Lalaking Nilalayuan ng Pamilya Dahil Palagi Silang Binebentahan ng Kung Anu-ano, Natameme Sila nang Muli Nilang Makita Matapos ang Ilang Taon

Sa malaking pamilya ng mga Ramos, hindi nawawala ang kanilang taunang reunion. Magkakalapit lamang sila ng tirahan kaya madali lang iyon maganap.

Hindi man sila mayayaman ngunit masaya pa rin sila basta’t magkakasama.

Ngunit sa lahat siguro ng miyembro ng mag-anak, mayroon silang kaisa-isang kinaiinisahan at pinagdadasal na sana’y hindi dumating – si Daniel.

“Ano na naman ba yan, Daniel?” palagi na lamang nilang tanong tuwing papasok pa lamang ng pintuan ng bahay ang binata at may hawak na malalaking plastik na may iba’t ibang gamit na laman.

Paano ba namang hindi maiinis ang kanyang mga tiyahan at pinsan ay hindi ata marunong magkaroon ng good time ang binata. Walang palya ang pagdala ni Daniel ng sari-saring paninda sa bawat reunion na mayroon ang pamilya.

“Eh baka lang ho kasi may magustuhan kayo t’yang. Sayang naman po kaya dinala ko na,” nakangiti at magalang pa ring sagot ng binata.

“Sana naman kasi sa ibang araw mo na lang yan dinala ‘di ba? Get together nga tapos bebentahan mo pa kami ng kung anu-ano,” inis na sabi ng isa sa kanyang mga tiyahin.

“Ayun na nga po t’yang eh, baka kasi kailan pa yung sunod nating pagkikita. Atleast ho ngayon eh nakita niyo na kung ano yung magustuhan niyong bilhin,” nakangiti pa ring sagot ni Daniel.

Advertisement

“Puro ka sales talk Daniel! Iligpit mo nga muna yan at kakain na tayo ng hapunan!” bulyaw ng isa sa kanyang tiya.

Maayos pa rin namang sumusunod ang binata kahit na ba para siyang palagi na lamang ipinapahiya ng kanyang mga tiya.

“Ano ka ba naman, Mayet? Bakit mo naman hinahayaan yang anak mo magbenta-benta ng kung anu-ano tapos dito pa? Pwede namang sa ibang lugar at ibang araw na lang!” mahinang paninita ng isang tiya ni Daniel.

“Eh pasensya ka na, kasi hindi ko rin mapigilan ang anak ko eh,” nahihiyang sagot ni Mayet.

Umiling na lamang ang tiyahin sa pagkadismaya.

Alam rin naman ni Daniel na naiirita na ang kanyang mga kamag-anak sa madalas niyang pangungulit na bumili sa kanyang mga ibinebenta. Maging ang kanyang mga pinsan ay isa-isa nang nagsilayuan sa kanya.

Dumating na sa puntong ayaw na talagang imbitahan ng mga Ramos ang pamilya ni Daniel dahil alam nilang pagbebenta lamang ang dahilan kung bakit siya pupunta sa mga reunion.

Dahil dito, unti-unting nawala ang suporta ni Mayet sa kanyang anak.

Advertisement

“Pwede ba Daniel? Huwag ka na lang sumama doon kung magbebenta ka na naman? Hindi naman ikaw ang napapahiya eh, kami!” aniya.

Hindi na nakakasagot pa si Daniel dahil hindi naman siya bulag sa mga nangyayari at hindi rin siya bingi sa mga masasakit na salitang nasasabi sa kanya.

Kaya naman, nang siya’y makapag-ipon ng sapat na pera para lumuwas papuntang Maynila at manirahan doon mag-isa, hindi na siya nagdalawang-isip pa.

Mahirap man para sa kanyang ina ang desisyon ni Daniel ay hinayaan niya ito. Para sa kanya, sigurado namang matatauhan ang kanyang anak at mahihirapan sa kanyang ginagawa at pipiliing umuwi na lamang ulit ng probinsya.

Desidido si Daniel na magkaroon ng magandang buhay. Maayos ang kanyang trabaho ngunit maliit ang sweldo. Kaya naman naisip niya na mag-sideline.

