Masayang Masaya ang Mister Dahil Kambal ang Ipinagbubuntis ni Misis, Pero Pagsilang ng Mga Sanggol ay Ibang Lahi ang Itsura ng Isa
Masayang binuhat ni Jerry ang isang banyera ng isdang nahuli, iuuwi niya ito at maya maya rin ay pi-pick upin ng kanyang ina upang ibenta sa bayan. Isa siyang mangingisda sa Aklan, mayroon siyang isang anak na limang taong gulang habang ang misis niya namang si Divina, na dating nag abroad ay isa nang tourist guide ngayon, malapit lamang kasi sila sa Station 1 ng Boracay.
“Nak, kain tayo. Saan si mama?” masuyo niyang sabi kay Gabriel, masaya siyang sinalubong ng bata.
“Wala po mama, ano uwi mo papa?” nakaabang ito at ang mga mata ay puno ng pag asa.
“Ay nakalimutan ko..biro lang! Pwede ba yun, o kabibe para sa prinsipe ko,” sabi niya at inilabas ang isang kabibe na tinuhod niya sa tali. Isinabit iyon sa leeg ng batang tuwang tuwa.
Maya maya pa ay dumating ang misis niya at niyakap agad ito ng anak sa hita, “Ano ba Gabriel malansa ka,” masungit na sabi nito.
“Na-miss ka lang nyan. Tena, ang sarap ng sapsap na may kamatis.Ihahain na kita?”
“Mamaya na, pagod ako,” sabi ng babae.
“Nako ma, pag sinuswerte nga naman. Ang dami kong nahuli, sina pareng Mulong parang gagabihin at wala pa halos laman ang timba. Ako marami na,” masayang pagbabahagi niya sa misis.
Napairap naman ang babae, nakakabwisit kasi na ganoon na lang ang kaligayahan ng mister. Ayaw niya ng ganitong buhay, hindi siya kuntento. Kung pinatos lang siya ng amo niya edi sana hindi na siya bumalik rito sa Pilipinas, kaya lang eh pinauwi siya dahil sa pang aakit niya at tangkang pagsira ng pamilya nito. Buti nga hindi nalaman ng mister niya iyon. Sabagay, ano ba ang alam ni Jerry eh mangmang naman ito.
Kinagabihan ay pagod na nakahiga ang lalaki, si Divina ay nakatitig lang sa asawa. Ang bobong ito, walang kaalam alam na nagtataksil na siya. Hindi lang siya basta tourist guide, nang aakit rin siya ng mga foreigner na nagpapa-tour sa kanya. Kanina nga lang ay isang black american ang sinerbisyuhan niya. Kahit papaano ay nakaramdam naman siya ng pagkahabag sa mister, bakit ba kasi mahirap ito?
Hinaplos niya ang braso nito, nang tignan siya ni Jerry ay tila nagkaintindihan na sila. Pinagsaluhan nila ang init sa malamig na gabi.
Isang linggo pa ang nakalipas ay di na makapag tour guide si Divina, grabe kasi ang pagkahilo niya at pagsusuka. Konting amoy na hindi niya magustuhan ay masusuka siya. Kaya naman naisipan niyang pumunta na sa bayan at doon magpacheck up, kinompirma ng doktor na nagdadalantao siya.
Napabuntong hininga ang babae, lalong hindi siya makakabingwit ng foreigner ganitong buntis siya. Nalintikan na.
Kabaligtaran naman ang reaksyon ni Jerry, masayang masaya ito. “Ma wag kang mag alala kakayanin natin ang buhay, basta kapitan mo ako. Kahit magkandakuba ako ay ayos lang basta mabuhay ko kayo,” pangako nito. Gusto niya itong sagutin ng, ayoko ng buhay na ibibigay mo! Kaya lang ay pinili niya na lamang na manahimik.
Makalipas ang ilang buwan ay halos magtatalon ang lalaki nang malamang kambal ang kanyang ipinagbubuntis, parehong babae.
“Ang tagal ko nang humihiling sa Diyos na bigyan tayo ng prinsesa, ngayon ay dalawa pa ang ipinagkaloob niya!” sabi nito. Si Divina naman ay walang masyadong pakialam.
“O saan tayo kukuha ng pera panganganak ko? Caesarean section ako panigurado, hindi pwedeng i-normal to,”
“Gagawa tayo ng paraan. Para sa kambal. Mahal na mahal ko kayo ma..”
