Naniniwala Ka Ba sa Langit?

“Naniniwala ka po ba sa langit, lola?” pagtatanong ng walong taong gulang na si Pia sa kanyang Lola Selma.

“Ayan, apo, nakikita mo naman ang langit,” tugon ng kanyang lola habang tumuturo paitaas sa mga ulap habang nakaupo sa kanyang tumba-tumba.

“Hindi po ‘yang langit na yan, lola. Ang gusto ko pong malaman ay kung naniniwala po ba kayo na talagang may langit?” nakangising sambit ng kanyang apo. “Kasi po ang sabi po sa aming aralin sa paaralan ay mayroon daw pong langit at kapag tayo daw po ay pumanaw ang mga mabubuti raw po ay mapupunta doon.

Tapos ang mga masasama naman po ay hindi. Sabi naman po ng aking kaklase may mga anghel naman daw po sa langit. Mga nagkakantahan at tumutugtog ng trumpeta,” napatawa ang bata. “Naniniwala po ba kayo sa mga ito, lola?” hindi matapos-tapos na pagtatanong ni Pia.

“Hindi ko rin masagot ‘yan, Apo. Tingin ko ay naniniwala ako sapagkat ako ay katoliko,” tugon naman ni Lola Selma.

“Pero nakita ninyo na po ba ang sinasabing nilang langit, lola?” takang-takang tanong muli ng bata.

“Ikaw talaga, apo. Ang dami mong tanong,” natatawang wika ng kanyang Lola. “Alam kong hindi ka titigil sa iyong pagtatanong kaya sasagutin ko na. Ang totoo sa edad kong walumpu’t tatlo, hindi ko pa nakikita ang langit na sinasabi nila. Pero kung ako naman ay mawawala, syempre nanaisin ko na sa langit mapunta.

Hayaan mo, apo, kapag sa langit nga ako nagtungo, babalik ako upang sabihin sa’yo na totoo ito. Ilalarawan ko sa’yo kung ano ang itsura ng sa ganoon ay hindi ka na nagtataka riyan,” natatawang tugon ng matanda. Kita sa mukha ni Pia ang takot.

Advertisement

“Teka, lola, ‘wag po muna kayong mawawala! Ayoko na nga pong magtanong ng kung anu-ano!” nalulungkot si Pia dahil napagtanto niya na matanda na talaga ang kanyang Lola Selma.

Magkasama sa bahay ang dalawa at ang isa pa niyang tiyahin. Nanay ng kanyang ina si Lola Selma. Dahil parehas nagtatrabaho ang mga magulang ng niya sa ibang bansa, naiwan siya sa pangangalaga ng kanyang tiyahing si Tiya Aurora, nakababatang kapatid ng kanyang ina.

Madalas na magkwentuhan ang mag lola. Tuwing hapon ay palagi silang matatanaw sa terasa. Sa tumba-tumba kasi sa terasa madalas magsiyesta ang matanda. Si Pia naman ay laging nakabuntot sa kanyang lola para mapakinggan ang mga kwento nito.

“Nay, nabalitaan ninyo ba si wala na daw ang kapitbahay nating si Atty. Suarez? Napakabata pa niya ano? Nasa kwarenta lamang ata siya. Inatake daw sa puso kanina,” kwento ni Tiya Aurora sa kanyang ina.

“Kailan daw ilalagak ang kanyang mga labi? Kawawa naman, masipag pa naman ang batang ‘yon,” sambit naman ni Aling Selma.

“Pagdala raw sa ospital ay wala na itong buhay kaya dineretso na punerarya. Baka mamayang hapon ay ibuburol na siya,” sagot naman ng kanyang anak.

“Kay bilis naman ata! Mamayang hapon na?” pagtataka ng matanda. “Bakit kay bilis din na i-embalsamo ang kanyang bangkay. Noong araw walang embalsamo na nangyayari kaagad. Ito ay upang bigyan ng pagkakataon ang mga tao na muli pang mabuhay,” pagkukwento ni Aling Selma. “Kaya ako, kung darating ang oras ko ay huwag na huwag ninyo muna akong dadalhin sa punerarya upang ipaembalsamo. Hintayin ninyo munang tuluyang lumamig ang aking katawan. Mas maganda nga ay huwag ninyo na akong ipaembalsamo at ilibing na lamang makalipas ang tatlong araw,” habilin ng matanda.

“Nay, huwag nga kayong nagsasasalita ng ganyan at kinikilabutan ako. Mahaba pa ang buhay ninyo. Tignan ninyo at ang laki-laki niyang mga tenga ninyo!” pagbibiro ni Aurora sapagkat hindi niya kayang isipin na mawawala na ang kanyang ina.

Advertisement

“Basta sabihin mo ‘yan sa ate mo, ah! Sa’yo ko ‘yan ibinilin. Tandaan mo dadalawin kita kapag hindi mo tinupad ‘yan,” giit ni Aling Selma.

“Oo na po, Nay. Sige na. Tama na ho ang ganitong kwentuhan,” pag-iwas ng anak.

Ilang linggo palang ang nakakalipas mula ng usapan na iyon ay biglang tumumba si Lola Selma.

“Tiya! Tiya!” natatarantang sigaw ni Pia. “Tiya! Tiya, ang Lola Selma po!” ninenerbyos na tawag muli ni Pia sa kanyang tiyahin. Dali-dali namang nagtungo sa kanila si Aurora.

