Imbes na Init ng Ulo ay Pag Ibig ang Natagpuan ng Gwapong Binata sa Kalagitnaan ng Trapiko

Araw araw na mainit ang ulo ng mga biyahero dahil tila patindi nang patindi ang trapiko. Isa sa mga naghahanap buhay sa isang kompanya sa Alabang ang nakikipagsapalaran sa traffic sa EDSA ang binatang si James. Isang lunes, pagsakay ni James sa isang bus papuntang Alabang mula Munoz ay napuna niya ang isang magandang dilag na nakaupo sa bungad ng bus. Hindi niya mapigilang tingnan ito dahil sa ganda ng ngiti at tila positibong tingin nito sa buhay.

Magmula nang makita ni James ang dalaga, palagi na niya itong napapansin sa tuwing nagkakasabay sila sa bus na sinasakyan. Kaya imbes na mainis at mainip sa matagal na biyahe, isang tingin niya lang sa dalaga ay napapalitan iyon ng ngiti.

Ngunit isang araw, laking pag-aalala ng binata nang makitang malungkot ang dalaga. Hindi na ito masyadong ngumingiti at madalas na lamang napapatulala sa bintana. Halatang halata ang tamlay at lungkot sa mga mata nito. At ganoon pa rin nang mga sumunod na araw. Dumating ang isang [agkakataon na may nasigawan pa ang babae na isang lalaki dahil hindi sinasadyang matamaan ito ng bag sa ulo.

Dahil sa labis na pagtataka at pag-aalala sa biglaang pagbabago nito, hindi na napigilan ni James na lapitan ang dalaga upang magpakilala.

“Hi, Miss! Pasensiya ka na kung parang nangingialam ako ha. Pero pansin ko kasi na parang madalas ay malungkot ka. Lagi kasi kitang nakakasabay papunta at pauwi. Taga- Munoz lang kasi ako. Ako nga pala si James. Ikaw?” tanong ng nag-aalalang binata.

Tiningnan lamang siya ng dalaga, at tumango. Laking lungkot ni James nang hindi siya pansinin nito at lumipat pa ng upuan. Inisip niyang baka natakot din ang dalaga kaya hindi na niya kinulit at sinundan pa.

Kinabukasan, naisipan ni James na magdala ng mga tsokolate para sa dalaga. Ni hindi man lang niya alam ang pangalan nito, pero talagang nabighani siya sa ganda at ngiti ng babae.

“Miss? Eto o, chocolates. ‘Wag kang mag-alala. Walang gayuma ‘yan. Baka sakali lang mabalik na ang mga ngiting matagal ko nang hindi nakikita.”, malambing na sabi ng binata.

Advertisement

“Hindi ako mahilig sa matamis. Thanks.” masungit na tugon ng dalaga sa kanya.

Walang nagawa si James kung hindi mag-isip kung ano ang magugustuhan ng dalaga. Kinabukasan, sinwerte na naman ang binata at nakasabay ang dalaga. Ngayo’y may dala naman siyang pulang rosas sa pagbabaka-sakaling magustuhan ito ng babae.

“Hi Miss. Ayaw mo ng chocolates, di ba? Eto o. Red roses for you. Magagandang bulaklak para sa mukha mong walang kasing ganda.” nakangiting inaabot ni James ang mga rosas sa dalaga. Ngunit hindi pa rin ito nagustuhan ng babae.

“Ayoko ng flowers. Sa una, maganda, pero kinalaunan hindi na. Nalalanta rin ‘yan.” masungit na tugon pa rin ng babae.

Ganoon na naman ang nangyari kinabukasan, at dahil napansin ni James na malapit nang masira ang sapatos ng dalaga’y naisipan niya itong bigyan ng bago.

“Miss? Pansin ko kasi na malapit nang bumigay ang mga sapatos mo. Kaya eto o, sana tanggapin mo. Maganda ‘yan, bagay sa iyo.” nakangiti pa rin si James sa kabila ng ilang beses na pagtanggi nito sa kanya.

+

DAY OFF mage courtesy of +purposes only.)

