Inday TrendingInday Trending
Idol Ko si Mayor!

Idol Ko si Mayor!

Punong-puno ang kalsada ng mga taong nakasuot ng damit na pula, nagpupugay ang mga ito sa pagkapanalo ng kanilang sinuportahang kandidato.

“Grabe, sa wakas ay napalitan na rin ‘yung dinastiya dito sa lugar natin at sa wakas ay may nahalal ng bagong mayor! Ito na ang nakikita kong pag-asenso ng lungsod natin,” wika ng isang babae na nakatayo sa gilid habang nanunod ng parada.

“Naku, sigurado akong hindi magnanakaw ‘yang bagong mayor natin. Balita ko kasi, mayaman daw iyan, paano’y old chinese ang mga magulang kaya isinilang nang may ginto talaga sa bibig. Dapat ganyan ang mga nauupo, hindi ‘yung unang tingin mo pa lang ay mukhang magnanakaw na ng kaban ng bayan,” sagot naman ng isang babae.

Ang laki ng ngiti ni Albert na nakikinig sa usapan ng dalawang babae.

“Idol ko nga iyang si mayor e,” singit pa ng binata sa dalawang babae. Tumango lamang ito sa kaniya at patuloy silang nanuod ng parada.

Bata pa lamang si Albert ay idolo na niya ang bagong halal na mayor, labandera kasi ang nanay niya sa bahay ng pamilya nito at kahit na hindi sila humingi ng tulong noon sa lalaki ay pinag-aral siya ng libre.

“Albert! Nandito na pala ang bata ko, binabati nga pala kita sa pagiging Cum Lauder mo. Sabi ko naman sa’yo ay hindi ako nagkamaling pinag-aral kita,” saad ni Mayor Elizar.

“Naku, mayor, utang na loob ko po sa inyo ang lahat ng ano man ang mayroon ako ngayon. Kayo po ang kaisa-isang taong nagtiwala sa akin,” sagot naman ni Albert dito.

“Wala iyon, malaki kasi ang bilib ko sa’yo kaya alam kong hindi masasayang ang pera ko. Katunayan nga niyan ay gusto sana kitang gawing legal adviser ko, dito sa munisipyo kung tatangapin mo,” pahayag muli ng Mayor.

“Kahit po walang sahod, mayor! pagsisilbihan ko po kayo. Alam ko pong magbibigay kayo ng liwanag sa lungsod natin at karangalan kong maging bahagi ng pagbabagong iyon. Marami pong nagmamahal sa inyo,” maligayang sagot ni Albert at mabilis na kinamayan ang mayor at saka ngumiti ng malaki.

Political Science ang tinapos ng binata at nag-aral siyang mabuti upang pasasalamat sa pagpapaaral sa kaniya at tumatak na rin sa isipan ng binata na nais niyang sundan ang yapak ng kaniyang idolo, si Mayor Elizar.

Dalawang buwan pa lamang ang nakakalipas simula nang maluklok ang bagong mayor at ang partido nito na kasabay ring nanalo, mabilis na dumaloy ang ginhawa sa kanilang lugar.

Nilinis nito ang lansangan, ni-raid ang mga pasugalan, ipinasara ang mga bar na nagbebenta ng aliw, nawala ang mga snatcher at magnanakaw na talamak lalo na sa pampublikong sakayan. Naglunsad ng iba’t-ibang proyekto at trabaho.

“Grabe naman pala si Mayor Elizar! Tignan mo naman, dalawang buwan pa lang ay talaga namang ramdam na ramdam ko na kaagad ang mga proyekto at pagbabagong pinangako niya. Naku, kahit pa yata siya na ang maging mayor dito sa atin ng ilang taon ay ayos lang!” saad ni Aling Baby ang kapitbahay ni Albert.

“Kaya kami ng anak ko ay napakaswerte dahil kagawad pa lang iyang si Mayor ay naambunan na kami ng kabutihan. Kaya itong anak ko ngayon ay magiging kanang kamay na nga niya!” pahayag naman ni Aling Rita, ang nanay ng binata.

“Magiging mayor din ako balang araw, ako ang susunod sa yapak ni Mayor Idol Elizar! Sisiguraduhin kong makukuha ko ang tiwala niya at darating ang araw na ipapakilala niya rito sa lugar natin bilang susunod na karapatdapat na maluklok na kagaya niya!” sagot naman ng binata habang taas noo niya itong sinasabi at inaayos ang kaniyang uniporme sabay suot ng ID.

“Ako ang kanang kamay ni Mayor Elizar!” dagdag pa nito at sabay pukpok sa kaniyang dibdib.

Pumasok na ang binata sa munisipyo, napunta siya sa legal department. Halos isang buwan na ang lumipas ngunit hindi pa rin siya napapatawag ni Mayor at hindi rin tinatanong ang mga opinyon nya patungkol sa nangyayaring pag-unlad ng lungsod. Marami na rin siyang naipon na bagong proyekto na maari pang magawa.

“O, nakasimangot ka na naman diyan, Albert. Hindi ka pa rin ba pinapatawag ni Mayor?” tanong ni Lily, kasamahan sa trabaho ng binata.

“Hindi pa nga, parang napupurol na ‘yung utak at pinag-aral ko sa kakaxerox lang ng mga papel dito,” maktol ni Albert sa babae.

“E di puntahan mo, di ba sabi mo naman ay close kayo. Baka kailangan ikaw ang pumunta sa kaniya, ikaw ang manghingi ng oras. Alam mo naman ‘yun, ang daming inaasikaso nun ngayon kasi ang daming nagrereklamo sa kaniya patungkol sa mga isinarang gusali at mga nawalan ng trabaho,” saad naman muli sa kaniya ni Lily.

