Inday TrendingInday Trending
Mga Mandirigmang Mananakay ng Bus

Mga Mandirigmang Mananakay ng Bus

Si Lei, Mark at Don ay magkakatrabaho sa isang kompanya sa may Ortigas. Bukod sa pagiging magkatrabaho ay unti-unti na ring nabubuo ang pagkakaibigan sa kanilang tatlo, lalo na at magkakalapit lang sila ng inuuwian. Sabay-sabay at araw-araw nilang binabaybay ang EDSA sa tuwing uwian.

Kahit madalas ay traffic at siksikan ay nalilimutan ng magkakaibigang indahin ito, dahil pinapawi ito ng kanilang masasayang kwentuhan at tawanan. Si Lei lang ang nag-iisang babae sa kanila, dahil si Mark at Don ay parehas na binabae. Tawag nila sa isa’t isa ay Tres Marias.

Madalas nila biruin ang kaibigang si Mark. Lagi nila itong binibiro na kailangan na nitong magpatingin sa doktor dahil mukha na ‘tong may malalang sakit dahil sa sobrang kapayatan nito.

“Mark, magkakain ka naman. Mapagkakamalan ka niyang may sakit. Tingnan mo ang payat payat mo! Bakit hindi ka magmana kay Lei na sobrang lusog,” pang-aasar na sabi ni Don.

“Ay grabe siya oh! Di bale nang malusog, ‘wag lang gutom. Halika Mark! Ipasa-taba ko sayo. Gusto mo?” sagot naman ni Lei.

“Mukha lang ‘tong may sakit, pero malakas to! Baka nga mas healthy pa ko sa inyo!” pabirong sagot ni Mark.

Sa tagal nilang paulit-ulit na nagbi-biyahe sa EDSA ay naging batikan na ang mga ito sa pagsakay sa mga punuan at siksikan na mga bus. Nagkatuwaan pa nga ang mga ito na maglista ng dapat at hindi dapat gawin kapag makikipagdigmaan sa loob ng bus.

“Kung gusto mo na siguradong makasakay, dapat ay nasa tabi ka ng pinto ng bus bago ito magbukas,” panimula ni Don.

“At dapat, marunong kang ‘di huminga habang sumisiksik sa loob kasi nakakanipis ng katawan ‘yon at magkakasya ka ng nakatagilid,” pabirong sabi ni Mark.

“Kung gusto mo na isang mapayapang paglalakbay, gawin mo ang lahat ng makakaya mo na makarating sa dulo. Medyo maluwag doon,” dagdag ni Lei.

“Nako, kaya gusto mo lang makarating sa dulo kasi nagiging bara ka sa gitna,” pang-aasar ni Don, sabay nagtawanan ang lahat.

“Bawal ang maarte! Normal sa bus ang magka-gitgitan. Normal ang matapakan ang sapatos o paa at normal din ang masagi o mabatukan ng mga kamay at bag ng mga nakatayo sa gitna,” sabi ni Mark.

“At kung mag-iinarte?” tanong ni Don.

“Ay magtaxi na lang! Solo mo pa!” sabay na sagot ni Lei at Mark.

Naging bonding na ng tatlo ang pagbiyahe tuwing uwian. Ngunit ‘di nila sukat akalain na sa pagbiya-biyahe rin nila matutuklasan ang malalim nilang pagkakaibigan.

Tulad ng bawat araw na pakikibaka ng tatlo para makasakay ay parang isang ordinaryong araw lang ang mangyayari.

“Hoy Don, UE-LETRE ang sakyan natin ha? Kahit anong mangyari, para isang biyahe na lang. Sakto na lang pamasahe ko,” bilin ni Lei sa kaibigan.

“Baks! Ako din sakto na lang kaya laban!” wika ni Mark.

Nang dumating na ang bus, nag-unahan na ang lahat para makasakay. Dahil sanay na sa ganoong gawi ay agad din naman nakasakay ang tatlong magkakaibigan.

Sobrang siksikan ang bus. Halos ‘di na mahulugang karayom ang loob. At mahabang pasensya at pang-unawa ang kakailanganin habang bumibiyahe sa loob nito.

Nagkalayo layo ang magkakaibigan. Maya-maya na lang ay may lalaking nagtaas ng boses.

“Pare, sa susunod na uubo ka ay takpan mo ang bibig mo. Yung misis ko nasa harapan mo, buntis yan!” malakas na sabi ng lalaki. Rinig ng buong bus ang malaking sigaw nito.

Nagtinginan ang mga tao kung sino ito, ngunit laking gulat nila Lei at Don na si Mark pala ang pinagtaasan ng boses nito. Agad namang humingi ng paumanhin si Mark sa lalaki at sa buntis na babae. Hindi naman malakas ang pakaka-ubo ni Mark at hindi rin niya sadyang umabo bigla. Hindi rin niya napansing buntis pala ang babaeng nasa kanyang harapan. Pagkahingi ng paumanhin ni Mark ay agad na tumahimik ang bus.

Ngunit habang pinanunuod ang paghingi ng pumanhin ay nais na ni Lei kalabitin ang lalaki para pagsabihan na sana ay nagsabi na lang ito ng malumanay kaysa pinagtaasan pa ng boses ang kaibigan dahil napahiya ito.

Ngunit bago pa niya ito magawa ay narinig na niya ang boses ni Don.

“Kuya, sa susunod ‘wag niyo ho naman sigawan yung tao. Pwede niyo naman hong sabihan ng maayos,” sabi ni Don sa lalaki.

“Eh dalawang beses nang umubo yang binabaeng ‘yan e! Hindi man lang marunong magtakip ng bibig,” inis na sagot ng lalaki.

