Nang Dahil sa Isang Pulseras ay Nasira ang Buhay ng Ginang na Ito; Talaga Nga Namang Laging Nasa Huli ang Pagsisisi

“Tonyo, huwag na lamang kaya akong pumunta ng reunion namin? Kita mo naman ang buhay natin… Magugulat ang mga kaklase ko dahil naghirap ako ng husto samantalang noong araw ay kabi-kabilang negosyo ang pagmamay-ari nila mama at papa.” Malungkot na saad ni Raquel sa asawa.

“Love, kahit naman naghirap kayo’y nanatili kang mabuting tao. Isa pa’y wala tayong inaagrabyadong tao. Wala tayong utang. Higit sa lahat, napagtapos natin ng pag-aaral ang tatlo nating mga anak at maaayos na ang mga buhay nila sa abroad. Kung tutuusin ay mapalad na rin tayo.”

Tila hindi naman kuntento sa sinabi ng asawa si Raquel. Sanay kasi itong makisalamuha sa mga anak ng milyonaryo at kilalang mga personalidad. Nag-aral ito sa isang international school. Katunayan nga’y karamihan ng kaniyang mga ka-batch ay anak ng mga politiko.

“Raquel, tanggapin mo na kasi ang alok ko sa iyo. Isang gabi lamang naman ang ating reunion. Sigurado akong lahat ng dadalo doon ay may mga ikinukubli ring mga suliranin sa buhay. Wala namang perpektong nilalang! Huwag ka nang masyadong mabahala.” Wika ng matalik nitong kaibigan na si Emmie.

Nais kasi nitong huwag na lamang ipaalam na nalugi ang lahat ng negosyong naiwan sa kaniya ng yumaong mga magulang. Pahihiramin daw siya nito ng magarang sasakyan at mamahaling damit, bag, sapatos, at mga alahas. Ayaw naman ni Raquel sa ideyang ito sa takot na baka mawala niya ang isa sa mga mamahaling gamit na ipapahiram ng butihing kaibigan.

Maya-maya’y nag-ring ang kanilang telepono.

“Mare, si Carlita ito. Isa ka sa mga magsasalita bilang matagumpay na alumni ng eskuwelahan natin! Maghanda ka ng speech ha!?” Tila nagmamadali ang kaniyang dating kaeskuwela at ibinaba kaagad ang telepono.

Dumoble naman ang pag-aalala ni Raquel.

Advertisement

Ilang oras din itong tulala. Nang makapag-isip ay nagpasya itong sunggaban na ang iniaalok na tulong ni Emmie.

“Tama ka, tutal ay isang gabi lamang naman iyon.”

Sumapit ang pinakahihintay na gabi ng lahat. Napanganga si Raquel sa dami ng nakadikit na mga diyamante sa alahas na bitbit ng matalik na kaibigang si Emmie.

( )

“Panginoon ko, nakakatakot namang isuot ang mga ito!”

Napukaw ang atensyon ni Raquel ng isang magarang gintong pulseras na may mga diyamanteng pinormang hugis puso.

“Napakaganda! Kinikilabutan ako sa ganda! Pinapangarap ko talagang magkaroon ng ganito! Magkano ba ang halaga nito?”

Natatawa na lamang si Emmie sa itsura ng kaibigan. “Huwag kang mag-alala! 10M lang ‘yan! Huwag ka kasing mag-pokus sa halaga ng mga bagay-bagay! Subukan mong mag-relaks, Raquel! Inhale… Exhale… Ienjoy mo lamang ang gabing ito!”

“WOW! Hindi talaga naluluma ang paghanga ko sa ‘yo, love. Napakaganda mo!” Sambit ni Tonyo sa asawang nakapostura na akala mo’y isang milyonarya. Tila wala nga talagang kupas ang kagandahan nito.

Advertisement

Nagsimula na ang kasiyahan at naisagawa ni Raquel at Emmie ang kanilang plano. Hangang-hanga ang kanilang mga kaklase sa dalawa.

“Walang kupas! Talagang hanggang ngayon ay lumulutang ang kagandahan ninyong dalawang mag-BFF!” Saad ng dating kaklaseng si Homer.

Napakaguwapo pa rin nito at bali-balitang sadyang naging matagumpay ito sa buhay. May malaki raw itong jewelry shop sa Makati at bukod doon ay may tatlong branch na daw iyon ng isang sikat na fastfood chain.

“Hindi ka ba nanghihinayang na binasted mo si Homer noong araw, ha Raquel? Dios Mio, napakaguwapo pa rin! May asim pa!” Pabulong na saad ni Emmie na namimilipit pa sa kilig habang sinisiko siya.

