Siniraan ng Babae ang Kanyang Kaibigan Dala ng Matinding Inggit, Ito ang Iginanti Nito Nang Magkita Sila sa Reunion Matapos ang Isang Dekada

Magmula nang maging magkaklase noong 1st year high school, hindi na mapaghiwalay ang magkaibigang si Kerry at Tanya. Sikat na sikat ang dalawa sa kanilang eskwelahan dahil pareho silang maganda, matalino, at talentado. Ngunit kahit saan ma’y hindi maiiwasan ang pagkokompara, at iyon ang isa sa mga nag-udyok kay Kerry na gumawa ng ikasisira ng matalik na kaibigan.

“Tanya! Haba talaga ng hair. Narinig ko balak ka raw ligawan ni Gabriel ah. Naks! Heartthrob couple kung sakali!”, tukso ng isa sa mga kaklase ng magkaibigan.

“Baliw! Kay Kerry ‘yon ‘no. Wala akong balak agawan ang best friend ko. Lalaki lang ‘yan.”, ‘ika ng mabait na si Tanya.

Tahimik na nakikinig lamang sa usapan nila si Tanya. Noong panahon na ‘yon ay malakas ang tiwala niya na hindi nga sasagutin ng kaibigan ang binata kapag nagsimula na itong manligaw. Ngunit isang araw, nagbago ang lahat nang makita niya ang dalawa na magkausap. Nagulat siya nang bigla na lamang hinalikan ni Gabriel ang kaibigan.

Agad tumakbo si Kerry papalayo, dahil wasak na wasak ang puso nito matapos makita ang ginagawa ng dalawa.

“Nagtiwala ako sa ’yo, Tanya. Nagtiwala ako sa ’yo! Pero ganito lang ang igaganti mo. Humanda ka!”, bulong ni Kerry sa sarili habang pinaplano ang masasamang balak.

Kinabukasan, agad na tumakbo papunta kay Kerry si Tanya.

“BFF! Tara, kain na tayo!”, yaya ni Tanya.

Advertisement

“Wala akong gana. Ang kapal ng mukha mong kausapin pa ako ‘no? Iba rin!”, pasigaw na tugon ng galit na si Kerry.

Takang-taka naman si Tanya kung bakit ganito na lang ang galit ng kaibigan sa kanya.

“Hindi mo alam kung bakit?! Tanga ka ba? Bakit mo hinahalikan kahapon si Gabriel? Ayos ka rin e ‘no. Sabi mo ‘di mo papatusin kasi kaibigan mo ‘ko. Traydor!”, ‘ika ni Kerry.

“Ayun ba? Sasabihin ko nga dapat sa’yo. Na ‘wag mo nang gustuhin ‘yon. Kasi kahapon, pinilit niya akong halikan. Nasampal ko pa nga siya.”, pagpapaliwanag ng inosenteng dalaga. Malinis ang kanyang konsensya dahil nagsasabi siya ng totoo.

“Layuan mo ako. Sinungaling. Gumawa pa ng kwento! Galing talaga! Tandaan mo ‘yang ginawa mo!”, sigaw ni Kerry bago tuluyang iwan mag-isa sa hallway ng kanilang paaralan si Tanya. Desidido na siya na isagawa ang madilim na plano.

Kinabukasan, laking pagtataka ni Tanya nang pumasok siya sa eskwelahan. Lahat ng nakakasalubong niya ay nagtatawanan at tila pinagkukwentuhan siya. Kapag may kinakausap siya ay agad siyang nilalayuan. Halos mabaliw sa lungkot ang dalaga. Buti na lamang at narinig niya ang dalawang kaklase na pinag-uusapan siya.

“Grabe ‘no? Kunyari inosente. Tindi pala!”

“Kaya nga! Ewww! ‘Di na baleng hindi ako maganda. ‘Di naman ako kagaya niya. Hahaha!”

Advertisement

Narinig ni Tanya na kumakalat ang balita tungkol sa kanya, na siya raw ay may sakit na AIDS dahil sa pagpatol nito sa kung kani-kanino para sa pera. Kaya pala kanina pa siya nakakarinig ng mga kantiyaw gaya ng “Miss, magkano? Isang putok lang!”.

Nais magpaliwanag ng dalaga na hindi totoo ang mga binibintang sa kanya ngunit alam niyang walang makikinig sa kanya. Kaya dali-dali siyang umuwi sa kanila upang humingi ng tulong sa mga magulang niya. Agad namang naintindihan ng mababait na magulang ni Tanya ang nangyayari. Dahil may kaya, nagdesisyon ang kanyang ama na umalis at na lumipat na lamang sa Maynila upang doon na manirahan.

Nang mabalitaan ni Kerry na umalis na si Tanya kasama ang pamilya nito, labis labis ang tuwa na naramdaman ng dalaga. Kung noo’y palagi siyang natatalo ng kaibigan sa lahat ng bagay, ngayon ay siya na ang bida sa kanilang eskwela. At higit sa lahat, napasakanya na ang iniibig na si Gabriel.

Lumipas ang mahigit sampung taon at isang grand reunion ng kanilang batch ang gaganapin.

Marami ang dumalo sa reunion na ginanap mismo sa events hall ng kanilang paaralan. Ang lahat ay excited na pumunta, bukod kay Kerry na napariwara ang buhay.

