Laking Gulat ng Ginang nang Mahuli Niya ang Anak sa Iniinom na Gamot, Para Saan Nga Ba Iyon?

Maglilimang taon na ngayong biyuda si Aling Marites at mag-isa lamang niyang binubuhay ang kaniyang anak na si Patricia sa pamamagitan ng pagtratrabaho sa factory.

“Anak, malapit ka nang magtapos sa kolehiyo, ano bang gusto mong handa natin? Huwag mo naman sana akong sorpresahin na may nobyo ka na!” wika ng ale sa kaniyang anak na nag-aasikaso papasok sa eskwela.

“Si mama kung ano-ano na lang ang sinasabi. Wala na nga akong oras para sa sarili, para pa kaya sa iba? Huwag po kayong mag-alala! Hindi ako mabubuntis ng maaga at mas lalong hindi ako mag-aasawa ng wala sa oras. Lagi ko rin pong tinatandaan na sa sampung lalaki ay isa lang ang magseseryoso kaya naman dapat hindi ko isuko ang bataan kahit na ano pa ang mangyari,” sunod-sunod na sinabi ni Patricia sa kaniyang ina na tila inaasar ang ale dahil kabisado na nito ang paulit-ulit na paalala ng kaniyang nanay.

“Naku, ginaya mo na naman ako! Masama ‘yang ginagawa mo, dapat kahit na paulit-ulit ako ay pinapakinggan mo pa rin ako at hindi ganyan! Tandaan mo, papunta ka pa lang ay pabalik na ako kaya naman ingatan mo ang pagkababae mo! Ayan lang ang tanging maibibigay mo sa asawa mo kapag ikinasal na kayo!” wikang muli ng ale sa kaniyang anak.

“Ito na naman po kami ng nanay ko. Siya ‘ma, alam ko na po lahat ‘yan. Tsaka may gusto lang akong kontrahin sa sinabi niyo. Hindi lang pagkababae ang pwede kong iregalo sa magiging asawa ko kung ‘di ako mismo! Sapat na ako, ‘ma!” baling pang muli ng dalaga saka ito humalik sa kaniyang nanay at nagpaalam na para pumasok. Ngumiti naman si Aling Marites tsaka niya tahimik na pinabaunan ng dasal ang kaniyang kaisa-isang anak.

Simula nang lumaki si Patricia ay wala nang humpay sa kakapaalala si Aling Marites patungkol sa pag-iwas sa pakikipagtal*k hanggang hindi pa naikakasal. Natatakot kasi ang ale sa panahon ngayon na nagiging pabaya ang mga kabataan lalo na ang mga kababaihan sa pagbibigay kaagad ng sarili kahit nga magnobyo pa lamang. Makaluma man siya kung tawagin ng marami ngunit para sa kaniya ay sagrado iyon at tanging mag-asawa lamang ang dapat na gumagawa.

“Panginoon ko!” nanginginig na wika ni Aling Marites habang nagliligpit ng mga gamit ni Patricia.

“Pills ito! Bakit may ganito ang anak ko?!” tanong pang muli niya sa sarili at kaagad na napaluha ang ale.

Advertisement

Dali-dali niyang niligpit ang kaniyang mga gamit at nagpunta sa kaniyang matalik na kaibigan na si Aling Nori.

“Ibig sabihin lang niyan ay ayaw mabuntis ni Patricia kaya siya umiinom niyan!” mabilis na sagot ni Aling Nori sa kaniya.

“Kilala ko ang anak ko, Nori, alam kong napagsabihan ko siya ng maayos at alam ko rin sa sarili ko na birhen pa siya kaya imposibleng mangyari ito!” hagulgul ni Aling Marites sa kaniya.

