Matagal nang Nakikipagrelasyon ang Dalagang Ito sa Lalaking Hindi pa Niya Nakikita ng Personal; Isang Malaking Rebelasyon Pala ang Pagkatao Nito!

Nagpahid na ng patong patong na kemikal sa mukha si Nina dahil gabi na naman at oras na ng kaniyang pagtulog. Terno pa ang suot nitong kulay pulang sando at maikling short. Naglagay na rin siya ng palamuti sa kaniyang buhok. Humiga na siya sa kulay pink niyang kama at saka nagsimula nang kumuha ng napakaraming litrato. Pagkatapos ng mahigit isang oras, pumili siya ng iisang litrato lamang at saka nag-post sa kaniyang mga social media.

Matapos niya itong gawin, ay tatawagan na niya ang kaniyang nobyo ng dalawang buwan na. Subalit ni minsan ay hindi pa sila nagkikita. Hindi alam ang tunay na pangalan pati na address. Ang tanging alam lamang nila ay ang malalambing na tinig ng isa’t isa.

Halos abutin sila ng tatlong oras, umiinit na nga ang cellphone sa sobrang tagal kung mag-usap. Puro kilig, kwentuhan at asaran na rin. Sa tuwing magkausap sila, ang kikay na si Nina ay walang mapaglagyan ng kilig sa sobrang dami ng malalambing na salita na binibitawan ng kaniyang nobyo.

Kinabukasan, kulang na lamang ay mapunit ang pisngi ni Nina sa laki ng kaniyang ngiti na abot hanggang tenga. Habang hinahalik-halikan ang kaniyang cellphone na naglalakad upang kitain ang kaniyang dalawang kaibigan.

“Hoy! Babae ka! Lokong-loko ka diyan sa boypren mong hanggang cellphone na lang ha. ‘Wag mo sabihing seryoso ka diyan?!” malakas na kantiyaw ni Judy kasabay pa nito ay malakas na hampas sa ulo ng nananaginip na si Nina.

“Aray! Ang sakit nun ha! Ano naman kung seryosohin ko? Magkikita naman kami eh… Hinihintay ko lang na siya ang magsabi!” tugon naman niya sa mga kaibigan.

“Hay naku! Malala ka na neng! Magpatingin ka na sa doktor. Basta ‘wag kang iiyak-iyak pag na dismaya ka sa lalaking yan ha!” dagdag pa ni Marie.

Palagi nilang sinasabihan si Nina na tiigilan na iyon. Nakilala lang kasi niya ito sa Facebook at hindi rin niya alam ang pagkatao ng lalaking iyon. Subalit hindi nagpapatinag si Nina. Aniya, tadhana na raw ang gumawa ng paraan para magkaroon na siya ng sariing buhay pag-ibig. Siya na lang kasi ang hindi pa nagkakaroon ng nobyo sa kanilang magbabarkada.

Advertisement

“Tara na nga! Punta tayo doon sa bagong bukas na restaurant sa kanto! Libre ko,” alok ni Nina sa mga kaibigan na talaga namang ikinatuwa nila.

Habang abala sila, dumating doon ang nobyo ng dalawa niyang kaibigan. Ayos lang, ganito naman palagi eh. Kahit na nasa tamang edad na siya na dalawampu’t isa, ay puro nood na lamang siya sa mga date ng mga kaibigan.

Subalit sumama ata ang kaniyang paningin nang makita ang karibal na kaaway niyang kaibigan ni Rex na si Max. Ubod kasi ng baho at dumi ng itsura nito. Ang kasuotan nito palagi ay makukulay na damit. Hindi niya gusto ang ganoong itsura. At sa tuwing magkikita na lamang ang dalawa, ay talagang aso’t pusa kung magsinghalan!

“Hay nako! Sumama ata ang lasa ng pagkain dito. Amoy bulok! Ano ba naman ‘yan Roy, bat ka nagsasama ng basura?!” unang atake ni Nina kay Max na nainis sa kaniyang narinig.

“Aba! Aba! Aba! Bakit ka nga naman hindi mawawalan ng gana kung may makikita kang babaeng may sapot sa ulo? Hahaha! Pasalamat ka hindi ako napatol sa babae kung hindi matagal na kitang pinatumba!” resbak naman ni Max sa dalaga na nagpatindi naman ng galit niya.

