Hindi Nag-Atubiling Tumulong ang Lalaki sa Isang Matandang Pulubi Kahit na Siya ay Walang-Wala na Rin; May Gantimpala Palang Nag-aabang Para sa Kaniya

Kahit na magsasampung taon na si Aaron sa kumpaniyang pinagtatrabahuhan niya at kahit parating siya ang pinagagawa ng mga mahahalagang dokumento na ipinapasa sa operations manager nila ng kaniyang bisor ay hindi pa rin siya umaangat ng posisyon. Isa pa rin siya sa mabababa at ordinaryong empleyado nila.

Isang araw ay may report na biglaang pinagawa ang bisor ni Aaron na si Sir Gil sa kaniya. Hindi niya agad ito natapos sa oras at nang maipasa niya na ito ay hindi naman ito nagustuhan ng kaniyang bisor.

“Aaron, anong klaseng gawa ba ‘to? Parati namang ikaw ang gumagawa ng reports ah. Bakit ngayon hindi mo magawa nang maayos? Gusto mo sigurong ipurnada ‘yung promotion ko bilang bagong operations manager ‘no? Bakit, naiinggit ka ba?” pag-uusisa ni Sir Gil.

“Naku, sir! Hindi po totoo ‘yan,” sagot ni Aaron.

“Kulang lang po talaga sa oras. Masyado pong short notice ‘yung pagpapagawa niyo ngayon,” mahinang pagkakasabi pa nito.

“Aba’y nagrereklamo ka na ngayon?! Ipapahamak mo pa ko sa kapalpakan mo?! Puwes! Bakantihin mo na ang desk mo because you’re fired!” bulyaw ni Sir Gil kay Aaron.

Walang nagawa si Aaron kundi magtungo sa kaniyang mesa upang kuhain ang kaniyang mga gamit na nakayukyok ang ulo sa pagpapahiyang ginawa sa kaniya ni Sir Gil bago tuluyang lisanin ang kanilang gusali.

Pagkauwi ni Aaron sa kaniyang nirerentahan ay inaabangan siya ni Manang Rita na nagpapaupa sa kaniya.

Advertisement

“Aaron, nasaan na ‘yung bayad mo sa upa ng dalawang buwan? Malinaw naman ang usapan natin na kapag hindi ka nakapagbayad ngayon eh paalisin na kita, ‘di ba?” paalala ng ginang.

“Manang Rita, baka naman ho puwedeng isang buwan na lang muna ang bayaran ko? Masasagad na ho kasi ‘yung matitira sa akin kung pang dalawang buwan ang ibayad ko sa inyo ngayon,” pakiusap ni Aaron.

“Huwag mo kong dinadaan sa ganyan, Aaron. Ang usapan ay usapan,” masungit na pagkakasabi ng Ginang.

Nang dahil dito ay inabot na ni Aaron ang bayad niya para sa dalawang buwan at tanging limang daang piso na lamang ang natira sa kaniyang pitaka. Hindi niya alam kung paano ito pagkakasiyahin hanggang sa makakuha ng unang sahod sa trabahong pag-aaplayan niya na tatanggap sa kaniya. Ngunit kahit na ganoon ay nanatili siyang positibo na malalampasan niya rin ang pagsubok na ito.

Kinabukasan ay agad siyang naghanap ng mapapasukan ngunit hindi siya pinalad na makakuha ng trabaho sa araw na ‘yon. Pauwi na siya nang may nadaanan siyang panderya. Gusto niya pa sanang tiisin ang kaniyang gutom upang matipid ang kakarumpot niyang pera kaya naman ay nilampasan niya na lamang ‘to.

Sa kaniyang paglalakad ay may matandang gusgusin na lalaki ang kumalabit sa kaniya upang humingi ng limos.

“Anak, baka naman puwedeng makahingi ng pagkain sa’yo. Ilang araw na kasi akong hindi nakakakain kaya gutom na gutom na ‘ko,” pagmamakaawa ng matanda.

