Parusa Para Kay Shiela

Nagising siyang nagkikirutan ang bawat kalamnan ng kaniyang katawan habang nakahiga sa malamig na semento ng isang malamig na kwarto. Wala siyang maalala kahit man lang ang sarili niyang pangalan. Wala siyang maalala sa kung ano ang nangyari sa kaniya bago siya mapunta rito.

Bumangon siya at inilibot ang kaniyang paningin hanggang sa masanay na ang kaniyang mga mata sa dilim. Niyakap niya ang kaniyang sarili nang madama ang lamig ng paligid.

Hanggang sa bumukas ang pinto ng naturang kwarto at paunti-unting nagliwanag ang kaniyang paligid. Kasabay nun ay ang pagluwa sa liwanag sa isang tao, isang lalaking nakasuot ng mahaba at puting polo.

“Shiela.” garalgal na sambit nito. “Anak!” Lumuhod ito upang pantayan ang kaniyang mukha.

Bigla siyang napaluha dahil sa labis na kagalakan ngunit mababakasan ng galit ang mga mata ng lalaking bagama’t hindi niya makilala ay kaniya namang narerekognisa na para bang nakita na niya ito noon pa.

Inakay siya ng lalaki upang makatayo. Iniinda man ang hanggang ngayo’y kumikirot niyang katawan sumama siya rito sa hindi malamang dahilan.

Nakadarama siya ng hindi magandang pakiramdam na animo’y naiilang, nahihiya o gusto niyang itago ang kaniyang mukha.

Iginiya siya ng lalaki patungo sa isang silid. ‘Di tulad nang pinanggalingan niyang silid ito ay maaliwalas. Maganda ito at elegante ang hitsura.

Advertisement

“This is your room, anak,” anito na hindi tumitingin sa kaniya ngunit nakangiti.

Pumasok siya at inilibot ang paningin sa paligid. Isang pamilyar na halimuyak ang kaniyang nasamyo at nagdulot iyon ng kakaibang kilig sa kaniyang kaibuturan. Matindi ang amoy ng pambabaeng pabangong iyon.

Hinarap niya ang lalaking nakaputing polo. “Ikaw ba ang ama ko?” tanong niya. Hindi pa rin makatingin ang lalaki sa kaniyang mga mata. “Anong nangyari sa akin? Bakit wala akong maalala?”

Umiwas ng tingin ang kausap. Ang kaninang pahapyaw na bakas ng galit sa mga mata nito ay tila nagliliyab na apoy na ngayon. Nag-igting ang panga nito. “You were a r*pe victim, anak,” pag-amin nito na kaagad na nagdulot ng kilabot sa kaniyang kalooban.

Halo-halong damdamin ang sa kaniya ay lumukob nang tuluyan. Kilabot, pagkabigla, at poot. Naikuyom niya ang kaniyang mga kamao at nung oras ding iyon ay sumumpa sa harap ng nagpakilalang sarili niyang ama. “Gaganti ako sa gumawa nun sa akin, papa!” Puno ng galit ang naging pagsigaw niya.

Ngunit umiling ang kaniyang ama sa kaniyang pahayag. Tumalikod ito at tinungo ang pinto ng kwarto upang iyon ay isara.

“Hindi na kailangan, Shiela, anak. Dahil sa kamay ko mismo pagbabayaran niya ang pagkam*tay mo,” turan nito habang inisa-isang tanggalin ang pagkakabutones ng kaniyang puting polo.

Biglang naguluhan ang babae ngunit kaagad ding naliwanagan nang maalala ang lahat. Tila pelikulang bumalik ang mga alaala ng kaniyang nakaraan. Ang buhay niya noon, ang mga kasalanang ginawa niya. Ngayon ay siya naman ang makararanas nang ginawa niyang kasalanan. Ngayon ay siya naman ang magiging biktima ng ginawa niyang kahunghangan.

Advertisement

Ang nasa harap niya nga pala ay ang kilalang si Dr. Frank, isang magaling na surgeon at ang ama ng babaeng ginahasa at kinitilan niya ng buhay noon, ang babaeng kamukhang-kamukha na rin niya mismo ngayon matapos ang operasyong isinagawa ng doktor sa kaniyang katawan upang gumanti.

Langong-lango siya noon sa alak. Nag-inuman kasi sila sa bar ng kaniyang mga tropa. Nang gabing iyon ay naroon din ang crush na crush niyang si Shiela. Ayaw siya nitong pansinin. Bad trip na bad trip na ang lalaki kayaʼt nagplano siyang tambangan ang dalaga paglabas nito sa bar.

Ganoon nga ang ginawa niya. Tinakpan niya ang bibig nito upang ‘di makapagsalita tsaka niya paulit-ulit na ginawa ang kahalayan.

Binalot ng takot ang dibdib niya habang kinakapa ang bawat pagbabago sa kaniyang katawan. Naaalala niyang bago siya mapunta rito ay may kung sinong pumukpok sa kaniyang ulo. Si Dr. Frank pala iyon.

Nagsusumigaw siya sa loob ng eleganteng silid ngunit walang nakakarinig. Ganitong-ganito rin ang eksena nila noon ni Shiela. Ganito pala ang takot na nararamdaman noon ng dalaga habang ginagawa niya ang kahayupang iyon.

Sising-sisi siya sa ginawa. Kung maaari niya lang sanang ibalik ang nakaraan ngunit hindi niya kaya.

Sa kalagitnaan ng pagpaparusa ng ama ni Shiela ay napahagulgol ito. Hindi nito kayang siya mismo ang magsagawa ng parusa sa taong naging dahilan ng pagkawala ng kaniyang anak lalo’t kamukhang-kamukha na ngayon ng lalaking ito si Shiela. Kaya naman nabuo ang pasya nitong sumuko na lang sa pulisya at hayaang ang batas mismo ang humusga sa kanila.

Sa kabila ng lahat ay naging malinaw pa rin ang pag-iisip ng nangungulilang ama habang ang lalaki naman ngayon ay nasa katawan na ng babae ay sising-sisi sa kaniyang ginawa. Handa na siyang pagbayaran ang lahat.