Edukasyon Nga Lang Ba ang Solusyon?

Maingay na nag-iinuman sa tapat ng isang tindahan ang isang grupo ng magkakaibigang pare-parehong mga walang damit pang-itaas. Halos gabi-gabi na lang talagang may inuman session ang mga ito. Nakamasid naman sa kanila si Simeon. Ito rin ba ang mangyayari sa akin? napatanong siya sa kaniyang sarili.

Kababalita lang sa kanila ng kaniyang ama na natanggal ito sa trabaho dahil sa papalugi na ang kompanyang pinagtatrabahuhan nito bilang production worker. Napakahirap pa namang maghanap ng pagkakakitaan ngayon, pagkatapos ay nataon pang may sakit ang kaniyang ina. Kayaʼt nagpasya ang kaniyang mga magulang na pahintuin muna siya sa pag-aaral upang makapaghanap muna siya ng part time job at nang makatulong sa gastusin sa bahay.

Batid ni Simeon na malabo na niyang maipagpatuloy ang pag-aaral, lalo paʼt nalilipasan na talaga siya ng panahon dahil sa paulit-ulit niyang paghinto. Nag-iisip tuloy siya kung ano na ang mangyayari sa kaniya ngayon.

Malaki ang takot niyang baka matulad na lang siya sa mga tambay na narito sa kanilang lugar dahil walang mahanap na trabaho. Paanoʼy pare-parehong mga walang tinapos ang mga ito.

Sa huling pagkakataon ay nagtungo si Simeon sa kanilang eskuwelahan upang kumuha ng ilang requirements na maari niyang gamitin sa pag-a-apply ng trabaho. Doon ay muli niyang nakita ang kanilang guro sa history subject.

“O, bakit ang tamlay mo, Simeon?” pambungad na tanong nito sa kaniya. “May dinaramdam ka ba?” dagdag pa nito.

Umiling-uling lang si Simeon at napayuko. Hindi niya maitago ang labis na kalungkutan at pag-aala para sa sariling kinabukasan. Naiintindihan niya ang sitwasyon nilang pamilya, ngunit hindi niya pa rin mapigilang mangarap na sana ay magkaroon siya ng magandang bukas sa pamamagitan ng edukasyon.

“Ano ba ang bumabagabag sa ʼyo, Anak? Sabihin mo na,” muling tanong ng kaniyang guro,

Advertisement

Sa pagkakataong iyon ay isinatinig na ni Simeon ang nadarama. Ang panghihinayang niyang hindi na siya makapag-aaral pa.

“E, Prof., natatakot po talaga ako, e. Baka mamaya, matulad lang ako sa mga tambay na iyon ngayon na halos gabi-gabi na lang kung mag-inuman dahil wala naman silang iniintinding trabaho,” pahayag niya.

“Naku, anak, magkaiba ang tamad sa hindi nakatapos ng pag-aaral!” sagot naman ng guro.

“Anak, hindi lang naman kasi edukasyon ang kailangan mo para umangat. Ang totoo ngaʼy gabay mo lang ito para makaakyat ka sa pupuntahan mo. Ngunit marami pang ibang option, Anak, kung hindi mo kayang mag-aral sa ngayon. Magsipag ka lang, magsikap ka. Sigurado ako sa ʼyo, kaya mong hindi maging katulad nila.”

Tumatak sa isipan ni simeon ang mga sinabing iyon ng kaniyang guro. Tila siyaʼy nabuhayan. Matapos ang mga sandaling iyon ay nagkaroon pa ng pag-asa si Simeon. Nag-isip siya ng mga paraan.

Nagkaroon ng part time job ang binata kaya naman nakaipon din siya ng pangpuhunan para sa negosyo sa loob ng dalawang taong pagtatrabaho. Matapos iyon ay sumugal siya at sumubok na magbukas ng isang computer shop sa kanilang lugar, tutal ay may background naman siya ng paghawak nito dahil dati siyang IT (Information Technology) Student.

Maaga kung magbukas si Simeon at halos gabi na rin kung magsara, ngunit upang maiwasang magkaroon ng mga batang costumers na lulong sa pagko-computer games ay binawasan niya ang oras ng mga ito. Hindi niya gustong ang tagumpay niya ang maging mitsa naman ng pagkasira ng kinabukasan ng iba, kaya naman ginawa niya ito.

Ang mga batang nasa edad kinse anyos pababa na naglalaro ng computer games ay maaari lang maglaro ng isa hanggang dalawang oras. Kaya naman gustong-gusto ng mga magulang ng mga batang taga sa kanila ang shop niya.

Advertisement

Unti-unting nagkaroon ng paglago ang datiʼy maliit lamang na computer shop ni Simeon na iilan lang ang unit. Sipag at tiyaga ang naging puhunan niya na hinaluan pa ng kaniyang kaalaman mula sa pag-aaral noon.

ʼDi nagtagal ay nagkaroon na rin ng sariling printing press ang binata. Dahil doon ay nakapagpagawa siya ng panibagong bahay at nakabili ng isa pang sariling lupa. Naipagamot na niya ang kaniyang ina, habang ang kaniyang ama ay umi-extra-extra na lamang sa pagte-technician.

Ngayon ay muling nakatingin si Simeon sa tapat ng tindahan kung saan may gabi-gabing session ang mga lasinggero ng kanilang lugar. Ngunit kung noon ay puno siya ng agam-agam, ngayon ay nakangiti na lang niyang minamasdan ang dating mga kinatatakutan.