“Hindi naman niya sinasadya. Bakit hindi mo na lang kinausap ng malumanay?” patuloy na sabi ni Don.

Biglang tumayo sa pagkakaupo ang lalaki. Tila naiinis na ito sa sinasabi ni Don.

“Payatot lang ho yan pero wala ‘yang TB. Hindi mo siya kailangan pandirihan at ipahiya,” dagdag na sinabi ni Don sa lalaki.

“Eh ano pang pinaghihimutok mo diyan? Humingi na nga ng paumanhin yung kaibigan mo eh dumadaldal pa ito,” sabi ng lalaki na tila naghahamon ng away.

Nais nang pumigil ni Mark sa diskusyunan dahil baka makaabala na ito sa mga pasahero. Ngunit nais pa rin ipaglaban ni Don si Mark dahil tunay nga itong napahiya.

“Ang sa’kin lang naman eh kung pwede ka rin humingi ng paunanhin man lang o pasensya kasi mali rin naman na ipahiya mo yung tao. Hindi naman nito sinasadya.”

“Buntis yung asawa ko, malamang iiwas ko siya sa mga ganyan. Tsaka yung kaibigan mo ang nauna kasi umubo siya na hindi nagtatakip ng bibig,” mayabang na sagot nito.

“Sana nagtaxi na lang pala kayo,” inis na sabi ni Don dahil hindi siya lubos maunawaan ng lalaki.

“Pare-parehas lang tayo na pasahero dito. Sana ay mas nagpapasensya tayo lalo na sa mga ganitong pagkakataon,” wika ni Lei na noon ay kabado na dahil mauwi ang lahat sa suntukan.

Nagpatuloy ang diskisyunan ng lalaki at ni Don, hanggang sa naghamon na ng suntukan ang lalaki. Hindi naman ito inurangan ni Don. Bagama’t hindi tama makipag-away ay labis talaga sumama ang kanyang loob sa pagpapahiya ng lalaki sa kaibigang si Mark.

Agad naman pinigilan ng mga tao at konduktor ang dalawa, at dahil nakakaabala na nga ay napilitan ibaba ng kondukor sina Lei, Mark, Don at ang mga kasamahan ng lalaki. Sakto kasing may nadaanan silang PNP station.

Sa PNP station ay agad na nakinig ang mga pulis sa dalawang panig ng istorya.

“Itong pangyayaring ito at dulot lamang ng hindi pagkakaunawaan. Kayong dalawa, batid ko ang naramdaman niyo para sa inyong kaibigan, ngunit nais ko rin naman intindihin niyo ang panig nitong lalaki dahil inaalala lamang nito ang kalagayan ng kanyang buntis na asawa. Marahil nga kung kayo ay nasa katayuan nito at ganitong pagtatanggol din ang gawin niyo para sa inyo asawa.” paliwanag ng hepe ng estasyon ng police.

“Ikaw naman lalaki, sana din ay maunawaan mo kung bakit ganoon na lang ang pagdadamdam nila ng sitahin mo ang kanilang kaibigan. Sana ay magsilbing leksyon ito, hindi lang sa iyo kundi sa inyo na rin lahat na dapat ay dinadaan natin sa isang maayos na usapan ang lahat,” dagdag ng hepe.

Agad naman din humingi ng paumanhin ang bawat isa sa kanila at agad na nagkasundo.

Nang makalabas ng istasyon ng pulis ay tahimik lang at tatlong makakaibigan. Maya-maya ay binali na Lei ang katahimikan.

“Don, dapat hindi ka na lang pumatol noong naghamon siya ng away. Tingnan mo, nasaktan ka tuloy,” alalang sabi ni Lei.

“Eh syempre si Mark yung nadedehado at ayaw ko ng ganoon lalo na kung hindi naman tayo gumawa ng masama,” sagot naman ni Don.

“Salamat Don ha. Salamat sa inyong dalawa. Hindi ko sukat akalain na ipagtatanggol niyo ako ng ganun. Hahayaan ko na lang sana eh, kaso naging matapang kayo para ilaban ako,” nagpapasalamat naman na sabi ni Mark.

“Wala ‘yon. Ano ka ba? Ayan! Sa susunod kumain ka na, nagkatotoo tuloy na pinagkamalan kang may sakit dahil sa sobra mong payat,” pabirong sabi ni Don.

“At ikaw naman baks! Ang gwapo mo kanina ha! Parang kang lalaking lalaki doon,” tuwang-tuwa namang pang-aasar ni Lei kay Don.

At nang ma-alala nitong…

“Hala! Sakto lang yung pamasahe ko. Kulang na ngayon kasi ibinaba tayo ng bus na malayo pa satin,” lumbay na lumbay na sabi ni Lei.

Pare-parehas silang sakto na lang ang pera papauwi. Kaya naisipan na lang nilang maglakad pauwi, nakakapagod man ay hindi na nila ito ininda. Habang naglalakad pauwi ay baon ng tatlo ang aral na naidulot ng nangyari kanina si bus.

Kung saan ay nakapahalaga na magkaroon ng malawak na pag-unawa at mahabang pagpapasensya sa mga taong nakapaligid sa atin. Mahalaga din na ‘wag pairalin ang init ng ulo, sa mga sitwasyon na sinusubok ang ating pasensya. At huli sa lahat ay ang halaga ng pagkakaibigan, sa hirap man o saya.

“May bago tayong idadadag sa listahan ng pandirigma! Mga vaklang toh! Ano yun?” tanong na pabiro ni Don.

Sabay-sabay na sumigaw at tatlo.

“Magtatakip ng bibig pag-uubo sa bus!”

Nagtawanan ng malalakas ang magkakaibigan habang patuloy na naglalakad papauwi.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement