Pinalayas ng Matandang Lalaki ang Manugang na Babae Dahil Tinangay Nito ang Pera ng Asawang Yumao, Paglipas ng Taon ay Natuklasan Niya ang Nakakaiyak na Dahilan Nito

“Lumayas ka dito! Peste kang babae ka! Tinanggap ka namin, pero anong ginawa mo? Kawawala lang ng asawa mo, pera niya na agad ang tinangay mo!” galit na galit si Mang Berting sa manugang niyang si Vanessa.

Ilang araw palang kasing namamatay ang anak niyang si Peter ay nalaman niyang ginastos na ng babae ang savings ng anak para sa mga apo niya. Ayaw naman sabihin nito kung saan nito dinala ang pera.

“Winaldas mo lang ang perang para sa kinabukasan ng mga anak mo! Lumayas ka!”

Iyak nang iyak si Vanessa pati na rin ang mga anak niya. Gusto niya sanang isama ang mga ito pero matigas na tumanggi ang byenan niya.

“Pangako po ‘Pa, babayaran ko po ang perang nagastos ko,” umiiyak na sabi niya sa matanda. At saka niya niyakap ang dalawang musmos na anak, “Babalikan ko kayo mga anak, pangako.”

Ilang buwan ang lumipas at namuhay nang payapa ang mag-lolo. Sa tulong ng kanyang pensyon ay napag-aaral at nabubuhay niya ang dalawang apo. Ang inaalala niya lang ay paano kung mawala siya, sino na ang titingin sa mga ito?

“Kung hindi lang kasi walanghiya ang nanay ng mga ito. Wala na sana akong iisipin kapag nawala ako.”

Ilang taon ang lumipas at nabuhay niya naman nang maayos ang dalawang bata. Pero dumating ang panahon na mahina na siya at kailangan pa rin ng gabay ng dalawa niyang apo. Dumadating pa sa punto na nagtatampo ang mga ito sa tuwing naiisip na siya ang nagpalayas sa ina ng mga ito.

Advertisement

Hanggang isang gabi ay namalayan niya nalang na nawawala na ang panganay niyang apo. Sobrang kaba niya habang hinahanap ito. Hanggang makatanggap siya ng tawag mula sa police station. Naroon daw ang apo niya.

“Dexter, anong ginawa mo? Saan ka nagpunta?”

Tila nadurog ang puso niya sa sagot nito, “Hinanap ko po si Mama.”

Doon ay nagdesisyon siyang kontakin muli ang manugang pero nanlumo siya nang malamang hindi na iyon ang phone number nito kaya nagdesisyon siyang puntahan ito sa probinsya nito.

Doon ay nakita niya ang kanyang balae, ina ni Vanessa.

“Maraming salamat, balae.”

Nagtaka siya nang bigla siyang yakapin ng umiiyak na ginang, “Bakit? Para saan?”

“Kung hindi dahil sayo, matagal na akong nawala sa mundong ito.”

Advertisement

“Ha? Anong ibig mong sabihin?”

“Nadisgrasya kasi ako noon at kailangang maoperahan agad. Nagdala si Vanessa ng malaking halaga sa ospital para mapaopera ako. Nang tanungin ko kung kanino galing ang pera, ang sabi niya’y binigay mo daw. Kaya maraming-maraming salamat sayo. Niligtas mo ang buhay ko.”

Doon luminaw ang lahat para sa matanda. Agad niya itong naintindihan dahil ina nga naman ito ng manugang niya. At kahit ano’y gagawin mailigtas lang ito. Humingi siya ng tawad sa manugang at agad na pinabalik sa kanilang tahanan. Ngayon ay payapa na ang kanyang loob na may mag-aalaga sa kanyang dalawang apo lalo na kapag nawala siya.

Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.