
Naging Usap-usapan ang Panloloko ni Mister Kay Misis; Makalipas ang Tatlong Taon ay Muli Siyang Nagbalik
Kaliwa’t kanan din ang mga posts sa social media pati na laman ng diyaryo at balita ang ginawang panloloko ni Mike sa kaniyang asawa na si Mary. Nangaliwa kasi siya at kumalat ang video niya na may kasamang babae sa social media. Lahat na ata ng masasakit na salita ay narinig na niya sa isang pagkakamali lamang. Nagdulot ito ng labis na kalungkutan, depresyon at pagkawala ng kaniyang karera bilang isang model at singer.
Isang taon matapos siyang ikasal kay Mary, isang pagkakamali ang kaniyang nagawa at nagdulot ng pagbagsak niya. Hindi tulad niya na nawalan ng karera, umapaw naman sa suporta ang natanggap ni Mary at naging isang sikat na aktres. Ayos na sana ang lahat ngunit tatlong taon matapos ang pangyayaring iyon, muling nagbalik si Mike upang suyuin muli ang kaniyang misis.
Unang naging hakbang niya ay naglabas siya ng isang video sa social media na balak niyang ligawan muli si Mary. Walang araw kasi nong tatlong taon na iyon na hindi niya naisip ang asawa na abala naman sa karera niya bilang artista.
Araw-araw, mula umaga hanggang hapon kahit na wala doon si Mary, ay pinupuntahan niya ito. Nakikiusap siya na balang araw ay kakausapin siyang muli nito. Tumagal iyon ng limang buwan. Lahat ng mga paboritong ulam ni Mary ay dinadala niya doon. Pati mga kapatid at magulang nga ng asawa niya ay kinakausap na siya, ngunit bigo pa rin siyang makuha ang atensiyon ng misis.
Lahat din ng sumusuporta sa kaniyang asawa ay patuloy pa rin ang pagsasabi sa kaniya ng mga masasakit na salita. Wala na raw kasi talagang pag-asa pa kaya naman layuan na niya si Mary habambuhay. Hindi raw siya karapat-dapat pa na humiling na makipagbalikan dahil sa kaniyang ginawang panloloko.
Subalit kahit na gaano pa iyon kasasakit, hindi niya ito iniinda at nanatili pa ring matiyaga sa pagbisita sa asawa. Hanggang sa isang hapon, maswerte niyang naabutan si Mary na pababa ng sasakyan. Agad siyang bumaba ng kaniyang sasakyan upang lapitan ito ngunit pinigilan siya nang makita niyang may lalaking yumakap kay Mary. Hindi na niya tinuloy ang paglapit at tuluyan na siyang umuwi sa bahay niya na mag-isa.
Nang gabing iyon, muling nagpakalunod sa alak si Mike habang patuloy ang kaniyang pagtawag sa numero ni Mary. Subalit hindi pa rin niya iyon makausap. Puno ng luha ang kaniyang mga mata hindi lamang ng araw na iyon kundi ng mga sumunod pang araw.
“Tama nga siguro sila… Wala na akong karapatan na humingi ng tawad sayo. Wala na…” ang huling mensahe na ipinadala niya sa numero ng kaniyang asawa.
Simula noon, tumigil na siyang magpunta sa bahay nina Mary. Tinigilan na rin niya ang pakikipag-usap sa pamilya nito. Napagdesisyunan niyang patahimikin na rin ang mga sumusuporta sa kaniyang asawa. Nang gabing iyon, dahil sa labis na lungkot, gumawa ng kanta si Mike. Lahat ng nais niyang sabihin sa asawa ay nakapaloob doon. Hindi nagtagal, inilabas niya rin ito sa publiko.
Isang linggo lamang ang nakakalipas, nang ilabas niya ang kantang iyon. Subalit wala na siyang pakialam pa sa mangyayari o sasabihin ulit ng mga taong may galit sa kaniya. Araw-araw, gabi-gabi walang tigil na umiinom ng alak si Mike. Nagpapakalunod sa lungkot at alak.
Isang umaga, bigla na lamang nanikip ang kaniyang dibdib. Buti na lamang ay nakatawag pa siya sa sekyu ng kanilang village. Ilang sandali lamang bago pa siya mawalan ng malay, ay naidala na siya sa ospital.
Pagmulat ng kaniyang mga mata, malabong mukha ni Mary ang kaniyang nakita. Inakala niyang panaginip lamang iyon at nilinis ang mata. Subalit tumulo ang luha ni Mary sa kaniyang pisngi at doon niya naisip na hindi iyon isang panaginip! Isang linggo na pala siyang nasa ospital matapos manikip ang kaniyang dibdib at inoperahan siya.
“Bakit ka nagkasakit pa? Dapat nawala ka na lang nang tuluyan eh!” pagmamaktol ni Mary habang umiiyak.
“Sorry ha. ‘Wag ka mag-alala aalis na rin ako agad pangako…” ‘di pa man niya natatapos ang tugon, isang mahigpit na yakap mula sa kaniya misis ang natanggap niya. Parehong lumuluha ang dalawa.
“Takot na takot ako akala ko mawawala ka na!” atungal ni Mary sa kaniyang asawa.
Nagbunyi ang lahat sa nangyaring ito. Pinsan pala ni Mary ang lalaking naghatid sa kaniya at sa loob ng tatlong taon ay hindi nagbago ang pagmamahal niya kay Mike. Ang nagpalambot ng kaniyang puso ay ang kantang umani ng milyon-milyong kumento at suporta dahil sa pagiging tapat ni Mike sa kasalanan niya.
Nangako si Mike na kahit na anong sitwasyon pa o anong panahon, hinding-hindi na niya sasaktan pang muli ang nag-iisang babae na tinitibok na kaniyang puso.