Biglang umilaw ang bumibilya sa utak ni Albert at napatayo siya sa sinabi ni Lily. Mabilis niyang kinuha ang mga dokumento para sa kaniyang ipapakita sa mayor.

Kumatok na ang binata at walang sumagot kaya naman naisipan na niyang dumiretso sa loob.

“Basta, sabihan mo sila na galingan ang pag akto sa mga rally para naman kapani-paniwala. Tapos kontakin mo ‘yung ibang media para naman mabalita tayo lagi sa TV at nang bumango ng bumango ang pangalan ko,” pahayag ni Mayor Elizar.

Nagtataka naman si Albert sa kaniyang narinig habang siya ay nasa may pinto.

“Ilang buwan daw ba silang walang trabaho, bossing? Marami na kasing nagrereklamo, mas malaki raw kasi ang kita nila lalo na sa pasugalan kaysa sa pagtatanod o pagra-rally,” wika naman ng isang lalaking hindi niya kilala.

“Mga anim na buwan lang, tapos saka ko sila ibabalik ng paunti-unti. Magpapabango lang tayo sa lungsod para naman hindi nila isiping corrupt ang opisyal na hinalal nila. Isa pa kung sila ay wala ng kita, paano pa kaya ako? Ipinasara ko mismo ang mga negosyo ko, di ba? Kaunting sakrispisyo ito sa akin, mga ul*l ba sila?” baling naman ni Mayor at sabay na nagtawanan ang dalawa.

Ayaw na sanang makinig pa ni Albert sa usapan at akmang lalabas na sana siya nang bigla siyang matanaw ni Mayor Elizar.

“O, nandito na pala ‘yung bata ko. Alam mo bang ito ang magliligtas sa akin pagdating ng araw?” mabilis na pahayag ng lalaki.

“Pasensya na po kayo, nakabukas kasi kaya pumasok na ako at hindi ko po sinasadyang marinig ang usapan niyo,” sagot naman ng binata.

“Naku, ganun ba? Pasensya ka na, Albert, pero dahil narinig mo na rin naman ay inaasahan ko na nasa panig pa rin kita,” sabi sa kaniya ni Mayor.

“Ibig sabihin ay sa inyo ang lahat ng mga pasugalan?” inosenteng tanong pa ng binata.

“Sa totoo lang, sa akin ang pasugalan, bahay aliwan at marami pang iba. Hindi naman ako yayaman at makapagpapaaral ng maraming katulad mo kung aasa lang ako sa sahod ko bilang kagawad at sa negosyo ng pamilya naming puninarya. Ganun talaga sa pulitika, Albert, pero pinasara ko naman na di ba?” saad ni Mayor sabay akbay sa kaniya.

“Aasahan ko ang pananahimik mo, bata,” dagdag pa nito.

Halos hindi makapagsalita si Albert sa kaniyang narining at wala siyang nagawa kung ‘di ang manahimik. Nawala ang amor niya sa lalaki at nawalan na rin siya ng ganang pumasok dahil ang taong iniidolo niya ay hindi pala kasing linis at ayos katulad ng kaniyang inaasahan.

Gustuhin mang magsalita ng binata, alam niyang hindi magiging sapat ang boses niya para mapatumba ang mayor kaya naman mas minabuti niyang umalis sa trabaho at pumasok na lamang sa pribadong kumpanya.

“Anak, hindi ba’t ganun naman talaga sa pulitika? Sana inintindi mo na lang si Mayor Elizar kasi ang laki ng utang na loob natin sa kaniya di ba?” saad ng kaniyang nanay,

“Dati pang naghihirap ang lungsod natin pero anong akala natin? Dahil lamang iyon sa mga nakaupong opisyal, pero ngayon alam ko na kung bakit hindi nabibigyan ng aksyon ang mga problema dati. Kasi hindi nila matukoy kung sino ang ulo.

Pero ngayon na ang ulo na mismo ang nakaupo sa pwesto ay mas naging madali ang lahat. Tang*nang pulitika ‘yan! Hindi dapat natin minumura ang gobyerno kung ‘di ang mga taong nakaupo at humahawak ng kapangyarihan na paulit-ulit binibilog ang tao ng sambayanan!” baling ni Albert sa kaniyang nanay.

“At kung ang utang na loob lang din naman ang inaalala niyo, matagal na tayong bayad. Bayad na tayo simula nung itinikom ko ang bibig ko,” dagdag pa nito.

Hindi na nagsalita pa ang kaniyang nanay, lihim siyang humahanga sa kaniyang anak dahil hindi ito nabulag ng utang na loob. Matagal na kasing alam ito ng ale, pero mas pinili niyang manahimik para sa pag-aaral ng kaniyang anak. Ngayon alam niyang naging pabaya siyang residente pero hindi ang kaniyang anak.

Makalipas ang anim na buwan ay totoo ngang unti-unting bumabalik ang operasyon ng mga pasugalan at bahay aliwan sa lungsod pero hindi rin nagtagal ay nahuli si Mayor Elizar ng Ombudsman kasama na rin ang DILG. May nagpunta kasi sa tanggapan nila at ikinuwento ang lahat ng nalalaman nito, ngunit mas piniling itago ang kaniyang pagkatao. Agad na umaksyon ang kinauukulan at nagsagawa ng imbestigasyon kaya nahuli ang Mayor.

Advertisement