Walang Disiplina Kung Magtapon Kung Saan-Saan ang Lalaki, Laking Pagsisisi Niya Nang Bumaligtad ang Mundo at Naging Basurero Siya

Kahit pa laging sinasaway ng kaniyang mga magulang, lumaki pa ring walang pinagkatandaan si Marky. Lagi itong nagtatapon ng basura kung saan man niya gustuhin. Maliit man tulad ng balat ng kendi, o malaki tulad ng 1.5L na plastik na mga bote, iniitya niya lang iyon kung saan siya abutin. Bukod pa roon, bisyo ni Marky ang paninigarilyo. Kung kaya naman kung saan-saan na lamang niya itinatapon ang upos ng kanyang sigarilyo matapos itong hithitin.

Isang araw, napansin ng kanyang nobya ang nakakahiyang ugali ng lalaki nang makitang naghagis ito ng balat ng tsitsirya sa labas ng bintana ng kanilang umaandar na sasakyan.

“Babe! Ano ka ba? Kaya nagbabaha e. Bakit mo tinapon doon? May basurahan naman tayo,” wika ni Jerlie.

“Sus! Hayaan mo. Wawalisin din ‘yan ng mga walang pinag-aralang hampaslupang basurero,” nakatawa pang tugon ni Marky.

“Nakakainis naman ‘to e! At bakit ka nanghahamak ng mga walang pinag-aralan? Ikaw nga e, nakatapos at matagumpay pero ‘yong mga hinahamak mo ang nagliligpit ng kalat mo,” sagot ni Jerlie sa kanyang nobyo.

“Ang dami mong sinasabi, para nagtapon lang e. Para kang nanay ko,” sigaw ni Marky. Hindi na sumagot pa si Jerlie para hindi na humantong sa away ang kanyang pananaway.

Lumipas ang mga buwan at ganoon pa rin ang pag-uugali ng lalaki. Pati sa opisina niya ay pinag-uusapan na siya dahil napakakalat nito sa kanyang pwesto.

“Grabe si Sir Marky ‘no? Por que may tiga-linis tayo e wagas na kung makapagkalat. Pati ba naman ‘yong mga balat ng pinagkainan niya isinisingit lang kung saan. Hindi mo maintindihan kung tamad lang o sadyang walang modo e,” wika ng isang ka-opisina ni Marky.

Advertisement

“Kaya nga. Naaawa nga ako sa mga tiga-linis natin dahil alam kong mababa lang ang pasahod sa kanila kaya hangga’t kaya ko e tinutulungan kong bawasan yung kalat sa opisina,” sagot naman ng isa pa.

Isang gabi, natulog sa kanyang bahay si Marky. Pagod ito galing trabaho at agad nang nahiga sa kanyang kama. Nang magising siya, laking gulat niya na imbis na sa kwarto niya ay sa isang kariton siya nakahiga. Agad niyang hinanap kung nasaan ang cellphone niya upang tawagan ang kanyang nobya at itanong kung ano ang nangyari. Ngunit hindi niya ito makita. Tiningan niya ang kanyang suot at nagulat siyang gula-gulanit na t-shirt at shorts lang ang kanyang suot.

“T*ngina, ano ‘to?! Pinagtitripan ba ko ng mga kaibigan ko?” bulong nito sa sarili.

Naglibot-libot siya sa paligid upang makabiyahe na pauwi sa kanyang bahay, ngunit hindi siya pamilyar sa lugar na kanyang kinaroroonan. Sinubukan niyang magtanong sa mga tao ngunit agad siyang nilalayuan ng mga ito kahit hindi pa siya nakakalapit. Alam niya naman ang dahilan dahil umaalingasaw ang amoy ng dumi at basura sa kanyang katawan.

Sa kanyang paglalakad, laking gulat niya nang makita ang nobyang si Jerlie na naglalakad papuntang grocery store. Agad niya itong nilapitan.

“Babe! P*ta! Anong kalokohan ‘to? Ano bang nangyayari? Iuwi mo na nga ako!” wika nito sa nobya.

Gulat na gulat siya nang isang lalaki na kamukhang-kamukha niya ang biglang lumapit at sinigaw-sigawan siya.

“Hoy, g*go! Bakit ka lumalapit sa’min? Ang baho-baho mo! Basurero! Lumayo ka nga,” wika ng lalaki.

Advertisement

Sinubukan pa niyang magpaliwanag ngunit bigla na lamang siyang pinaulanan ng suntok at tadyak ng binata. Nawalan siya ng malay, at maya-maya pa ay nagising nang wala nang araw. Ramdam niyang kumakalam na ang kanyang sikmura at hindi na niya alam ang gagawin. Sinubukan niyang humingi muli ng tulong sa mga tao ngunit tulad ng kanina ay nilalayuan at tinataboy siya ng mga ito.

Napaupo na lamang siya sa isang tabi, at napatayo nang makita ang isang lalaki na nagtapon ng tirang tinapay sa basurahan. Napaka-selan niya sa pagkain, ngunit dahil sa matinding gutom ay tumakbo siya papalapit sa basurahan at agad kinuha ang tinapay. Matapos noon, sinubukan niya na rin ang mamulot ng mga basura upang ibenta sa isang junk shop na nakita niya. Lumipas ang ilang araw at halos mabaliw na si Marky sa pag-iisip kung ano ang nangyari.

Isang gabi, napaiyak na lamang si Marky dahil sa hirap na nararanasan. Sising-sisi siya sa mga ginawang panghahamak sa mga basurero noon. Naisipan niyang dumaan sa isang simbahan at mataimtim na nanalangin.

“O, Diyos ko. Hindi ko alam kung pinaglalaruan niyo ako, pero lubos na akong nagsisisi sa mga ginawa ko noon. Pinapangako kong labis akong magbabago, ibalik lang ninyo ang dati kong buhay,” iyak ni Marky sa harap ng altar.

Maya-maya pa ay lumabas na siya at naghanap ng matutulugan. Nang makakita ng isang bakanteng sulok sa tapat ng isang tindahan, agad niya itong nilatagan ng karton at nahiga. Kinabukasan, laking gulat niya nang magising siya sa dati niyang kwarto.

“Babe! Grabe ka, ang haba ng tulog mo. Dalawang araw ka atang hindi gumising, kinabahan ako sa’yo! Dadalhin na dapat kita sa ospital e,” wika ni Jerlie sa kanya habang niyayakap siya.

Agad siyang bumangon at umiiyak na niyakap ang babae. Laking pasasalamat niya na panaginip lang pala ang lahat.

Magmula noon ay natutunan ni Marky na ‘wag maliitin ang mga basurero, dahil naranasan niya ang hirap na pinagdadaanan ng mga ito. Natutunan na rin niya ang magtapon sa tamang lugar at maging malinis sa sariling mga gamit. Naging napakasaya naman ng pamilya at nobya niya nang makita ang malaking pagbabago sa ugali ng lalaki.

Advertisement

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!