Nasira ang Kanilang Pamilya Dahil sa Aso’t Pusang Pagtatalo ng Mag-asawa; Bigla Silang Matatauhan Nang Dahil sa Isang Pangyayari

Napagdesiyunan ng mga magulang ni Liam na sina Martin at Alice na maghiwalay na lamang dahil sa hindi nila pagkakaintindihan at pagkakasundo na mag-asawa. Ito ay ginawa nila upang hindi na patuloy na masaksihan pa ng anak ang parati nilang pagtatalo sa bahay.

Sa kanilang paghihiwalay ay napagkasunduan nila na paghatian ang pag-aalaga sa anak. Salitan sila ng linggo kung mag-alaga rito kaya naman ay linggo-linggo rin ang pagpapabalik-balik ni Liam sa kaniyang ama at ina.

Kahit na tatlong buwan nang magkahiwalay sina Martin at Alice ay hindi pa rin maiwasan ang hindi nila pagkakasundo kaya naman sa tuwing sila ay magkikita upang sunduin ang anak ay nagtatalo pa rin sila. Kung dati ay pinagtatalunan nila ang ugali ng isa’t-isa, ngayon naman ay pinagtatalunan nila ang sistema ng pag-aalaga at pagpapalaki sa anak ng bawat isa sa tuwing nasa poder ito ng kabilang panig.

Isang araw, noong susunduin na ni Alice si Liam upang doon naman sa kaniya manuluyan ay muli na namang nagtalo ang mag-asawa. Sa pagkakataong ito ay lumaki ang pinagtatalunan nila dahilan upang maungkat ang itinatago nilang sama ng loob sa isa’t-isa.

“Bakit ganito ‘yung grades ng bata sa mga exam niya nung nandito siya sa’yo? Baka naman hinahayaan mo na puro lang siya laro at hindi nag-aaral?” pangunguwestiyon ni Alice kay Martin.

“Napakaliit na bagay pinapalaki mo. Pasado naman ‘yung bata ah,” depensa ni Martin.

“Iyan ang hirap sa’yo eh. Kontento ka na sa gan’yan,” tugon ni Alice.

“Ano ba ang masama dun? Gusto ko lang naman hayaang magsaya ‘yung anak natin. Hindi kagaya mo na napakahigpit sa kaniya. At saka ginagawa naman niya ‘yung makakaya niya eh kaso kagaya ng sa’kin, hindi mo nakikita ‘yun. Para ba kasing lahat na lang hindi sapat at pasado sa standards mo,” ang sabi ni Martin.

Advertisement

“I only want what’s best for our son. Kagaya ng sa’yo, I only want to bring out the best in you pero minasama mo. Puro happy-happy lang kasi ang gusto mo. Hindi mo taasan ‘yung pangarap mo para sa pamilya natin,” ang sabi ni Alice.

Nang masaksihan ito ni Liam ay hindi niya na kinaya ang paulit-ulit na pagtatalo ng kaniyang mga magulang kaya naman palihim siyang umalis ng bahay gamit ang pintuan sa likuran habang patuloy ang pagtatalo nina Martin at Alice.

“Alam ko at naiintindihan kita dun. Kaya lang sa sobrang taas ng standards mo eh hindi mo na nakikita ‘yung mga maliliit na hakbang na ginagawa ko para maisaayos ang pamilya natin. Hindi dahil mukha akong parating nag-eenjoy eh wala na akong ginagawa. Hindi dahil mukha akong relaxed ay hindi ako nagpapakapagod para umasenso ang buhay natin. Ayaw ko lang ipakita sa inyo na nahihirapan din ako kasi para sa atin din naman ‘yun ‘di ba?” paliwanag ni Martin.

Hindi nakasagot si Alice sa sinabi ni Martin sapagkat naputol ang kanilang usapan noong natatarantang lumapit ang yaya ni Liam sa kanila. Ipinaalam nito na hindi niya mahagilip ang bata sa buong buhay. Ayon rito ay umiiyak ang bata dahil sa pagtatalo ng dalawa. Iniwan niya lang ito saglit upang kunin ang mga gamit ng bata ngunit pagbalik niya ay bigla na itong nawala.

Agad na nag-alala sina Martin at Alice kaya naman magkasama silang nag-ikot ikot sa subdivision upang hanapin ang kanilang anak.

Natagpuan nina Martin at Alice si Liam na mag-isa sa lumang palaruan na nakaupo sa swing at umiiyak. Agad nila itong nilapitan at kinausap.

Sa kanilang pag-uusap ay ipinaalam ni Liam sa kaniyang mga magulang ang sakit na nararamdaman niya sa tuwing sila ay nagtatalo at hindi nagkakasundo. Ipinaalala niya sa kanila kung anong mayroon sila dati na nawala dahil sa hindi nila pagkakaunawaan. Ipinaalala niya kung gaano sila kasaya dati noong mga panahong buo pa ang kanilang pamilya at namamasyal sa palaruan na ‘yun. Nais niya itong muling maranasan kaya naman hiniling niya sa dalawa na muling buuin ang kanilang pamilya.

“Nung kinausap ko si Daddy kagabi sabi niya love niya pa rin daw po kayo, Mommy. ‘Yun din naman po ‘yung sabi niyo sa akin last week ‘di ba, Mommy? Love niyo pa rin naman ‘yung isa’t-isa. Bakit hindi na lang po uli kayo magsama at buuin ‘yung family natin?” inosenteng tanong ng bata sa kaniyang mga magulang.

Advertisement

Biglang nagkahiyaan ang mag-asawa matapos ibunyag ni Liam ang kanilang nararamdaman para sa isa’t-isa. Ngunit nang magsalubong ang kanilang mga mata ay para bang agad silang nagkaintindihan. Nang dahil sa naging pagtatalo nila kanina ay nagawa nilang ilabas ang kanilang mga saloobin dahilan upang maunawaan nila ang bawat isa.

Niyakap nila si Liam at humingi ng tawad dahil hindi nila akalain na labis na naapektuhan ang kanilang anak sa mga ginawa nila.

Mula noon ay natutunan ng mag-asawa na unawain muna ang bawat isa at mag-usap nang maayos sapagkat pareho lang naman nilang gustong mapabuti ang kanilang pamilya. Nang dahil doon ay muling nabuo ang masayang pamilya nila Liam, Martin, at Alice.