Reyna ng Utang Kung Tawagin ang Babae sa Kanilang Lugar, sa Huli’y Pinakita Niyang Nasa Kanya ang Huling Halakhak

Si Emilia ay nakatira sa isang iskwater area, may limang anak at ang kanyang asawa ay isang construction worker.

Araw-araw siyang tampulan ng chismis kaya kahit nasasaktan ay nasanay na siyang huwag na lamang kumibo. Di naman malulutas noon ang mga problema nya.

“Alam niyo ba sinugod na naman ni Aling Tessa yang si Emilia, isang buwan na daw hindi nagbabayad ng utang!“ wika ng isang babae sa nagkukumpulang mga chismosa sa isang tindahan.

Sakto namang dadaan si Emila para bumili. Alam niya nang siya ang pinag-uusapan ng mga ito, nagbubulungan habang nakatingin sa kanya. Nakayuko na lamang siyang dumaan sa mga ito at tila walang narinig. Naniniwala si Emilia na malalagpasan din nila ang lahat ng pagsubok sa kanilang buhay.

Nang mamatay kasi ang nanay niya ay halos siya ang gumastos, mula sa gamutan nito hanggang sa pagpapaburol. Pawang mahihirap lang rin kasi ang mga kapatid nya.

Isang araw habang nakaupo si Emilia sa labas ng kanyang bahay, ay dumating si Aling Tessa, ito ang nagpautang sa kanya. Kilala itong nagpapa-5-6 sa lugar nila na ubod ng laki kung magpatubo. Pero dahil sa kagipitan ay kinagat niya na rin.

“Hoy! Emilia baka gusto mo na akong bayaran!” galit na galit na sabi ni Aling Tessa.

Napakamot siya sa ulo. Delayed na naman kasi ang sahod ng asawa niya kung kaya wala pa siyang pambayad dito.

Advertisement

“Wala pa ho talaga akong pera Aling Tessa. Hindi pa nga kumakain ng pananghalian ang mga anak ko,” umiiyak na sabi ni Emilia.

“Wala akong pakialam! Nasa akin ba ang kaldero niyo?! Babalik ako dito sa makalawa, kapag wala ka pa ding naibigay mag-uusap na tayo sa baranggay!” pagbabanta na ng ginang.

Halos magmakaawa siya sa ginang ngunit tila bingi ito sa pag-iyak niya. Sa totoo lang ay bayad na siya sa principal ng kanyang utang, lumaki na lamang nang lumaki iyon dahil sa mataas na interest na pinapatong ni Aling Tessa.

Napaiyak na lamang siya at napatingin sa mga anak niyang umiiyak din dahil sa gutom.

Gabi na nang makauwi ang asawa ni Emilia na si Uno. Sinabi niya dito ang pagbabanta ni Aling Tessa habang umiiyak. Sabayan pa ng pag-iyak ng bunso nilang anak na kanina pa naghahanap ng maiinom na gatas. Hindi niya naman mapadede ito sa kanya dahil sa sakit na ubo’t sipon niya. Natatakot siyang mahawa sa kanya ang anak. Dagdag gastusin na naman kung magkakataon.

“Hanggang kailan ba tayo magtitiis sa ganitong buhay, Uno?” sabi niya sa kanyang asawa.

“Emilia nakapagdesisyon na ako, makikipag-sapalaran ako sa ibang bansa,” seryosong ika ng kanyang asawa. Laking gulat niya sa sinabi nito. Ayaw na ayaw kasi nitong mapapawalay sa pamilya hangga’t maaari. Ngunit nasabi daw ng kasamahan nito na aalwan kahit papaano ang buhay nila kung susubok siya sa ibang bansa. Hanggang sa nagkasundo nga silang subukan ang kapalaran ni Uno sa bansang Saudi Arabia.

Lumipas ang ilang buwan at nakalipad si Uno paibang bansa. Halos mabaon pa sila lalo sa utang makaalis lamang ito. Wala na siyang pakialam kahit maging mas tampulan pa sila ng chismis. Ang mahalaga sa kanya ay ang kinabukasan ng mga anak niya. Hindi niya hahayaang mamatay sa gutom ang mga ito. Advertisement

Tumagal si Uno ng limang taon sa Saudi at bumalik din sa Pilipinas pagkaraan. Nakaipon ito kahit papaano ng sapat na pera pambayad ng utang nila at pagpapatayo ng isang maliit na negosyo.

Nagpatayo sila ng isang maliit palaisdaan. Taimtim at halos araw-araw pinagdarasal niya na sana’y lumago ang kanilang negosyo. Ito na ang huling baraha para sa kanila. Hindi na nga ininda ni Uno kahit mapalayo ang loob ng mga anak niya sa kanya dahil sa matagal na pagkawalay, ang mahalaga sa kanila at talagang tinututukan nila ay ang kinabukasan ng mga ito.

Hanggang lumipas ang ilang buwan at naging maganda ang takbo ng kanilang negosyo. Araw araw ay naging maganda ang huli sa kanilang palaisdaan. Unti-unti nilang nabayaran nang tuluyan ang mga utang ng kanilang pamilya. Nakatulong pa sila sa ibang nangangailangan dahil kumuha sila ng mga tao para sa kanilang lumalaking palaisdaan. Hindi sila naging maramot sa kapwa. At naging mapagpatawad si Emilia sa mga taong sinubukan silang hilahin pababa noon.

“Akalain niyo si Emila na diyosa ng mga umuutang dati ay siya na ngayon ang inuutangan at hinihingian ng tulong,”usap-usapan pa rin siya ng mga ginang na nagkukumpulan sa isang tindahan.

Kung noon ay hiya ang nararamdaman niya sa tuwing makikita niya ang mga taong pinag-uusapan siya, ngayon ay nakangiti na siyang humaharap sa mga ito.Napalitan din ang mga panlalait noon ng paghanga kay Emilia mula sa mga taong nanghusga sa kanya at sa pamilya niya.

Dahil lamang sa sipag, tiwala at tiyaga ay nagawang umahon ng pamilya nina Emilia at Uno sa kahirapan. Baon lamang ang pait at hirap ng kahapon ay nagawa nilang bumangon at harapin ang magandang kinabukasan.