Sino Ang Papalit Sa Presidente?

Nagkaroon ng mga usap-usapan sa kung sino ang magiging bagong presidente ng isang kumpaniya matapos i-anunsiyo ng kanilang presidente ang nalalapit na pagreretiro nito.

Kadalasan ay sa panganay na anak ito ipinapamana kaya naman masyadong naging kampante at kumpyansa si Arnold na mapapasakaniya ang posisyon.

“Sino ka bang empleyado ka at parang hindi mo ako kilala? Ang lakas ng loob mo na sumabay sa elevator ng magiging bagong presidente ng kompanya,” pagmamataas ni Arnold sa isang empleyado.

Habang si Alexander na nakababatang kapatid naman ni Arnold ay nag-iisip ng paraan upang siya ang maluklok sa puwesto.

“Kailangan ay ilabas ang mga kapalpakan at baho ni kuya sa kompanya ilang araw bago ang election meeting para hindi siya ang iboto ng Board of Directors,” utos ni Alexander sa kaniyang tauhan.

Kahit na mga anak naman ng presidente ang pinagpipilian ay nagdadalawang-isip pa rin ito na lubusang ipagkatiwala ang negosyo lalo na at sa ilang taon na pagpapabantay at pagpapa-obserba nito sa mga anak ay hindi magagandang mga balita ang natatanggap nito.

Isang araw ay nakarating na sa presidente ang masamang balak ni Alexander na siraan ang sarili nitong kapatid kaya agad niyang pinaantala ang araw ng eleksyon. Hindi ito nagbigay ng kahit anong rason sa mga anak kaya ito ay pinagtakahan nila at inantala rin ni Alexander ang masamang balak na pagbubunyag at paninira sa sariling kapatid.

Lumipas ang maiksing panahon at humupa ang usap-usapan patungkol sa eleksyon kaya kinamusta ni Presidente Arturo ang mga anak sa tauhan nito.

Advertisement

Ayon dito ay inakala ni Arnold na hindi na matutuloy ang eleksyon dahil napili na siya ng kaniyang ama upang pumalit sa puwesto sapagkat may karapatan naman ang ama nito na magtalaga ng papalit sa posisyon nito nang hindi kinakailangang pagbotohan ng Board. Nang dahil dun ay mas lumala si Arnold sa masamang pakikitungo sa mga empleyado at inaabuso nito ang kasulukuyang posisyon sa pagyayabang na siya ang magiging presidente ng kompanya sa hinaharap.

Habang ang ulat naman nito tungkol kay Alexander ay mas lalo itong nabahala na hindi makuha ang posisyon kaya gumagawa ito ng mga paninirang puwedeng iimplanta laban sa nakatatandang kapatid.

Matapos pag-usapan ang tungkol sa dalawang anak ay kinausap niya ang kaniyang tauhan tungkol sa Project Love.

“Nga pala, kamusta naman ang Project Love?” tanong ni Presidente Arturo.

“Ayon po mismo sa nangangasiwa ay magaling po ito at may potensyal na mas umangat pa,” ulat ng tauhan.

“Ano naman ang nasasabi ng mga tao sa paligid nito?” tanong ng presidente.

“Puro positibo at papuri po ang mga komento nila,” sagot ng tauhan.

“Kung ganun, ito na nga siguro ang solusyon. Wala nang eleksyon na magaganap bagkus ay mag set ka ng meeting sa Board para sa pag-launch ng Project Love,” utos ni Presidente Arturo.

Advertisement

“Paano po pala si Ma’am Moira?” tanong ng tauhan.

“Ako na ang bahala sa kaniya. Basta ayusin mo ‘yung meeting at siguraduhin mo na walang magagawa si Alexander laban sa sarili niyang kapatid,” matinding bilin pa nito.

Nang dumating ang araw ng pag-launch ng Project Love sa buong Board ay bukang bibig ng karamihan ang tungkol sa pagkakansela ng eleksyon. Ipinagtataka rin nila kung bakit hindi na ito matutuloy at kung bakit mas inuna pa ang pag-launch ng isang proyektong walang sino man ang nakakaalam.

Kaya naman nang inanunsyo at ipinakita na ang Project Love ay ikinagulat ito ng lahat.