“Huy! Ang tanda na natin, kulubot na ang leeg nating dalawa’y kumekerengkeng ka pa.”

Nagpaluan pa ang dalawa at nagkilitian ng palihim. Tawa naman sila ng tawa.

Sa kabila ng kasiyahan ay hindi namalayan ni Raquel na nalaglag pala ang suot nitong pulseras.

Maya-maya’y tinawag na ang pangalan ni Raquel upang magsalita sa entablado. Agad naman itong tumayo.

Advertisement

“Good evening, everyone! I am so grateful and honored to be one of your speakers tonight. It is really nice to see you all again after such a long time. I believe that success does not quantify all the material things and money that we have. Success qualifies our happiness in life! I just want all of you to know that I am so happy with everyone that I have in my life right now! THINGS can be replaced but you cannot replace PEOPLE! That’s why ladies and gentlemen, please let’s all value people, frienship, love, family, and relationships over material things and money. Thank you and ’til we all meet again!”

Nagtayuan ang lahat sa bigating speech ni Raquel.

“Napakahusay mo pa rin talagang mag-Ingles, Raquel. Walang maniniwalang hindi ka na mayaman ngayon. Ang galing natin!”

Natawa na lamang si Raquel sa sinabi ng kaibigan.

Masayang naghiwa-hiwalay ang mga dating magkakamag-aral. Umuwi sa Raquel na abot tenga ang ngiti sa mga labi.

Ngunit napalitan ng pangamba ang kaniyang kasiyahan nang makitang wala na ang pulseras sa kaniyang mga bisig.

Agad siyang lumabas ng bahay at pumara ng taxi. Takang-taka naman si Tonyo sa inasta ng asawa.

Halos magkandakuba na kahahanap si Raquel ngunit hindi nito matagpuan ang pulseras na tadtad ng diyamante sa pinagdausan ng kanilang reunion. Maging ang mga waiters doon ay tumulong na sa paghahanap.

Advertisement

“Panginoon ko, ano’ng gagawin ko!?”

Umuwing lugmok na lugmok si Raquel at ipinagtapat na lamang sa asawa ang nangyari.

“Tawagan mo na ngayon si Emmie upang maipagtapat mo ang nangyari. Hindi mo naman iyon sinasadya. Tiyak na maiintindihan ka niya.” Payo ni Tonyo sa asawa.

“Hindi maaari! Si Emmie na lamang ang kaisa-isang taong napagkakatiwalaan ko bukod sa iyo at sa mga anak natin! Gagawa ako ng paraan para makabili ng kapareho nito!”

Biglang pumasok si isip ni Raquel ang dating manliligaw na si Homer na nagmamay-ari ng isang sikat na jewelry shop.

Hindi na nagawang matulog pa ni Raquel, hindi pa nagbubukas ang jewelry shop ni Homer ay nakatambay na ito sa labas at naghihintay sa pagbubukas ng shop.

Nang sumapit ang alas 10 ng umaga’y nakita na niya ang dating kamag-aral na bumababa mula sa magara nitong sasakyan.

“Homer! Kailangan ko ng tulong mo!” Ipinagtapat niya dito ang lahat.

Advertisement

Pinayuhan siya ni Homer na ipagtapat na lamang sa kaibigan ang nangyari ngunit nagmatigas si Raquel at umiral ang kaniyang pride.

Habang iniisa-isa ang mga nakadisplay na alahas sa estante ay napansin niya ang isang pulseras na kamukhang-kamuha ng kay Emmie.

Kanina pa tawag ng tawag sa cellphone ang kaibigang si Emmie. Malamang ay tatanungin nito kung maaari na ba niyang daanan ang mga pinahiram na gamit. Hindi sinasagot ni Raquel ang tawag nito.

“Homer, bakit kamukhang-kamukha ng nawawala kong pulseras ang naka display sa estante mo? Hindi kaya’y napulot mo iyon at ibebenta mo dito?”

Natatawa-tawa pa si Homer habang inilabas ang isang kaha de yero. Pagbukas nito’y may sampung pirasong pulseras na ganoon din ang disenyo at istayl.

“Hindi mo ba kilala ang designer niyang pulseras na iyan? Sikat iyan sa buong mundo kaya’t natural lamang na marami kang makikitang ganyang disenyo. Ang dami na nga ding peke niyan sa Divisoria.” Paliwanag ng dating manliligaw.

“Homer, makikiusap sana ako sa iyo. Puwede bang utangin ko muna ang isa sa mga iyan para hindi ako mapahiya kay Emmie?”