“Eto ba? Bigay sa akin ng Papa ko ito kya lagi kong suot. Hindi ko kailangan ng bagong sapatos.” muling pagsusungit ng babae. Pero sa totoo lang ay nangingiti na siya sa araw araw na effort na ginagawa ng lalaki para lang subukan siyang mapangiti. Kaya napagdesisyunan ng babae na makipag-usap at makipagkilala na sa lalaki kinabukasan.

Advertisement

Nakaabang ang dalaga sa istasyon kung saan palaging sumasakay ang binata. Ngunit nagulat sya nang hindi niya nakita ang kanyang inaabangan. Laking dismaya niya dahil akala niya’y hindi agad susuko si James.

Napabuntong hininga na lamang sya sabay sambit sa sarili, “Lahat naman sila ganyan, sa una lang magaling.”

Nang makababa na sa Alabang ang dalaga, laking gulat niya nang makita si James na pawis na pawis na nag-aabang sa kanyang pagbaba. May dala itong isang sako ng bigas at ilan pang mga gamit na pang bahay.

“Miss! Sorry ha. Nag-taxi kasi ako. Hindi daw kasi pwedeng iakyat ito sa bus, masyadong marami.” hingal na sabi ni James.

Natawa naman ang dalaga at tuluyan nang nagpakilala.

“Pauline. Pauline ang pangalan ko. Effort mo ha?” nakatawang sabi ng babae.

“Napakagandang pangalan. Kasing ganda ng mga ngiti mo, na ngayon ko na lang ulit nakita.” sambit ng masayang masayang si James.

Niyaya na kaagad ni James ang dalaga na mag date matapos ang kanilang shift sa trabaho. Pumayag naman si Pauline upang magkakilalanlan na sila.

Advertisement

Habang kumakain, agad namang tinanong ni James kung anong nangyari at bigla na lamang itong naging malungkutin.

“Nagkatrabaho kasi agad ako pagka-graduate ko. Pero wala pang isang buwan, nagkasakit si Papa. Sumabay ang ex kong babaero. Hindi ko na lang din siguro nakayanan. Ngayon, ako muna ang breadwinner sa amin hangga’t nagpapagaling si Papa.” sambit ni Pauline.

“Ganoon ba? Sorry at naranasan mo yang mga yan. Alam mo ba? Kung hahayaan mo ako, tutulungan kita upang mapagaan ang mga suliranin mo sa buhay.” wika ng nakangiting si James.

“Pauline, can you be my girlfriend?” biglaang tanong ni James.

“Ha?! Anong sinasabi mo?” gulat na gulat si Pauline sa mga narinig. Dahil sa hindi maintindihang emosyon, nagmadali itong umalis ng restaurant at agad sumakay ng taxi pauwi. Hindi na nagawang mahabol ni James ang dalaga.

Nang makauwi ang dalaga, hindi mawala sa isip niya ang mga ginawa ng binata sa kanya. Mula sa pagbibigay ng mga simpleng bagay upang mapangiti siya, hanggang sa pag-offer ng tulong upang mabawasan ang mga pagod na nararanasan niya. Nakatulog na ang dalaga kakaisip.

Nagdaan ang ilang araw na hindi nagkita ang dalawa, tila pinaghiwalay na sila ng tadhana dahil hindi na sila muling nagkasabay ng sinasakyang bus. Hindi rin naman alam ng isa’t isa ang number o ang buong pangalan upang maisearch sa Facebook.

Isang napaka-traffic na biyernes, laking gulat ni James nang may biglang tumayo sa kanyang tabi. Nakita niya ang mga paa nito, laking gulat niya nang pagtingala niya ay nakita niya si Pauline na nakangiti sa kanya.

Advertisement

“Hi, James. Sorry kung late ako nakasagot ha? Yes, I want to be your girlfriend.” nakangiting sabi ng dalaga.

Sa labis na kaligayahan, hindi napigilan ng binata na humiyaw at magsisigaw sa loob ng bus.

Nagalit pa ang iba dahil sa ingay ng binata sa kabila ng siksikan at init sa loob bus, ngunit para kay James ito na ang pinakamasayang biyernes na na-traffic siya sa EDSA.

Natutunan ng dalawa na maaaring matagpuan ang pag-ibig sa mga lugar na hindi mo inaasahang matagpuan ito, at kusang maglalapit ang dalawang pusong tunay na nakatadhana.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.