“Anong nangyayari sa lola mo?” natatarantang tanong na rin ni Aurora habang sinusubukan na buhatin ang matanda. “Nay! Nay!” pilit na ginigising ni Aurora ang kanyang ina.

“Lola, gumising na po kayo! Tiya ano pong mangyayari kay lola?” ngawa ng ngawa ang bata. “Ano ba ang nangyari, Pia?” pagtataka ng kaniyang tiyahin. “Nakita ko na lamang po siyang walang malay diyan.

Hindi ko po alam kung hinimatay po siya o nadulas. Basta inabutan ko po na riyan na siya sa sahig,” wala pa rin patid sa pag-iyak si Pia. Dali-dali silang tumawag ng tulong at ng ambulansya at saka dinala si Lola Selma sa ospital.

Nang makarating sa ospital ay dineklara na ang matanda na wala nang buhay. Napuno ng iyakan ng magtiyahin ang buong ospital.

Advertisement

“Nay! Bakit ninyo kami agad iniwan?” pagdadalamhati ng kanyang anak.

“Lola, gumising na po kayo riyan!” naglulupasay naman sa lungkot si Pia. Nang sila ay mahimasmasan, naalala ni Aurora ang mahigpit na bilin ng kanyang ina na huwag siyang ipaembalsamo at ilibing na lamang sa ikatlong araw mula ng kanyang pagpanaw.

Sinabi ni Aurora ang tungkol sa habilin ng ina sa kanyang Ate na nasa ibang bansa. “Uuwi kami d’yan agad ng asawa ko, Aurora. Ikaw na muna bahala d’yan. Gagawin ko ang lahat upang makauwi ng mas maaga. ‘Wag mong pabayaan si Pia, Aurora. Saka ‘yung tungkol kay Nanay, sundin mo na lang ang kanyang hiling,” wika ng ina ni Pia sa kabilang linya ng telepono.

Dahil na rin sa kagustuhan ng matanda ay hindi na siya pinaembalsamo pa. Kinagabihan ay nakalagay na ito sa kanyang kabaong ngunit ito ay nakabukas. Nang dadasalan na nila si Aling Selma para sa kapayapaan ng kanyang pagpanaw ay bigla na lamang itong huminga at gumalaw.

Unti-unting dumilat ang kanyang mga mata. Lahat ay nagulat sa kanilang nakita. Ang iba pa nga ay napatakbo sa sobrang takot sa pangyayari.

“Nauuhaw ako, maaari ba akong makahingi ng tubig?” iyan ang mga unang sinabi ng matanda. Agad naman siyang dinalhan ng tubig. Kagula-gulantang na bumangon ito at uminom.

Maging si Lola Selma ay nabigla rin sa mga pangyayari. Hindi niya alam na siya ay pinaglalamayan na pala.

“Inay, inideklara kayong wala ng buhay sa ospital! Naroon ako, nakita ko! Nakita ko, Nay na hindi na kayo humihinga at wala nang pulso. Paanong nangyari ito? Salamat sa D’yos at buhay pa kayo!” patuloy sa paghagulgol si Aurora. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala.

Advertisement

Ikinuwento ng matanda ang alam naman niyang nangyari sa kanya. “Ang naaalala ko na lamang ay napadpad ako sa isang maliwanag na lugar. May hagdan akong natanaw kaya agad akong umakyat sa mas maliwanag pang lugar. Doon ay nakakita ako ng isang isang talaan. Hindi malinaw sa akin ang mga nakasulat.

Nang lumingon-lingon ako sa paligid ay wala namang tao. Maya-maya ay naroon na lamang sa aking harapan ang isang anghel. Hawak na niya ang listahan at agad niyang sinabi sa akin na wala pa raw ang pangalan ko sa listahan kaya kailangan kong bumalik sa lupa. Kaya ito, bigla na lang akong nagising. Hapong-hapo ang aking katawan at uhaw na uhaw kaya nanghingi ako kaagad ng tubig sa inyo,” nakakakilabot na kwento ni Lola Selma

“Hindi ko rin ito maipaliwanag pero ang nasa isipan ko ay baka ito na ang mensahe sa akin ng Panginoon. Gusto niyang sabihin sa akin na mas gawin ko pang instrumento ang aking sarili upang gumawa ng kabutihan,” dagdag pa niya.

“Lola, tinupad po ninyo talaga ang pangako ninyo sa akin,” sambit ng kanyang apo.

“Anong pangako ‘yon, Apo?” pagtataka naman ng kanyang lola.

“Ang pangako po ninyong magbabalik kayo upang ikwento sa akin kung ano po ang itsura ng langit at kung ito po ay totoo,” tugon ni Pia.

“Ngayon din ay masasagot ko na ang katanungan mo, apo, kung naniniwala ba ako sa langit? Ang sagot ko ay oo. Sapagkat ako ay buhay na patotoo sa malinawag na lugar na iyon na kung tawagin natin ay langit, Minsan na akong pumanaw at muling nabuhay sa himala ng Panginoon!” masayang payahag ni Lola Selma.

Umabot pa ng siyam naput anim na taong gulang si Lola Selma bago siya tuluyang binawian ng buhay at papasukin sa langit.