“Hay naku, sinabi ko na sa’yo, iba na ang mga kabataan ngayon. ‘Di ba ganyan din ako sa bunso ko na pinakainingatan ko kasi babae. Ilang beses ko ring pinagsabihan iyon katulad mo pero anong nangyari? Nailihim pa sa’kin sa loob ng limang buwan ang batang nasa sinapupunan niya! Sana nga nag-pills na lang siya kaysa naging magulang ng maaga. Kaya ikaw, ngayon pa lang ay kalmahin mo na ‘yang sarili mo para makausap mo mamaya si Patricia. Mas okay na ‘yan, ganun na lang ang isipin mo!” wikang muli ni Aling Nori sa kaniya sabay tapik sa likuran nito upang kalmahin ang pag-iyak ng ale.

Mabilis na inayos ni Aling Marites ang lahat, ang kanyang sarili maging ang kaniyang puso. Sinalubong niya ang kaniyang anak na kakauwi lamang galing sa eskwelahan. Niyakap kaagad niya ito na siyang nakapagpanibago sa dalaga.

“Ma, bakit naman ganyan ka? Bakit ka umiiyak?!” nagtatakang tanong ng babae sa kaniyang nanay.

Hindi napigilan ng ale ang pagpatak ng kaniyang mga luha at mas lalo pa itong naiyak. Saglit na tumahimik ang ale at kinuha ang nakitang gamot saka ipinakita sa kaniyang anak.

“Bakit nasa sa’yo ‘to, ‘ma?! Sabi ko naman sa’yo ay huwag mo ng pakialamanan pa ang mga gamit ko!” galit na wika ni Patricia sabay hablot sa gamot.

Advertisement

Hindi nagsalita si Aling Marites at mas lalo na lang itong naiyak. Lumayo ito sa anak at naupo sa kanilang hagdan, doon siya nagtakip ng mukha. Hindi niya alam ang sasabihin sa kay Patricia.

“Ma, huwag ka na ngang umiyak! Pills lang ‘to!” saad pang muli ng dalaga sa kaniyang ina.

“Hindi ba’t ilang beses kong pinaalala sa’yo kung gaano kaimportante ang pagiging birhen mo? Kung gaano kasagrado ang pagtatal*k? Saan ako nagkulang, anak? Sino siya? Bakit hindi mo siya ipakilala sa akin ng makilatis ko man lang bago ka niya nakuha,” umiiyak pa ring wika ni Aling Marites sa kaniyang anak.

Saglit na hindi nagsalita si Patricia at napayuko na lamang ito.

“Ma, sorry kung nagsinungaling ako sa’yo pero kailangan mong magtiwala sa mga desisyon ko sa buhay simula ngayon,” saad pang muli ng dalaga.

“Isa sa mga desisyon kong itago sa’yo ‘to. ‘Ma, may PCOS ako at kailangan ko ang gamot na ito para maging regular ang re*gla ko. Wala akong nobyo, ma! May sakit lang ako, pero birhen pa rin ako at hindi ko kinakalimutan ang mga bilin mo!” siwalat ni Patricia sabay yakap sa kaniyang ina at natatawa pa ito.

“Anong pinagsasabi mong may sakit ka? Ano ‘yun?!” naguguluhang tanong ni Aling Marites sabay hampas sa braso ng kaniyang anak.

“Yung kakaklase ko kasi, doktor ang nanay niya at nabanggit ko ang mga sakit na nararamdaman ko. Nagkaroon kami ng kaunting mga eksaminasyon at nakita niyang may PCOS ako, hindi pa naman daw malala kaya naman binigyan niya ako ng gamot na ito para maging regular ang dating ng reg*la ko. Hindi ko sinabi sa’yo ‘to kasi alam kong magpapanic ka lamang!” paliwanag pang muli ng dalaga sa kaniyang nanay.

Advertisement

Kaagad na niyakap ni Aling Marites ang kaniyang anak at nagpasalamat sa Diyos na nakikinig naman pala ito sa kaniya. Ngayon ay mas lalo pang pinagkatiwalaan ng ale ang kaniyang anak ngunit hindi pa rin siya tumitigil sa paggabay at pagpapaalala rito.