Simula nang mawala si Tanya, nawalan na rin pala ng direksyon ang buhay ni Kerry. Noon ay palaging may sumasaway kay Kerry sa tuwing may maling desisyon siyang gagawin, kaya nung umalis ito ay samu’t saring katangahan ang pinaggagawa ni Kerry. Maaga itong nabuntis ni Gabriel, at iniwan siya agad agad nang malamang nagbunga ang kanilang isang gabing pagsasama. Dahilan kung bakit hindi na nakapagtapos ng pag-aaral maski high school si Kerry. At dahil sinukuan na agad ng kaniyang pamilya, namuhay bilang isang tindera ng fishball sa umaga at labandera sa gabi si Kerry habang binubuhay mag-isa ang lumalaking anak.

Sa kabila nito, napilitan pa ring dumalo si Kerry sa reunion dahil nais niya sanang humingi ng tulong sa mga dating kamag-aral upang mapag-aral ang nag-iisang anak.

Habang nakaupo at naghihintay na magsimula ang program, napatingin ang lahat sa isang napakagandang babae na naglalakad patungong stage. Nang makaakyat, kinuha nito ang mic at nagpakilala.

Advertisement

“Hi, classmates and batchmates! Good afternoon! Welcome po sa ating grand reunion. Sana ay naaalala niyo pa po ako. Ako po si Tanya Ferrer, ang dati ninyong kaklase.”, pakilala ng magandang babae.

Patuloy itong nagsalita.

“Ako po ang nag organisa ng reunion na ito upang magkita kita muli tayo. At isa pa, para malinis ang matagal nang nadungisan kong pangalan.”, seryoso ang mukha ng babae habang nagsasalita.

“Nais ko po sanang malaman ninyong lahat na walang katotohanan ang lahat ng paratang noon sa akin. Nagulat na lamang ako noon na nilalayuan at pinandidirihan ako ng lahat.”, pagpapatuloy ni Tanya.

Nanlaki ang mata at nanindig ang balahibo ni Kerry. Hiyang-hiya siya dahil ramdam niyang pinagtitinginan na siya ng mga kaklase niya noon dahil alam nilang siya ang nagkalat ng tsismis noong mga bata pa sila.

At dahil edukada at hindi eskandalosa si Tanya, hindi na niya tuluyang ipinahiya ang dating kaibigan. “Iyon lamang po, sana ay mag enjoy kayo sa reunion natin. Magsimula na tayo!”

Sising-sisi si Kerry sa mga nagawa niya noon nang dahil lamang sa selos sa isang lalaki. Kaya agad itong tumayo upang umuwi na. Ngunit nagulat siya nang may malambot na kamay ang humawak sa kanyang braso.

“Kerry, mag-usap tayo, please?”, nagsusumamo si Tanya sa kanya.

Advertisement

“Hindi ka pa rin ba naniniwalang hindi kita tinraydor noon?”, tanong ng dalaga kay Kerry.

“Naniniwala. Aalis na ako. Walang kasama ang anak ko sa bahay.”, pagmamadaling sabi ni Kerry. Hiyang hiya na siya dahil ramdam niya na pinagtatawanan na siya ng kanyang mga kaklase. Losyang na losyang na ang itsura niya habang si Tanya naman ay kabaliktaran ng lahat sa kanya.

Natigilan siya nang marinig ang salita ni Tanya.

“Pag-aaralin ko ang anak mo.”, ‘ika ng dating kaibigan.

“Bakit?! Para makapag payabang ka na naman? Oo na! Ikaw na ulit ang bida! Ikaw na, dabest ka e!”, barubal na sagot nito sa mabuting alok ni Tanya.

“Maawa ka sa anak mo. At sa totoo lang, ayokong magaya siya sa iyo. Hindi sa hinahamak kita. Pero bilang ina, gusto mo ba iyon?”, tanong ni Tanya.

Aawayin pa sana ni Kerry si Tanya dahil ugali niya ang ayaw magpatalo. Ngunit bigla niyang naisip ang kapakanan ng kaawa-awang anak. Nilunok niya ang lahat ng kanyang pride at pumayag. Ni isang “sorry” ay walang narinig si Tanya mula sa kanya.

Lumipas ang maraming taon, at pinanindigan ni Tanya ang ipinangakong pag-aaralin ang bata. Tuition, baon, at lahat ng gastusin sa pag-aaral ay tinustusan ng butihing babae. Nang makapagtapos ang bata, dito na natauhan ng lubos si Kerry. Pinuntahan niya si Tanya sa bahay nito.

Advertisement

Nang makita ang dating kaibigan, agad itong lumuhod sa harap niya at sinabing,

“Tanya, patawarin mo ako. Noon pa lamang ay naniwala na akong hindi mo magagawang agawin sakin si Gabriel. Pero dahil sa selos ko at pagiging insecure ng sobra sa’yo, ginawa ko ang lahat ultimo pagkakalat ng maling tsismis para mawala ka lamang. I’m so sorry! Patawarin mo ako!”, umiiyak na nakaluhod ang babae sa harap ng dating kaibigan.

“Matagal na kitang pinatawad, Kerry. Lungkot na lungkot ako sa mga nangyari sa iyo, kaya ginawa ko ang tanging tulong na magagawa ko. Ang pag-aralin ang anak mo. Nawa’y napalaki mo siya ng maayos at maprinsipyo. Tumayo ka na d’yan.”, tugon ni Tanya.

Nagkapatawaran ang dalawa. Hindi na nila maibabalik ang dating samahan, ngunit naayos na nila ang mapait na nakaraan. Natutunan ni Kerry na maling mali ang kanyang ginawa, kaya’t ginawa niya ang lahat upang hindi matulad sa kanya ang anak na babae.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.