Bago pa man muling magkaroon ng rambol sa lugar na iyon, pinaghiwalay na sila ng kanilang mga kaibigan. Habang papalayo sa isa’t isa ay walang tigil ang bunganga ng bawat isa kakasabi ng mga insulto sa isa’t isa. Sira na naman ang araw ni Nina kaya naman minabuti na niyang umuwi na rin kaagad upang makapag relax.

Malaki ang bahay nila, mayaman kasi ang kanilang pamilya. Subalit hindi man ganoon kaaya-aya ang kaniyang mukha, bawing bawi naman sa yaman na mayroon siya! Simangot siyang umuwi, naligo at muling naglagay ng mga pampaganda niya. Kumuha ng litrato at saka nagpost sa social media. Sa tuwina na lamang, nag-iiwan doon ng kumento si Max. Masasakit at nakakainis na insulto lamang ang mga pinagsasbi niya roon kung kaya naman malabo na talaga silang maging maayos.

Hindi na ito pinagtuonan pa ng pansin ni Nina at hinintay na ang tawag ng kaniyang nobyo. Nang tumunog ito, agad niyang sinagot ang cellphone ng may mahinhin na tono at malambing na boses. Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap, narinig niya ang matagal na niyang gusto mangyari. Ang yayain siya nito na makipagkita! Kilig na kilig ang dalawa dahil bukas na rin kaagad iyon.

Advertisement

Dumating na ang kinabukasan. Hindi mapakali si Nina at binalita ito sa mga kaibigan na duda pa rin sa lalaking kikitain ni Nina. Bumili pa siya ng napakaganda na kulay pulang blusa at nagpunta ng parlor para lamang sa okasyon na iyon. Nang matapos ang lahat, naglagay siya ng ribbon na kulay pula sa kaniyang braso. Ito ang palatandaan nila ng kaniyang nobyo na kikitain. Muli siyang nagpaulan ng pabango sa sarili at huling kinuha ang kaniyang maliit na bag. Huling sulyap ay ngiti at kindat sabay sabing, “ang ganda mo talagaaa!”

Nang makarating siya sa isang restaurant kung saan sila magkikita, nairita siya nang masilayan doon ang pinakakinaiinisan niyang lalaki! Nakita rin siya nito at tinago niya kaagad ang ribbon dahil baka mangutya na naman ito. Nag-iwasan na lamang ang dalawa lalo na si Nina dahil baka daw pumangit lamang ang napakagandang araw niya.

Isang oras na rin ang nakakalipas, tumawag ang nobyo at sinagot niya ito kaagad. Nagpasya ang dalawa na iwagayway ang ribbon na suot nila. At nang magkita sila, talaga namang nagtaasan sila ng kilay dahil ang lalaking malambing ay si Max pala! Ganoon din ang binata, nagulat siya nang makita na ang babaeng mahinahon ay si Nina pala! Umuwi ang dalawa na nagmurahan pa sa loob ng restaurant matapos maghiwalay ng landas.

Ilang araw, ilang gabi rin. Hindi naman dapat ngunit ramdam ni Nina na parang niloko siya. Ganoon din naman ang nararamdaman ni Max. Alam nilang totoo ang nararamdaman subalit hindi nila matanggap ang isa’t isa.

Tatlong linggo matapos mangyari ang pagkikita, halos walang buhay kung magsalita at kumilos si Nina pati na si Max. Napansin iyon ng kanilang mga kaibigan at nagpasya silang pag-usapin ang dalawa. Isang gabi, napilit nila ang dalawa na manonood daw ng sine. Subalit kinulong lamang sila sa isang kwarto kung saan sila magkakantahan.

Nagtitigan ang dalawa at tiningnan nang masama ang isa’t isa. Magsisinghalan sana sila nang biglang umatungal nang malakas si Nina.

“Bakit ikaw? Bakit ikaw pa? Bakit?” patuloy niyang wika.

Naawa si Max sa babae. Ang dating parang pusa sa tapang, ngayon ay mahina’t umiiyak sa kaniyang harapan. Niyakap niya ito nang mahigpit at nag-iyakan ang dalawa. Biglang bumukas ang pinto at madali silang naghiwalay.

Advertisement

Nang gabing iyon, muling tumawag si Max kay Nina. Sa unang pagkakataon, maayos ang kanilang pag-uusap bilang sina Max at Nina. Nagpasya sila na hindi itsura ang basehan ng kanilang naging pag-ibig sa isa’t isa. Tinanggap nila ang bawat isa at nagsimulang muli bilang opisyal na magkasintahan. Tunay ngang tanging pag-ibig lamang ang makakatunaw sa galit at poot na mayroon ang isang tao.