“Aba’y hindi ako papayagan ng misis ko. Kailangan mong mag down payment kahit isang milyon. Ang bentahan talaga nito ay 10 milyon pero kahit 5 milyon na lamang ang ibayad mo.” Saad ni Homer.

Advertisement

Nanlaki ang mga mata ni Raquel. Saang kamay ng Diyos niya kukunin ang ganoong kalaking halaga?

Umuwing luhaan si Raquel. Agad niyang tinawagan ang mga anak na naninirahan na sa ibang bansa.

Nagkunwari na lamang siyang gagamitin ni Emmie ang pera sa negosyo at ibabalik ito pagkatapos ng tatlong buwan.

“Ma, siguraduhin lang ninyo sana ni Tita Emmie na mapapalago n’yo itong life savings namin! Ibinenta pa namin ang sasakyan namin para diyan” Saad ng panganay nitong si Ryan na isa nang chef sa Canada.

“Sige ma, sakto naman na nag-loan ako sa opisina. Basta’t ibalik mo kaagad iyan dahil pambili namin ng bahay iyan. Baka magalit ang asawa ko kapag hindi mo naibalik agad iyan.” Wika ni Glenn, ang pangalawang anak niyang isang accountant sa Singapore.

“OK, ma. Para sa masteral ko iyan. Gusto ko kasing magturo sa kolehiyo dito sa Qatar kaya’t nag-ipon talaga ako para sa darating na pasukan. Magwoworking student ako.” Ika ni Lucy, ang bunso nilang anak na babae.

Pagkatapos humingi ng tulong sa mga anak ay isinangla pa nito ang bahay at lupa upang makalikom ng eksaktong 5 milyon.

Agad niyang kinuha ang pulseras kay Homer at isinauli ito kay Emmie kasabay ng iba pang mga gamit na ipinahiram nito.

Advertisement

“Diyos ko, may relasyon na ba kayo ni Homer? Mula nang magkita ulit kayo sa reunion ay hindi mo na sinagot ang mga tawag ko!” Inis na sambit ni Emmie sa kaibigan. Tila nang-aasar pa ito.

Agad namang iniabot ni Raquel ang mga alahas ni Emmie.

“Ingatan mo ang mga iyan, Emmie. Kung alam mo lang…” Nanghihinang saad niya dito.

Lumipas ang limang taon, itinakwil si Raquel ng kaniyang mga anak sapagkat hindi ito nakatupad sa pangakong ibabalik ang pera matapos ang tatlong buwan.

Labis na dumanas ng matinding depresyon si Tonyo dahil naremata na ang bahay na kanilang tinitirhan. Wala na ito sa katinuan.

Hirap na hirap na silang lalo sa buhay sapagkat hindi na kumakayod si Tonyo at hindi na rin makapagtrabaho si Raquel dahil kailangan niyang alagaan ang asawang tila bumalik sa pagkabata ang pag-iisip.

Nang makatulog si Tonyo ay nagpasya si Raquel na tumambay muna sa park at magisip-isip.

Nagulat siya nang makita si Emmie doon.

Advertisement

“Diyos ko, Raquel… Ano’ng nangyari sa iyo? Ang laki ng itinanda mo! At saka bakit hindi ka na nagrereply sa mga text ko at kinacancel mo ang mga tawag ko? Saan na kayo nakatira? Ano’ng nangyari sa iyo?” Nag-aalalang saad ni Emmie.

“Ah… Eh… Sa totoo lang ay dahil sa ‘yo kaya’t nangyari sa akin ang lahat ng ito.” Wika ni Raquel habang nakayuko.

“AKO?! May nagawa ba akong mali sa ‘yo?”

“Wala pero ako meron…..”

At ipinagtapat niya dito ang tungkol sa pulseras ng matalik na kaibigan.

Nagulat siya sa naging reaksyon nito.

Napatakip ito ng bibig.

“Raquel, huwag kang mabibigla… Sana’y nagsabi ka na lamang talaga ng totoo! Diyos ko, ang mga alahas kong iyon ay peke lamang! Galing sa Divisoria! Sampung piso lamang ang bili ko sa pulseras na iyon! Sa pagkakaalala ko’y ipinamigay ko na ang pulseras na iyon sa isa sa mga babaeng nanghihingi ng tulong sapagkat sila daw ay nasunugan. Diyos ko, Lord! Raquel…” Niyakap nitong mahigpit ang kaibigan habang tumutulo na ang kaniyang mga luha sa awa dito.

Advertisement

At bigla na lamang nawalan ng malay si Raquel matapos marinig ang rebelasyon ni Emmie.