong ginagawa mo rito? Kath, anong ibig sabihin nito?” tanong ni Melissa habang nakitingin sa magkahawak nilang mga kamay.

Ngumiti lamang ang dalaga at hinayaang magsalita sina Richard at Dave. 

Ipinaalam nila Richard at Dave kay Melissa na ang kilala niyang Kath sa trabaho ay ang naging first love nila. Hindi nakapagsalita sa gulat ang dalaga.

“Hindi ba’t sabi mo ay ayusin namin ‘yung issue namin ni Dave? Naayos na namin. Pinag-usapan namin ‘yung gabing nagkasira kami,” ang sabi ni Richard.

Ikinuwento ni Dave ang nangyari nung gabing nagkasira silang tatlo. Ito ay nang nasaksihan niyang nakaakbay at halos nakayakap na si Richard sa kasintahan.

“Hiniwalayan ko agad si Kath nung gabing ‘yun thru text dahil nangibabaw ‘yung selos at galit sa puso ko. Itinuring ko ‘yun bilang pagtataksil nilang dalawa sa akin. Pero mali pala ko. Nagselos siya dahil sa pakikipagbiruan ko dun sa ka-close kong babae kaya naglasing siya. Nakita lang siyang nagsusuka ni Richard sa daan kaya inalalayan siya nito at tinulungan,” saad ni Dave.

“Mga bata at mapupusok pa kasi tayo noon kaya nagalit din ako kay Dave at di’ na siya pinansin,” wika ni Kath bago magkangitian ang dalawa.

“Tapos after so many years nakita ko si Kath sa labas ng building niyo kaya ipinaalam ko agad kay Dave dahil alam kong may feelings pa siya para kay Kath. Hindi na ko nagulat nang nabalitaan kong sila na ulit. Ang ikinagulat ko ay nang nalaman kong magkatrabaho pala kayo kaya humingi ako ng tulong para sa araw na ‘to,” ang sabi ni Richard kay Melissa.

Matapos nilang maisalaysay ang mga nangyari kay Melissa ay pinahintulutan sila ng ina ni Kath na lumiban sa araw na ‘yun upang magdiwang.

Mula noon ay naging matalik na magkakaibigan ang apat at double wedding ang ginawa nila makalipas ang dalawang taon.

More Stories