Ginawang Katatawanan ang Babaeng Mukha Raw Hindi Naliligo; Laking Pagsisisi Nila sa Ginawa Nang Malamang ang Totoo

Nagmamadaling lumabas ng bahay si Eva dahil late na siya sa kaniyang trabaho. Sa sobrang pagod no’ng nagdaang araw kaya napahimbing ang kaniyang tulog at hindi narinig ang ingay ng kaniyang alarm clock.

“Uy! Dumaan na naman si feeling miss beautiful. Naligo man lang ba ‘yan?” Natatawang wika ng babaeng kay aga-aga’y animo isang tanod na nakalibot sa barangay nila na nakilala niya bilang si Sonya.

“Hindi yata nagbabayad ng tubig ang babaeng ‘yan kaya hindi nauso sa kaniya ang maligo,” segunda naman ng kausap nitong nakilala niya rin sa pangalang Edith.

Wala sa loob na biglang sinuri ni Eva ang kaniyang sarili. Mukha ba siyang hindi naliligo? Sa awa ng Diyos nagtatrabaho siya para mabayaran ang mga dapat bayaran, kaya bakit iniisip ng mga tsismosang ‘to na wala siyang tubig sa bahay? Kaysa pansinin ang mga ito ay pinili na lamang ni Eva ang palampasin muna ang sitwasyon. Late na siya at baka mas lalo siyang ma-late kapag pinatulan niya pa ang mga ito.

“Kasing gulo ng bulb*l ang kaniyang buhok.” Pahabol pang wika ng mga ito na nginitian na lamang ni Eva.

Anim na buwan pa lang mula noong lumipat si Eva sa bago niyang bahay. Mas malapit kasi ang lokasyon na ito mula sa kaniyang trabaho at nalalakad lamang niya kaya mas pinili niyang lumipat rito.

Mula noong lumipat siya ay mainit na talaga ang dugo ng dalawang babae sa kaniya. Madalas nitong sinisita ang kinky niyang buhok. Ang kaniyang pananamit, at madalas napagkakamalan pa siyang hindi naliligo. No’ng una ay tinatawanan na lamang niya ang mga ito, ngunit makalaunan ay nakakaramdam na siya ng inis. Halos inaraw-araw na kasi ng mga ‘to ang paninita sa kaniya.

“Hello Ma’am Eva, kumusta po ang araw ninyo?” masayang bati sa kaniya ng gwardiyang si Ronel.

Advertisement

“Hindi siya maganda,” nakangiting wika ni Eva. “Guard, tanong ko lang. Mukha ba akong hindi naliligo?”

Agad namang humalakhak si Ronel dahil sa tanong niya. “Magulo lang po ang buhok niyo ma’am pero halata namang bago kayong paligo. Medyo basa pa nga po ang buhok niyo e.”

“Hmm… bakit kaya hindi napapansin ng mga tsismosa kong kapitbahay ang sinabi mo,” takang wika ni Eva. “Sige manong, salamat,” aniya saka tuluyang pumasok sa loob ng tindahang pagmamay-ari niya.

“Good morning ma’am,” magalang na bati ng kaniyang mga empleyado.

“Morning,” nakangiting balik bati ni Eva. “May kustomer na kayo?”

“Meron na rin po ma’am. May buena mano na po,” wika ng kaniyang kahera.

“Good,” masayang sambit ni Eva.

Bagong araw at bagong kapaguran na naman. Marami pang pending orders, kaya magsisimula na naman ang araw niyang pagod at matatapos sa pagod pa rin.

Advertisement

“Miss pwede ba kaming humingi ng discount? Marami kaming bibilhing iba’t-ibang klaseng damit paninda. Kaya kung okay lang, bigyan niyo naman kami ng discount,” buong pakiusap ni Sonya sa tindera.

“Kaso madam hindi kami ang pwede mong pakiusapan sa ganiyang bagay, kung ‘di ang amo namin. Kaya mas maiging sa amo ka na lang namin humingi ng discount,” magalang na paliwanag ng tindera.

Agad naman nitong tinawag ang sinasabi nitong amo na si Eva. Laking gulat ng dalawang babae nang makita siya.

“Siya ang amo niyo miss?” Pabulong na tanong ni Edith sa isa pang tindera.

“Yes po madam.”

“Uy! Kayo pala ‘yan,” nakangiting wika ni Eva. “Ano po ba ang maipaglilingkod ko sa inyo?”

“Ma’am Eva, nanghihingi daw po kasi sila ng discount sa mga bibilhin nila,” paliwanag ng kaniyang kahera.

“Gano’n ba?” wika ni Eva. Nais man niyang personalin ang mga ito ngunit ayaw niyang gawin. “Sige bigyan niyo sila ng thirty percent discount,” maya-maya ay wika ni Eva.

Advertisement

Akmang babalik na sana siya sa kaniyang opisina ng harangin siya ng dalawang lagi siyang pinag-tsi-tsismisan.

“Ikaw pala ang may-ari nito. Pasensiya ka na sa inasal namin ah. Akala kasi namin ordinaryong tao ka lang talaga. Napaka-simple mo lang kasi, saka wala ka pang sasakyan. Kaya pala ang ganda-ganda ng mga damit na sinusuot mo. Ikaw pala mismo ang may-ari ng damitan na ito,” wika ni Sonya.

“Pasensiya ka na talaga sa’min ah,” segunda naman ni Edith.

“Naku! Okay lang iyon. Saka hindi naman mahalaga kung ano ang panlabas na anyo ng isang tao para masabing qualified silang galangin ninyo. Bawat tao po, simple man o magarang tingnan, deserve po nating lahat ang respeto.

Katulad sa inyong dalawa, kahit ilang beses na ninyo akong pinag-tsismisan, nanatili pa rin ang respeto ko sa inyo dahil tao kayo. Sana simula ngayon ay gano’n na rin ang maging pamantayan niyo sa buhay. At saka po pala, nais ko na ring sabihin sa inyo na araw-araw po akong naliligo. Talagang kinky lang ang buhok ko kaya hindi halata.

O siya, sige at marami pa akong inaasikaso. Sa kanila niyo na lang po sabihin ang mga concerns ninyo. Magandang araw,” mahabang paliwanag ni Eva, saka nagpaalam sa dalawa.

Ika nga nila… kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay. Walang magandang maidudulot sa buhay ni Eva kung papantayan niya ang ginawa ng dalawa sa kaniya. Naging masama man ang mga ito dahil panay ang kaka-tsismis ng mga ito sa kaniya, ugali na nina Sonya at Edith ang manira ng kapwa, ‘yon ang pinagkaiba nila.