Nang makita ni Aaron ang kondisyon ng matanda ay agad niya itong kinaawaan. Hindi siya nagdalawang isip na bilhan ito ng tinapay.

Advertisement

“Pasensiya na ho kayo Tatang at ito lang ang nakayanan ko. Walang-wala rin ho kasi ako ngayon eh,” sambit ni Aaron habang inaabot ang tinapay sa matanda.

“Naku anak! Maraming salamat! Pagpalain ka,” wika ng matanda.

“Walang anuman ho. Sige ho, mag-iingat na lang ho kayo. Ito rin po pala ang payong. Ulan pa naman nang ulan ngayon, baka mahirapan kayong maghanap ng masisilungan,” ani Aaron bago iwan ang matanda.

Nagpatuloy na si Aaron sa kaniyang paglalakad patungo sa kaniyang tinutuluyan. Ilang saglit pa lamang noong siya ay makauwi ay may kumatok sa kaniyang pintuan. Pagkabukas niya ay may nakita siyang dalawang matitikas na lalaki na may magandang kasuotan.

Agad niyang tinanong kung sino sila at bakit siya hinahanap ng mga ito.

“Nais po sana kayong makausap ni Chairman Cruz,” tugon ng isa sa mga lalaki.

Laking gulat ni Aaron nang makita niya ang matandang lalaki na tinulungan niya sa may likuran ng dalawang lalaki na malinis na’t posturang postura. Doon niya lamang namukhaan na ang lalaking ‘yon ang chairman ng kumpaniyang dati niyang pinagtatrabahuhan.

“Hala! Chairman! Kayo po pala ‘yan. Pasenisya na po at hindi ko kayo namukhaan kanina. Pasok po kayo. Ano po bang maitutulong ko sa inyo?” natatarantang bigkas ni Aaron.

Advertisement

Pagkapasok ng Chairman sa maliit na tahanan ni Aaron ay isiniwalat niya na nasaksihan niya ang nangyari kay Aaron at sa bisor nito. ‘Di umano siya sang-ayon sa ginawa ni Gil kaya naman pinaimbestigahan niya ang nangyari.

“Doon ko nalaman na lahat pala ng reports na pinapasa ni Gil sa operations manager ay gawa mo talaga, bagay na siya naman dapat ang gumagawa. Nalantad din sa imbestigasyon na matagal ka na palang dapat na-promote pero hinaharang lang niya sa takot na mahigitan mo siya nang dahil sa taglay mong potensyal,” pahayag ni Chairman Cruz.

“Pero bakit kailangan niyo pa pong magpanggap bilang pulubi?” nagtatakang tanong ni Aaron.

Nangiti si Chairman Cruz bago sumagot, “Isa ‘yong pagsubok kung karapat-dapat ka nga ba talagang pumalit sa paalis nating operations manager.”

“O-operations manager po ba ang sinabi niyo? Qualified po ba ako para sa posisyon na ‘yan?” hindi makapaniwalang tanong ni Aaron.

“Yes! Hindi ba’t ikaw nga talaga ang gumagawa ng reports ni Gil? You deserve it! See you at work tomorrow ah!” wika ni Chairman Cruz bago umalis sa tinutuluyan ni Aaron.

Hindi makapaniwala si Aaron sa nangyari. Lalo siyang hindi makapaniwala nang pagkapasok niya sa opisina kinabukasan ay may malaking banner na, “Congratulations to our New Operations Manager Mr. Aaron Serrano!”

Bukod pa sa pasorpresang ito ni Chairman Cruz ay personal siyang sinalubong nito at kinamayan, na siyang kinainggitan ni Gil nang masaksihan ito sa malayo.

Advertisement

Walang magawa si Gil kundi pagsisihan ang kaniyang mga ginawa noon. Habang si Aaron naman ay labis ang pasasalamat sa nangyaring ito sa kaniyang buhay.

Patunay ito na may liwanag pagkatapos ng dilim, at pinagpapala ang mga taong mabubuti at matutulungin.