Ang Project Love na iniharap sa kanila ay isang babaeng empleyado ng kanilang kompanya na nagngangalang Amor.

Ayon pa sa presidente, ang Project Love ay tumutukoy sa ginagampanang niyang responsibilidad bilang ama sa kaniyang panganay na babae sa una at legal nitong asawa nang palihim.

Ikinagulat ito ni Amor ngunit binulungan siya ng kaniyang ina na si Moira na ipapaliwanag niya ang lahat pagkatapos ng meeting.

Ipinagpatuloy ng presidente ang pagpapaliwanag na kaya niya ngayon inilaunch ang Project Love o ang kaniyang anak na si Amor ay dahil matapos ang matagal niyang pag-oobserba at pagbabantay sa tatlo niyang mga anak ay si Amor ang itatalaga niya bilang bagong presidente na gagabayan niya muna sa mga unang taon nito.

Advertisement

Hindi ito sinang-ayunan nila Arnold at Alexander ngunit ipinamukha ng presidente sa dalawa ang magagandang kwalipikasyon na binanggit ng bisor na nangangasiwa kay Amor na wala sila kaya hindi na sila nagsalita pa upang hindi lalong mapahiya.

Ngunit matapos ang meeting ay personal nilang kinausap ang presidente at doon sila kinausap ng masinsinan ng ama tungkol sa mga kasamaang ginawa at ginagawa nilang dalawa.

Ayon sa presidente ay hindi niya na ito ipinaalam pa sa iba ngunit kailangan nilang panagutan at itama ang mga maling nagawa nila lalo na si Alexander sa sama ng mga ginawa nito sa kaniyang kuya.

Ngunit tinanggihan ito ng dalawa. Ayaw nilang panagutan ang mga ‘to at magpakababa kahit sa isa’-isa kaya napilitan ang presidente na tanggalin sila sa trabaho.

Samantala, sa kabilang kuwarto ay kausap ni Moira ang anak niyang si Amor.

“Patawarin mo ako anak dahil hindi ko agad ipinaalam sa’yo. Galit na galit kasi ako sa Daddy mo noon nang malaman ko ang pangloloko niya sa akin kaya hiniwalayan ko siya at hinayaan kong malimutan mo siya. Matagal kaming nawalan ng komunikasyon at tinaguan ko rin siya sa takot na pilit ka niyang kunin sa akin. Pero nung nagkasakit ka at nangailangan ng dugo ay napilitan akong kontakin siya dahil kayo ang match ng dugo. Mula noon ay palihim niya nang ginampanan ang pagiging ama niya sa’yo dahil sa kahilingan kong ‘wag kang kunin sa akin at dahil ayokong masaktan ka noong bata ka pa pag nalaman mong may iba nang pamilya at mga anak ang Daddy mo,” paliwanag ng ina.

Sa kalagitnaan ng masinsinang pag-uusap ng mag-ina ay pumasok ang ama nitong presidente ng kompanya. Humingi ito ng tawad sa anak at nagpaliwanag.

Nagkaroon man nang pagpapatawaran sa pagitan nilang mag-anak ay malinaw kay Amor na mayroon ng mga sariling buhay at pamilya ang kaniyang mga magulang. Wala naman itong kaso sa kaniya sapagkat alam niyang masaya naman sila sa kani-kanilang mga pamilya ngayon.

Advertisement

Matapos pag-usapan ang tungkol sa pamilya ay kinausap ni Amor ang ama tungkol sa posisyon na itinalaga nito sa kaniya. Ito ay tinanggihan niya sapagkat para sa kaniya ay hindi pa siya handa para rito at ayaw niyang may masabi ang ibang mga empleyado sa kaniya.

Lalo siyang hinangan ng kaniyang ama kaya sinang-ayunan siya nito. Hinayaan nitong umangat ang posisyon ni Amor nang naayon sa mga nagagawa nitong kontribusyon sa kompanya.

‘Di kalaunan sa sunud-sunod na pagtatagumpay at unti-unting pag-angat ng posisiyon ni Amor ay ibinoto siya ng Board members upang maging bagong presidente ng kanilang kompanya. At sa kaniyang pamamalakad ay mas lumago pa ang kanilang negosyo.