Mabilis umandar ang mga buwan at humilab na ang tyan ni Divina. Agad siyang isinugod sa ospital at sinimulan na ang operasyon.Kabado si Jerry na naghintay sa labas ng delivery room at ilan pang sandali ay lumabas ang seryosong doktor.
“Sir sorry ho. Hindi kami aware na highblood ang misis ninyo.. malusog ang kambal at pwede nyo na ho silang silipin sa nursery. P-pero ang misis nyo ho..hindi niya kinaya..” mahinang sabi nito.
“H-ho..Doc bakit ho..paanong..” hindi niya mahagilap kung ano ang sasabihin.
“I’m sorry,” sabi nito at umalis na.
Tulala si Jerry, napasandal siya sa pader ng ospital dahil sa narinig. Napakasakit pero kailangan niya pang maging matatag, tatlo na ang umaaasa sa kanya ngayon.
Ipinangutang niya lang ang panganganak ng misis. Kahit na maputol na ang braso niya sa kasasagwan makahuli lang ng isda, di bale na. Pero mawawala rin pala ito sa kanya.
Ang sakit sakit ng kanyang dibdib at naisipan niyang silipin ang kanyang mga anghel para lumakas ang kanyang loob na ipagpatuloy ang buhay. Pagtapat niya sa nursery ay agad na iniangat ng nurse ang isang sanggol, napangiti si Jerry. Kulot ito, kagaya niya.
Pero nawala ang ngiti niya nang iangat ng nurse ang isa pang sanggol.
Napakaitim ng balat nito, makapal ang labi at malayung malayo sa itsura nila ng asawa. Sumenyas pa siya sa nurse ng ‘sigurado ka’? at itinuro ng babae ang name tag nito.
“Mag usap tayo sa opisina ko,” napapitlag ang lalaki at paglingon niya ay naroon ang doktor. Walang imik na sumunod siya rito.
“Superfecundation ang nangyari sa misis mo. Ibig sabihin, dalawang lalaki ang nagbigay sa kanya ng semilya sa iisang araw. Dalawa ang obaryo ng isang babae, dalawa ang nagpo-produce ng itlog.Nagkataon na tig isa kayo ng lalaki na nagbigay ng sperm sa mga obaryong iyon, kaya nabuo ang kambal na magkaibang ama,”
Halos pumutok ang ulo ni Jerry sa paliwanag ng doktor, para siyang nabingi. Ang naintindihan niya lang, magkaiba ang ama ng sanggol.
“If you want, ibenta mo sa akin ang isang baby. Bihirang mangyari ang ganyan kaya ipapaalam ko sa media at para makatulong sa mas marami pang pag aaral. 50,000.. magbabago ang buhay mo.”
Napaisip si Jerry, hindi niya naman anak ang binibili nito. Kahit kelan rin ay hindi pa siya nakahipo ng ganoon kalaking halaga.
“Ano? You can decide, hindi mo na rin kailangang bayaran pa ang bill dito sa ospital,” sabi nito.
Bumuntong hininga ang lalaki, “Hindi. Palalakihin ko ang ANAK ko.”
Pinanindigan ni Jerry ang desisyon niyang iyon. Kahit na nabaon siya sa utang at ubod ng hirap ng buhay ay kinaya niya para sa tatlong anak. Matalino ang kambal at kahit kailan, hindi niya ipinaramdam sa isa na iba ito.
Sinabi niya rito ang katotohanan tungkol sa pagkatao nito at dahil doon ay lalo siyang minahal ng bata. Dahil sa kanyang pagtanggap sa kabila ng lahat.
Ngayon ay nasa US na ang panganay ni Jerry at may magandang trabaho. Ang kambal naman ay may sarili nang negosyo at hindi na nangingisda pa si Jerry. Ibinili siya ng mga ito ng sariling bahay, na hiniling niyang maging maliit lang dahil balang araw ay siya na lamang namang mag isa.
Pero ayaw pumayag ng dalawa at malaki pa rin ang ipinagawa para sa kanya, sa kanyang kaarawan ay sinurprise siya ng mga anak at binigyan siya ng kotse.
“Salamat mga anak,” sabi niya. Lumapit sa kanya ang bunsong si Kyla, itinuring niya na itong sarili niya.
“Hindi po papa, salamat po.”