Doon siya nagsimulang magbenta ng kung ano-ano. Mula sa damit, sapatos, bag, gamit ng bata, gamit ng matanda, make-up, pabango, maging mga gamit sa kusina – lahat iyan ay sinubukang ibenta ni Daniel.

Ang kanyang sipag at sobra-sobrang pagti-tiyaga ay nag-ani ng napakaganda. Hindi tumagal ay nagkaroon siya ng pwesto sa isang malaking mall at doon niya ipinagpatuloy ang kanyang pagtitinda. Ang isang pwesto niya’y nadagdagan ng dalawa, at ng apat, hanggang sa naging mahigit sa sampu.

Kaya naman naisipan na niyang bumisitang muli sa kanyang pamilya at kamag-anak sa probinsya.

Advertisement

Isang itim at makintab na Ford Everest ang pumipitpit sa tapat ng bahay ni Mayet.

“Sino ba iyon at napakaingay?!” ani niya sa kanyang sarili.

Nang silipin ang bintana, laking gulat niya ng makitang anak niya ang nagmamaneho ng sasakyan na ito.

“Sabi ko naman sayo ‘nay hindi ako uuwi hangga’t wala akong napapala’t maipagmamalaki,” nakangiting bati ng kanyang anak.

Humingi ng kapatawaran ang kanyang ina kay Daniel. Aniya, hindi siya dapat naging hadlang sa mga kagustuhan ng anak.

“Naiintindihan ko po ‘nay, huwag kayong mag-alala kasi hindi naman po masama ang loob ko sa inyo. Gusto ko lang po sanang mabisita rin ang mga tiyahin ko,” nakangiting sabi ng bintaa habang yakap ang kanyang nanay.

Pinagbigyan ni Mayet ang kahilingan ng anak.

Kung anong kinagulat ng kanyang nanay ay mas triple ang pagkabigla ng kanyang mga tiyahin at iba pang kamag-anak.

Advertisement

“Daniel! Ikaw na ba ‘yan?!” sambit ng isa niyang tiya.

“Aba, Daniel! Mukang mayaman na mayaman ka na ah!” dugtong naman ng isa sa kanyang pinsan.

“Amoy mayaman ka na rin Daniel ah!” ani ng isa niyang tiya.

Punong-puno ng pagpupuri ang nakuha ng binata mula ng makita siya ng lahat.

“Kailan ba kami makakatikim ng yaman mo?” tanong ng isa sa kanyang mga tiyahin na unang-una sa panlalait sa kanya noon.

“’Wag kayong mag-alala mga tiya at mga pinsan. Magkakaroon din kayo ng ganito,” nakangiti niyang sagot habang tinitignan ang bawat kausap.

“Pero gusto ko munang sabihin sa inyo, na kung hindi dahil sa inyo, hindi ko makakamit ang mayroon ako ngayon. Kaya naman tutulungan ko rin kayong makamit ang gusto niyo,” Dagdag pa ng binata.

Lahat ay napangiti sa kanyang sinabi, at kitang abang na abang sa limpak limpak na pera na kanyang ipamamahagi.

Advertisement

“Magtatayo ho ako ng tindahan dito sa ating probinsya, gaya ng tindahan na mayroon ako sa Maynila. Pero, kayo ho ang tatao doon,” aniya sa mga tiya.

“Hindi ko nakamit ang lahat ng mayroon ako dahil binigay ito sa akin, nagkaroon ako ng ganito dahil pinaghirapan ko ang lahat ng ito, kahit paulit-ulit pa akong mapahiya,” nakangiting dagdag ng binata.

Noong si Daniel ay walang kahihiyan na nagbebenta ng kung anu-ano sa kanila ay halos itaboy nila ang binata, ngunit noong nagkaroon siya ng maraming pera ay puro puri naman ang inabot niya. Kaya naman, nang maisip nila iyon, hindi na sila nakapagsalita pa sa kahihiyan.

Nakalimutan nila na ang pamilya at kamag-anak ay dapat nagsusuportahan sa lahat ng oras lalo na’t nasa mabuti naman ang ginagawa ng kanilang kapamilya.