Lumayas ang Dalaga Dahil Napahiya Siya sa Simpleng Debut na Ihinanda ng Ama Niya, Laking Panlulumo Niya nang Malaman ang Ginawang Sakripisyo Nito

Matagal nang tricycle driver si Mang Eddie, pumanaw na ang misis niya tatlong taon na ang nakakalipas, ang nag iisa nilang anak na si Jocel ay mag-18 taong gulang pa lang dahil late na silang nagpakasal at bumuo ng pamilya.

Isang linggo na lang ay birthday na ni Jocel, talagang dumoble kayod siya para makabili kahit spaghetti at cake para rito. Kung kakayanin niya, makakabili rin siya ng ilang lobo, puto at isang case ng softdrinks. Alam naman kasi niya kung gaano ka-gusto ng kanyang anak ang magkaroon ng party para sa debut nito.

Nanginginig ang kamay ni Mang Eddie isang araw, bukod kasi sa pagta-tricycle, sumasama rin siya sa pukot para mangisda. Kung mahina naman ang pasada lalo na sa tanghali dahil siyesta, nagbubuhat siya ng uling sa palengke. Pagud na pagod siya pag uwi sa bahay.

“Pa, isang linggo na lang birthday ko na.” sabi ni Jocel sa ama, nakangiti lang naman ang lalaki. Hindi niya sinasabi sa anak na ipaghahanda niya ito at iimbitahin ang mga kaklase nito sa bahay nila.

“Si Angeli noong nagdebut, may 18 roses ang ganda ganda talaga. Pati ang gown niya, parang prinsesa.” nangangarap na sabi ni Jocel.

Mabilis lumipas ang isang linggo ang sumapit na ang araw ng kanyang debut, walang ganang bumangon noon ang dalaga, alam niya naman kasi na sa hirap ng buhay nila wala siyang maaasahang may party na magaganap.

“Happy Birthday anak, umuwi ka agad mamaya ha.” nakangiting sabi ni Mang Eddie tapos ay kiniss siya sa noo.

Hindi umimik ang dalaga at pumasok na sa eskwela. Lumipas ang walang kwentang araw, inis na inis siya dahil ayaw niya pa sanang umuwi, gusto niya munang tumambay kasama ang mga kaklase pero nang yayain niya ang mga ito noong uwian ay tinanggihan siya. Lahat ay may pupuntahan daw.

Advertisement

Bwisit!

Pagbukas niya ng pinto ng bahay ay nagtaka siya kung bakit madilim. Maya maya pa ay bumukas ang ilaw. Naroon ang kanyang ama na may hawak na maliit na cake, at ang lahat ng kanyang kaklase na sabay sabay bumati ng ‘happy birthday!’

Minasdan niya ang paligid, limang pirasong lobo na iba iba ang kulay, maliit na cake at maputlang spaghetti. Mayroon ding mga softdrinks sa gilid at mga puto na halata namang mumurahin.

At talagang imbitado ang mga kaklase niya, nakakahiya dahil makikita ng mga ito ang kalagayan niya sa buhay!

Lumapit sa kanya ang ama at iniabot ang isang pulang rosas.

“Maligayang kaarawan, prinsesa ko.” nakangiting sabi nito. Tinabig ni Jocel ang roses at ikinagulat iyon ng lahat.

“Pa, pinahiya mo naman ako eh!” sabi niya sabay takbo palabas.

Hindi niya alam kung saan siya pupunta ang mahalaga ay makalayo siya roon. Nasalubong niya ang isang tindera.

Advertisement

“Ne, diba ikaw ang anak ni Eddie? Happy bertday pala ha,” sabi nito habang nakangiti. Paano naman nito nalaman ang birthday nya? Tila nabasa ng ale ang nasa isip niya at nagsalita itong muli.

“Nako, eh suma-sideline kasi ng trabaho ang tatay mo sa akin taga-buhat ng uling para daw dumoble ang kita. Nag-iipon para sa bertday mo daw. Bilib nga ako, muntik nang matumba sa pagod iyan noong isang araw dahil sumama rin sa pukot ng isda, bukod pa sa pagta-tricycle ha, pero tuloy pa rin dahil kulang pa raw pambili ng cake mo.” tuloy-tuloy na sabi nito, nagtataka siguro ito bakit napaiyak siya ngayon.

Maling mali siya. Naging makasarili siya at hindi inisip ang ama na handang ibigay ang lahat para sa kanya.

Naglakad siya pabalik sa bahay nila, naabutan niyang nasa gate ang kanyang ama at tulala. Sumigla ang itsura nito ng makita siya.

“Anak pasensya kana, kung wala akong maibigay na 18 roses sa iyo, akala ko kasi ay masaya ka na kahit ako lang ang ka-sayaw mo ngayon at ito lang ang-” hindi natuloy ng lalaki ang sasabihin nang bigla siyang tumakbo para yumakap dito.

“Pa, I’m sorry.” sabi niya habang humihikbi.

Muli silang bumalik sa loob at tulad ng pinlano, ang ama niya ang naging escort niya. Kahit hindi bongga ang debut, hinding-hindi niya iyon malilimutan dahil pinaghirapan iyon ng kanyang ama.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba.Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.